Muling nanawagan ng patuloy na suporta sa military… ‘Win-win solution,’ nais ni Bong Go, sa pagrepaso ng RA 11709
MULING nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go, na siya ring vice chairperson ng Senate Committee on National Defense, para sa isang “win-win solution” na reresolba sa mga isyung may kinalaman sa Republic Act No. 11709, ang batas na nagtatakda ng fixed term at retirement age para sa ilang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Nagkaroon kami ng hearing noong isang araw sa Senado at ako naman po, I am for a win-win solution,” ayon kay Go, sa isang ambush interview matapos na personal na magkaloob ng tulong sa mga biktima ng mga pagbaha sa Oroquieta City, Misamis Occidental kamakailan.
“Gusto ko po happy ang militar, gusto ko po happy ang kapulisan, gusto ko high morale po ang ating mga militar. Sila po ang nagtatrabaho tuwing may giyera, itong pandemya, itong laban sa insurgency. Even sa Marawi, sila po ang sumasabak sa giyera. Even sa disaster, sila ang tumutulong sa atin,” aniya pa.
Noong Hulyo, 2022, naging epektibo na ang RA 11709, o mas kilala bilang Act Strengthening Professionalism in the AFP.
Kinumpirma naman ni Defense Secretary Carlito Galvez, Jr. na may impact ito sa morale ng mga sundalo dahil maaaring mahadlangan nito ang promosyon ng may 135,000 enlisted personnel.
Lumikha rin aniya ito ng bulung-bulungan sa loob ng military, particular na sa mga sundalong negatibong maapektuhan nito.
Nagpahayag naman si Go ng buong suporta sa sandatahang lakas at tiniyak na patuloy siyang hahanap ng mga pamamaraan upang matugunan ang kanilang mga pangamba o alalahanin.
Sa isang manipestasyon na idineliber noong Enero 17, sa isang pagdinig na idinaos ng Committee on National Defense, sinabi ni Go na upang magkaroon ang bansa ng secure at stable na armed forces, kailangang matanggap ng mga ito ang suporta na kanilang kinakailangan.
“Maganda po ang layunin ng batas na ito upang masiguro ang continuity sa mga polisiya at programa po ng AFP. Ngunit, kagaya po ng karamihan sa ating mga batas, meron talagang mga birth pains,” aniya pa.
Aniya pa, dapat na sikapin ng pamahalaan na umagapay sa mga panukala at rekomendasyon mula sa military at mga uniformed personnel, at muling bisitahin ang mga polisiya upang manatili silang responsive sa mga pangangailangan ng military at maisulong ang pag-unlad at career development sa hanay ng mga ito.
“We should come up with a win-win solution. Dapat happy ang lahat at pag-aralan po natin nang mabuti at ang mga nasa baba dapat magkaroon po ng pagkakataon na umangat,” aniya pa.
“Dapat po ang best and the brightest ay magkakaroon ng panahon at pagkakataon na maging heneral. At ayaw nating may mabawasang heneral. Gusto nating madagdagan pa ang mga heneral at umangat ang mga may potensyal na young officers,” dagdag pa niya.
Una na ring naghain si Go ng Senate Bill No. 4224 na naglalayong magkaloob ng free legal assistance para sa mga uniformed personnel ng bansa.
The post Muling nanawagan ng patuloy na suporta sa military… ‘Win-win solution,’ nais ni Bong Go, sa pagrepaso ng RA 11709 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: