Facebook

NOT FOR SALE

NAKATAKDANG dumalaw si Boy Pektus sa bansang Tsina ngayong araw upang patibayin ang ugnayan ng dalawang bansa sa anumang larangan. Walang pag-aagam agam na kailangang makipag ugnayan ang bansa sa sinumang bansa na bahagi ng isang malaking komunidad ng mga bansa. Nakabase ang pakikipag-ugnayan sa patas na relasyon at hindi sumasagka sa interes maging sa batas na umiiral dito. Walang pagtutol lalo’t magbibigay sa bawat bansa ng oportunidad na magpalakas ng kani-kanilang kalakarang pang kalahatan lalo’t sa pangkabuhayan. Ang ugnayan dapat na sasalamin sa pagkakapantay ng bawat interes ng dalawang bansa at walang naduhagi sa anumang kasunduan na maaaring pasukan.

Sa isang pagtitipon ng mga lider ng mga bansa, nagkita si Boy Pektus at Pang. XI. Inimbita ni Onse si Boy Pektus na dumalaw sa Tsina ang bagong pangulo upang pag-usapan ang ugnayan pang komersyo o negosyo, seguridad ng rehiyon ng Asya Pasipiko, Teritoryo at iba pang usapin na magpapatibay sa pagkakaibigan o relasyon ng dalawang bansa. Nagpaunlak si Boy Pektus, itinakda ang pagbisita sa unang linggo ng Enero 2023. Sa gagawing pagbisita ni Boy Pektus kay Onse marami ang nababahala sa halip na masiyahan sa magaganap na pagpupulong ng dalawang lider dahil ‘di batid ang pag-uusapan at ang mga usaping pagtitibayin. Nariyan ang pag-aagam-agam na may kinalaman sa teritoryo, seguridad at kabuhayan ng bansa at ng mga mamamayan ang pag-uusapan. Subalit tulad ng dati, hindi naging mabunga sa bansa ang mga napagkasunduang mga ugnayan. Sa halip mas may pakinabang ang bansa ni Onse sa mga kasunduang pinasukan. At kung ang teritoryo ang pag-uusapan, batid ni Mang Juan na napagwagian na ng bansa sa UNCLOS ang usapin ng teritoryo na dahilan ng pagdalaw ng Bise-Presidente ng US of A sa bansa ng nakaraang taon.

Sa ilang talastasan, nabatid na maraming bilateral agreement ang nakasalang upang pagkaisahan ng dalawang bansa na nagpapatibay sa ugnayan. Ngunit hindi malinaw kung anong mga kasunduan ang mga nabangit na siyang nagbibigay ng pagkabahala kay Mang Juan. Ang masakit nito tila bantulot ang bansa ni Onse na pumasok sa multilateral na kasunduan sa halip nais nito ang one-on-one o bilateral agreement ang pasukan ng bansa sa kanila. Ano ang hiwaga na ibig ng Tsina na hindi makaaayaw ang bansa sa kasunduan na ibig nito. May malaki bang kapakinabangan sa bansa ang bilateral sa halip na multilateral? O’ may pag-aagam agam si Onse na mabatid ng ibang nasyon lalo sa Asya Pasipiko ang uri ng ugnayan na pinapasukan ng Tsina? Bakit?At ano ang meron ang Pinas na hindi alam ni Mang Juan na alam ni Onse?

Sa isang pag-aaral na batid na ang teritoryong pinag-aagawan na napanalunan ng bansa sa UNCLOS ay sagana sa likas yaman na maaaring magbago ng kabuhayan ng bansa. Mahusay na palatandaan na mayaman sa likas ang tinatawag na West Philippine Sea ng maglakas loob ang Tsina ng magtayo ng maraming imprastraktura sa lugar na nagpapasikip ng hawak sa nasabing lugar. Hindi lang usapin ito ng mga isdang nahuhuli sa lugar, higit ang mga likas yaman tulad ng natural gas gaya ng sa Malampaya. Sa pag-aaral higit na marami ang handog nitong natural gas kaya’t binakuran na ng Tsina ang nasabing lugar. Walang duda na hindi lang bilyon bilyon dolyar na halaga ng natural gas ang nakaimbak sa nasabing lugar na ‘di ibig bitiwan ng Tsina. Ang usaping ito’y tunay na may malaking interes sa bawat bansa, ngunit ang legal na nagmamay-ari nito’y ibinigay na sa Pilipinas ng magpasya ang UNCLOS.

Sa pagbisita ni Boy Pektus sa Tsina, inaasahan na mapag-uusapan ang WPS na isang malaking isyu hindi lang ng seguridad higit ng usapin ng kabuhayan. Maraming pagkakataon na hindi lang ang pangkaraniwang pamalakaya ang hinaharass o tinataboy ng mga marinong intsik nariyan na ang misyong mga sundalo ng bansa na nagbabantay sa nasabing lugar ang tinataboy. Makikita sa mga larawan na naglalabasan na maraming sundalong pandagat ng Tsina ang makikita sa mga lugar na nasa loob ng ating teritoryo. Minsan pang naging usapin ang basyo na pinaputok ng mga intsik upang itaboy ang ating hukbong pandagat. Nakuha na ito ng PN ngunit pilit na binawi ng sundalong Tsekwa ng hindi napasa kamay ng Estados Unidos ng bumisita si VP Kamala Harris.

Kaduda duda ang pagmamadali ni Onse na dinalaw ni Boy Pektus kahit sa aga ng taon upang pumirma ng mga kasunduang hindi malinaw kung ano ang laman. Sa pag asang matutulad kay Totoy Kulambo ang magiging lagay ng pagkakaibigan tila minamadali ng pangulo ng Tsina na naplantsa ang mga kasunduan lalo’t sa aga ni Boy Pektus sa panguluhan. Subalit, batid na ni Mang Juan kung paano kumilos ang liderato ng Tsina lalo sa pamimilipit sa kamay maging sa leeg ng mga taong natulungan sa panahon ng halalan. Hindi mapasusubalian na ilang ulit na nagkita si Boy Pektus at ang kinatawang ambasador ng Tsina sa bansa bago pa man ang halalan. Kasama ba ang pagpapasalamat sa maagang pagbisita kay Onse, sa pagkakapanalo. Sa totoo lang, maraming kasunduan na nilagdaan ng nakaraang pamahalaan ang hindi natuloy dahil sa mga paglabag ng kabilang partido sa titik ng kasunduan. May mga ibig ang intsik na hindi ayon sa batas ng bansa ngunit napagbigyan. Sa huli tila naging gatasan ng mga mandarambong sa gobyerno ang mga titik ng kasunduan. Ano masasabi ni Pogo? Ngunit ang malaking usapin, hindi pinigilan ng pamahalaan ang mga pagtayo ng mga imprastraktura sa WPS.

Sa pagbisita ni Boy Pektus kay Onse, nariyan ang marami raming mga bilateral agreement ang maisasaalang. Ngunit bulag si Mang Juan sa kung anu-anong kasunduan ang nakasalang na pipirmahan ng magkabilang panig sa ngalan ng pagkakaibigan. Walang pagkakataon na magpahayag o ipahayag ang mga laman ng mga kasunduan. Ngunit, iisa ang malinaw ‘di naduhagi ang mga Tsekwa lalo’t ang siga ng Asya ang kausap ni Boy Pektus na may utang na loob sa una sa pagkakapanalo sa nakaraang halalan. Ang pag-angkin sa napanalunang WPS tila nanganganib at magpapatuloy na tinatayuan ng mga imprastraktura na mapanghahawakan upang patuloy na maitaboy ang may ari ng WPS sa sarili nitong bakuran. Sa likas yaman ng lugar na batid ng bansa ni Onse, tila patitibayin ang galaw ng kanilang naval forces. Ang kasunduan na nilagdaan ang selyo sa patuloy na pag-angkin sa nasabing likas yaman.

Umaapila ang Batingaw kay Boy Pektus huwag alisin sa isipan na pansamantala ang hawak nito sa panguluhan. Masakit ang magiging dulot nito sa kanilang lahi kapag binawi ng mamamayan ang ibinigay na basbas. Kung nanalo sa tulong ng dayuhan, Boy Pektus, huwag alisin sa isip at puso na Not for Sale ang anumang bahagi ng bansa lalo ang kasarinlan. Sa mga kasunduang lalagdaan unahin ang kagalingan Pambansa at ‘di pansarili. Kung may kahinaan sa nakaraan, o naibenta ang sarili para sa upuan sa puno ng Balite ng Malacanan, please, not for sale ang bansa.

Maraming Salamat po!!!

The post NOT FOR SALE appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
NOT FOR SALE NOT FOR SALE Reviewed by misfitgympal on Enero 03, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.