MARAMI na ang mga nagugutom pa sa ating mga kababayan sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin, lalo na sa pagpasok ng bagong taon.
Ang ating mga magsasaka na lamang, ay di na ganun kasaya gaya ng dati. Sari-saring krisis ang kanilang nararanasan, samantalang di naman tumataas ang presyo ng kanilang ani.
Ang mga ordinaryong Ina ng mga tahanan ay problemado na din, kung paano pagkakasyahin ang maliit na kita ng pamilya para pakainin ang kanilang mga supling.
Nakakaalarma ang ganitong kalagayan. Ang mga tanawin ng kahirapan sa kanayunan man o dito na sa Kamaynilaan ay nakalulungkot nang pagmasdan.
Sabihin na nating ang kahirapan naman ay talagang ramdam na sa kahit saan parte ng mundo. Pagkain, gasolina at kahit na mga pataba sa pagtatanim at pag-aalaga ng hayop ay talaga namang sumirit na, mula nang tangkain ng Russia na sakupin ang Ukraine noong Pebrero.
Ngunit tayo ay talagang lagi nang nasa ‘oras de peligro’ at ang tanging pag-asa ay umangkat ng halos lahat na ng bagay sa ibang bansa para makaraos ang maraming Filipino.
Ang mga pag-aangkat na ito, kung talagang susuriin ay pinakikinabangan ng mapagsamantala nating mga kababayan na kung lalaliman pa ang pagsusuri, ay may koneksiyon sa ating mga pulitiko at iba pang may mga katungkulan sa pamahalaan.
Lalong tumataas ang presyo ng anumang iniaangkat natin, mapa-pagkain o ano pa man, dahil sa ganitong senaryo.
Sa mga naka-aangat sa buhay lalo na ang mga pulitiko at ibang pang nasa pamahalaan, tila di ramdam ito, dahil sa tinatamasang katiwasayan sa buhay.
Tila di nila ramdam ang paghihirap ng mga bawat maliit na Juan at Juana ng mga mahihirap na tahanan.
Siguro naman ay panahon na para magising ang ating mga pulitiko, na sa kanila dapat magsimula ang magandang pagbabago at isa-isip na ang kanilang mga kababayang naghihirap ang naglagay sa kanilang mga pwesto, dahil sa kanilang mga boto.
The post SIMULAN ANG PAGBABAGO SA ATING MGA PULITIKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: