BINIGYANG direktiba ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Office of the Senior Citizens’ Affairs (OSCA) sa lungsod na i-update ang listahan ng mga senior citizens.
Ang utos ni Lacuna ay ibinigay kay OSCA chief Elinor Jacinto at ito ay kaugnay ng mga reklamo tungkol sa nawawalang mga pangalan sa listahan na ayon sa alkalde ay dapat na maresolba bago mamigay ng allowances ang pamahalaang lungsod bilang bahagi ng Manila social amelioration program ng Maynila.
“Tayo po ay updated na sa senior citizen allowances. All districts naibigay ang allowances for the year 2022. Ano na lang ang utang namin? Dun sa mga nagkaroon ng problema na wala sa listahan. Updating na lang muli ang ating tutugunan,” sabi ni Lacuna.
Ayon sa lady mayor, nagbigay na siya ng instruction kay Jacinto na i-update ang listahan ng senior citizens upang matiyak na yung mga karapatdapat na tumanggap ng allowance ay makatanggap.
“Sa mga nawala sa listahan, abang-abangan lang ninyo. Rest assured na aayusin naming mabuti nang makuha ninyo ang kaukulang allowances,” dagdag pa nito.
Inanunsyo din ng alkalde na ang susunod na pamimigay ng senior allowances ay sa April 2023 dahil ang huling pamimigay ay noong December 2022.
Ayon pa kay Lacuna, gusto ng lungsod na matanggap ng mga senior citizens ang kanilang allowances nang bultuhan at tiniyak na ang kanilang allowances sa susunod na tatlong buwan ay ibibigay sa unang linggo ng Abril.
Samantala, sinabi ni Lacuna na ina-update na ang listahan ng mga senior citizens sa lungsod at hinahanda na ang payroll para sa cash aid ng mga ito.
“Expect the next allowance by first week of April 2023 para medyo malaki-laki matanggap ninyo kasi kung buwan-buwan maliit. Samantala, ang ating mga kasamahang kawani are preparing the payroll and updating. Alalahanin n’yo, everyday may nadadagdag at nababawas so after four months, kahit paano, medyo updated na tayo,” sabi ng alkalde. (ANDI GARCIA)
The post Mayor Honey: Listahan ng seniors sa Maynila, i-update! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: