Facebook

SAMAHANG HONEY AT YUL, MODELO PARA SA IBANG LUNGSOD

Napakaganda ng relasyon sa pagitan nina Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo-Nieto at mga miyembro ng Sanggunuiang Panglungsod sa Maynila, kaya naman napakaganda rin ng daloy ng serbisyo na kanilang naibibigay para sa mga taga-Maynila.

Kelan lamang ay nag-guest si Vice Mayor Yul Servo-Nieto sa buwanang ‘Balitaan’ news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) at doon ay buong pagkumbaba nitong ikinwento kung gaano kaganda para sa pagbibigay nila ng serbisyo sa mga mamamayang taga-lungsod ang pagiging ‘united’ ng ehekutibo at lehislatura na sangay ng lokal na pamahalaan.

Aniya, ang walang-sawang suportang nakukuha niya bilang Vice Mayor at Presiding Officer ng Manila City Council mula kay Mayor Honey ay sinusuklian niya ng buong-pusong suporta din para sa alkalde, kasama na ang mga konsehal na bumubuo ng Manila City Council.

Natutuwa rin niyang ibinahagi na hindi nagsasawa si Mayor Honey sa pagbibigay sa kanya ng payo at paggabay, gayundin sina dating Mayor Isko Moreno at ang kanyang ninong na si City Administrator Bernie Ang.

Ang mga ito pala ang kanyang palagiang kinokonsulta ukol sa kanyang trabaho bilang bise-alkalde at Presiding Officer ng konseho.

Itong si Vice Mayor Yul ay nagsilbi din bilang three-term Manila third district Councilor bago naging Congressman ng parehong distrito at sa House of Representatives ay nagsilbi bilang deputy majority floor leader.

Ang kanyang mga gabay at advisers naman na sina Mayor Honey, dating Mayor Isko at City Administrator Bernie ay pawang naging miyembro rin ng konseho. Sina Mayor Honey at dating Mayor Isko ay parehong naging Vice Mayor at Council Presiding Officer samantalang si City Ad Bernie naman ang siyang may hawak ng record bilang pinakamatagal na nagsilbi sa konseho dahil may kabuuang 18 taon siyang naging third district Councilor sa lungsod ng Maynila, bukod pa sa ito ang itinuturing na takbuhan para konsultahin maging ng mga abogado at siya ring may akda ng tax code ng Maynila.

Sa uri ng kanyang mga kinokonsulta ay talagang di maliligaw ng landas si Vice Mayor Yul dahil hitik sa karanasan at kaalaman ang kanyang mga nilalapitan.

Puring-puri din niya si Mayor Honey dahil sa sobrang sipag nito, kung saan mahihiya ka umano na hindi magtrabaho nang husto para sa lungsod.

Ani Vice Mayor Yul, lubhang ‘workaholic’ ang kanyang mayor at mabait, kaya naman inspirado siya na ibigay nang todo ang kanyang makakayanan para magampanan ang pagiging bise-alkalde at Presiding Officer ng konseho.

Kapag may programa si Mayor Honey na kailangan ng tulong ng konseho ay agad umano siyang nagpapatawag ng mga konsehal na kanya ring pinupuri dahil sa sipag mag-overtime para sa ikabubuti ng lungsod at ng mga proyekto ng alkalde.

Madalas kong madinig na pinasasalamatan ni Mayor Honey si Vice Mayor Yul at mga konsehal sa kanyang mga talumpati, para sa kanilang suporta na nagbibigay-daan sa mas matagumpay niyang administrasyon.

Malaking bagay din na kinikilala at pinupuri ni Mayor Honey di lamang ang bise-alkalde at mga konsehal kundo pati ang mga opisyal at kawani ng lungsod, imbes na angkinin nang solo ang kredito.

Sana ay maging tuloy-tuloy lamang ang magandang relasyong namamagitan sa legislative at executive arms ng Maynila dahil mga residente ang makikinabang, kesa naman bangayan at silipan ng butas ang kanilang pinagkakaabalahan, gaya ng nangyayari sa mga lungsod kung saan hindi magkasundo ang mayor at vice mayor.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

The post SAMAHANG HONEY AT YUL, MODELO PARA SA IBANG LUNGSOD appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
SAMAHANG HONEY AT YUL, MODELO PARA SA IBANG LUNGSOD SAMAHANG HONEY AT YUL, MODELO PARA SA IBANG LUNGSOD Reviewed by misfitgympal on Enero 18, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.