HINDI makikipagkita si BBM sa mga Filipino sa China. Ipinagbawal ng gobyerno ng China ang mga pagtitipon dahil sa muling pagkalat ng Covid-19 sa bansang pinaniwalaan ng buong mundo na pinanggalingan ng pandemya. Maiiba ang pagbisita ni BBM sa Peking. Mawawala sa kanilang script ang mga maingay na pagtitipon niya sa mga Pinoy.
Kahit laksa-laksang mamamayan ng China ang ibinabalitang nagkasakit ng Covid-19 sa muling paglaganap ng pandemya, walang ulat na desisyon ng pamahalaan ni BBM kung ipagbabawal ang pagpasok ng mga turistang Intsik. Ang iniulat ay ang posibilidad ngunit hindi desisyon. Hindi nalalayo ang gobyerno ni BBM kay Rodrigo Duterte sa pagsamba sa mga turistang Intsik. Halos suubin ng insenso at iniluklok sa pedestal ang mga Intsik.
Ngunit hindi ito ang buod ng kanyang tatlong araw na state visit sa China na mag-umpisa bukas. Hindi ang aabot sa 14 na kasunduan sa pagitan ng China at Filipinas. Tampok sa kayang state visit sa Peking ang maaaring isagot sa tanong na kung maaaring pagtiwalaan si BBM sa pagdadala ng usapin ng suliranin panlabas (foreign policy) ng Filipinas.
Kahit 100 o 1,000 ang kasunduan sa pagitan ng China at Filipinas, hindi nangangahulugan na bubuti ang relasyon ng dalawang bansa. Hindi ang relasyon ng dalawang bansa ang tampok sa pagbisita ni BBM sa Peking. Pinakatampok ang pagmamagaling ng Peking na ang China ang may-ari ng halos kabuuan ng South China Sea at ang patuloy nila paglabag sa integridad ng teritoryo ng Filipinas at exclusive economic zone (EEZ) na kinamkam ng China at tinatayuan ng mga istraktura tulad na base militar sa mga islang bato.
Walang paggalang ang Peking sa teritoryo ng Filipinas at EEZ na kinikilala ng buong mundo sa ilalim ng umiiral na international law. Halimbawa ang kaso ng Sandy Cay, isang mabatong pulo na may 10 milya ang layo ng isla ng Pag-asa sa lalawigan ng Palawan. Pareho silang nasa loob ng EEZ ng Filipinas, ngunit inaangkin ng Peking ang Sandy Cay.
Tinayuan ng kung ano-anong istraktura ang Sandy Cay at pinaniniwalaan na naging base militar na ito ng China. May nakaambang panganib sa mga Filipino na nakatira sa Pag-asa sapagkat magkalapit ang dalawang isla. Hindi nakakalutas sa pangamba ng Filipinas ang plano ng dalawang bukas na magbukas ng hotline sa usaping pandagat.
Sa totoo, paikutin ng China si BBM na isang bagito at sadyang walang alam sa foreign policy. Papasukin ng Peking at papaniwalain si BBM na gagawin ng China ang lahat upang mapabuti ang relasyon ng Filipinas at China. Hindi ito totoo.
Hindi bubuti ang relasyon ng dalawang bansa hanggang hindi kinikilala ng Peking and desisyon noong 2016 ng Permanent Arbitration Commission ng UNCLOS na ibinasura ang kanilang pag-aangkin sa halos kabuuan ng South China Sea. Walang batayan sa kasaysayan at batas na pag-aari ng China ang South China Sea.
Hindi bubuti ang relasyon ng dalawang bansa habang patuloy na lalabag at papasukin ng China ang teritoryo ng Filipinas at nanakawin ng walang habas ang mga isda at yaman-dagat na nasa EEZ ng Filipinas. Hindi makukuha sa ano-anong kasunduan ang relasyon ng dalawang bansa. Dapat lang igalang ng China ang teritoryo ng Filipinas.
***
TATLONG prominenteng nilikha ang nasawi sa huling dalawang araw ng 2022. Nasawi si Pele, o Edson Arantes do Nascimento, ang Brasiliano na kinikilala bilang “hari” ng larong futbol. Si Pele ang tanging manlalaro na may tatlong kampeonato sa World Cup (1958, 1962, at 1970). Nasawi rin si Barbara Walters, ang babaeng mamamahayag na kinilala sa buong mundo dahil sa kanyang mga natatanging ulat at panayam sa mga lider ng iba’t ibansa bansa.
Nasawi si Papa Emeritus Benedict XVI, ang lider ng Simbahang Romano Catolico na nagbitiw bilang papa dahil sa katandaan. Kinikilala ang kanilang kontribusyon sa mundo. Nagluluksa ang buong mundo sa kanilang pagkawala.
***
WALA bang back-up system sa nasira na air navigation system ng Ninoy Aquino International Airport? Ito ang tanong dahil sa pansamantalang pagsasara ng pandaigdigang paliparan noong Bagong Taon. Inabot ng ilang oras ang pagsasara at naperwisyo ang maraming manlalakbay papasok at palabas ng bansa.
Inabot ng 282 flight ang naantala, nakansela, o iniba ang destinasyon dahil sa pagbagsak ng sistema sa paglalakbay ng paliparan. Aabot sa 56,000 ang mga pasaherong naperwisyo. Hindi na bago ang ganitong balita. Lahat halos sa Filipinas ay palpak. Bumagsak ang sistema sa transportasyon kamakailan. Ipinuslit ng mga mamamakyaw ang supply ng sibuyas. Patuloy ang pagbagsak ng peso sa pamilihan.
***
PINAGTAWANAN si BBM sa kanyang mensahe kahapon. Tungkol ito sa pagmamahal sa Filipinas at pagkakaisa. Simple lang ang sagot ng mga hindi natutuwa sa kanyang mensahe. Ibalik ang nakaw na yaman ng kanyang pamilya, bayaran ang utang na P203 bilyon sa buwis at kung maaari, magbitiw sa panguluhang si BBM. Hanggang hindi ito ginagawa ni BBM, isang malaking kahungkagan ang panawagan sa pagkakaisa.
***
MGA PILING SALITA: “Kung hindi pa kayo nakahahalata, controlled talaga ang optics ni Marcos Jr. Dapat ang kaharap niya mga panatiko at madaling mabilog ang isip. Hindi siya pwede sa ‘wild’ lalo na sa mga marunong mag-isip at kayang ilabas ang mga nasa saloobin nila. Palabas lahat. Propaganda lahat.” – Netizen na nagtago sa pangalan na “Dissenting Voice”
“Suntok sa buwan: All executive officials from director up, as well as all senators and congressmen, should be required to take public transportation with regular commuters at least twice a week when going to their offices.” – Federico Pascual, netizen, social critic
“As 2022 comes to a close, Let me share with you what I am most proud of this year. Ang pagtindig sa tama. Ang pagtataya para sa isang mas maayos na Pilipinas, sa kabila ng lahat ng pangmamaliit, tayo ay tumindig and I will gladly do it again, in a heartbeat.” – Kerby Javier Salazar, netizen, democratic warrior
***
GALING kay Leisbeth Recto, netizen at kritiko :
“Ang sabi ng matandang senadora, ‘I can live w/out onions.’
“Hirit naman ng DA spox, ‘Eh di huwag bumili ng isang kilong sibuyas.’
“Pagmamalaki naman ng isang sipsip na senador, ‘maganda ang takbo ng ekonomiya lalo na sa sektor ng agrikultura.’
“ME: Nasaan ang utak at empathy nyo?”
The post HUWAG MAGTIWALA SA CHINA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: