Mariing nanawagan ang isang grupo ng konsyumer sa agarang pagpasa ng Senate Bill 1688, na inihain ni Senador JV Ejercito, na magpapalawak sa sakop ng RA 10845 o ang “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016” upang isama ang hoarding, profiteering, kartel at “iba pang pang-aabuso sa merkado,” kasabay ng pahayag na ang bill ni Ejercito “ay napapanahong solusyon sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin tulad ng sibuyas.”
Inupakan din ng tagapagsalita ng Malayang Konsyumer (MK) na si Atty. Simoun Salinas ang panukala sa Mataas na Kapulungan na nagdaragdag ng tabako at mga produkto ng tabako tulad ng sigarilyo bilang “di-kailangan” at binigyang-diin na ang paglalagay ng mga bagay na walang kinalaman sa anti-smuggling measure “ay walang kabuluhan at makakalabnaw lamang sa layunin ng RA 10845.”
Ang tinutukoy nito ay ang Senate Bill 1812 na inihain ni Senador Lito Lapid, na layong isama ang hilaw at pinrosesong mga produkto ng tabako tulad ng sigarilyo sa maikling listahan ng kasalukuyang Anti-Smuggling Law gaya ng bigas, mais, gulay, at iba pang pangunahing pagkain.
Ayon pa kay Salinas, “sa Senado ay mayroong magandang panukala at pangit, at malinaw sa amin na ang bersyon ni The Good One ang mas makabubuti para sa mga mamimili.”
Pumatok ang “JV is the Good One” na ginamit ni Ejercito sa kampanya noong 2022.
Ipinaliwanag ng tagapagsalita na “ang mga amyenda na naglalayong mapabuti ang batas ay dapat nakatuon sa mga pagkakasala na nakakasama sa mga Pilipinong mamimili, ang mga malalalang krimeng itinuturing natin na malawakan na katumbas na ng economic sabotage. Kaya’t kasama sa SB 1688 ang profiteering, hoarding, at iba pa.”
“Ang panukalang ito ni Ejercito ang nagbibigay ng kongkretong batayan sa batas. Ihambing natin ito sa panukalang batas ni Lapid na may ibang layunin. Hindi ito makatwiran, hindi napapanahon, at hindi nakakatulong sa mga konsyumer ng pagkain. Ang tabako ay nasa ibang kategorya ng mga non-essential, non-food products na hindi karapat-dapat sa proteksyon ng batas sa ilalim ng RA 10845,” dagdag pa ng abogado.
Binanggit din sa Senate Bill ni Ejercito na ayon sa datos ng Bureau of Customs, umaabot sa 1.2 bilyong piso ang halaga ng mga produktong pagkain ang nakapuslit sa bansa noong 2022 sa smuggling.
Ipinaalala naman ni MK convenor Christian Real na “ang smuggling ng mga pangunahing pagkain ay malaking problema, ngunit hindi ito ang tanging problema na dapat nating atupagin.”
“May supply ka nga, tinatago naman at ipinagkakait sa merkado. Hindi nga smuggled ang food items, pero ang mahal naman ng presyo dahil kontrolado ng cartel at ng mga mapagsamantala at ganid na grupo,” ayon pa sa samahan ng mga konsyumer.
“Kaya’t kailangan nating amyendahan ang batas upang parusahan ang mga iba pang pagkakasala. Habang ginagawa natin ito, huwag nating haluan ng mga kung anu-anong produkto tulad ng tabako at sigarilyo na walang lugar sa RA 10845.”
The post Anti-smuggling bill ni Pinuno winakwak appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: