BAWAT taon, 100K metric tons ng bawang ang kinukunsumo natin pero sabi ni Danilo Fausto, presidente ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI), 10 percent lang nito ang kayang i-supply ng ating magsasaka ng bawang.
Pinabayaan daw, umasa na lang ang mga nakaraang gobyerno, lalo na ang Department of Agriculture (DA) para mapunuan ang kulang na suppy, sabi ni Fausto kaya pakiusap niya kay Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. — na umaaktong DA secretary — na umasyon agad, bago pa tumaas ang presyo ng bawang tulad ng nangyari sa sibuyas na umabot sa presyong P700 isang kilo.
Madali lang itong gawin, ayon kay Fausto kung itotodo ng DA ang suporta sa magbabawang.
Bigyan ng suporta sa pataba, magagaling na binhi, malawak na taniman, pamatay peste, maayos na storage facility at iba pang tulong.
May mungkahi na itong Department of Trade and Industry (DTI) na ‘wag lang monitoring at paglalagay ng suggested retail price (SRP) ang tinatrabaho.
Kung ang gobyerno (DA at DTI) kaya ang bumili ng aning bawang sa presyong tutubo ang magsasaka, saka ibenta sa magtitingi, malaking tulong ito para hindi tumaas ang presyo ng bawang — tulad ng ginawa nila sa sibuyas.
Sa pag-aaral, 2-3 toneladang bawang ang kayang iprodyus ng ating garlic farmers sa isang ektarya na kumpara sa ibang bansa, nakakayang umani ng 15 tonelada kada ektarya.
Pati ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay pakilusin na rin ni PBBM para hindi tayo laging umaasa sa imported fish, aba sa lawak ng ating dagat, ilog at iba pang bukal ng tubig, makakaya nating magparami ng isda para sa pamilyang Filipino.
Isipin na kung sino ang magsasaka at mangingisda at may mga palaisdaan, sila yung naghihirap pero mas dapat sa buhay,sila ang mas angat.
Pero ang traders na tuso sa negosyo, sila ang lumilikha ng kondisyon upang mapamura ang bibilhing produkto, saka nila itataas sa presyong triple o higit pa ang kanilang tubo sa maliit na puhunan.
Kamay ng gobyerno ang kailangan upang matapos na ang krisis na ito, kasi, ayon sa Food and Agriculture Organization, tayo, ang Pilipinas ang ika-10 sa may pinakamalaking produksiyon ng produkto at pagkaing-dagat.
Tayo, ayon sa BFAR ay may nasasakop na 2.2 milyong kilomentro kuwardradong lawak na katubigang nasa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ) at 6,000 kilometrong aplaya (coastline) at humigit-kumulang sa 1.5 milyong ektarya ng tubig-lawa, ilog, at iba mga bukal.
Tiyak alam ito ng magagaling na nating burukrata na nagtapos sa mga unibersidad sa ibang bansa, at mga kilalang ekonomista at negosyante.
Alam nila ang solusyon sa problema ng seguridad sa pagkain — na isa sa ipinangako ng ating Pangulo Marcos sa panahon ng kampanya nitong Mayo 2022.
Maalam sa ekonomya, kabuhayan at negosyo ang maraming kongresista at senador natin, bakit hindi nila malapatan ng angkop na solusyon ang mga problemang ito?
Sa dami ng teknokrat ng nakaraang administrasyon, hindi ba nila alam ang tamang solusyon sa kakapusan ng pagkain ng bansang ito?
Tiyak alam nila, ating masasabi pero bakit hindi nila ginagawa?
Imbes na maiangat nang kaunti ang pinapasang hirap ng milyong-milyong pamilyang Pilipino, malapit nang kumapit sila sa patalim, makatawid lamang sa gutom habang ang iilan ay nagpapasasa sa ginhawa at yamang dapat ay naikalat sa mas marami.
Ilang administrasyon ang dumating at umalis, pero ang pangakong munting ginhawa ay imposible pa ring mangyari.
Bayan Babangon Muli (BBM) ang sigaw ng administrasyong ito sa panahon ng kampanya, at ngayong nakaupo na si PBBM, umaasa kami na ang pangakong ito ay hindi mapapako kung tutuparin ang pangako ng ating Pangulong Marcos.
***
Para mabawasan ang korapsiyon ay may mga mungkahi na mismong si PBBM na ang magsiwalat sa mga pangalan ng mga politiko, miyembro ng Gabinete na protektor ng mga anak sa Bureau of Customs (BoC).
Malaking tulong ang pagbatikos at matapang na komentaryo ng media sa hangad na mailantad ang protektor ng katiwalian, pero higit na kailangan din ang todong suporta ng Pangulo laban sa korapsyon.
Hindi maaaring iasa lamang ito sa Customs Commissioner at sa matatapat nitong kasama sa laban sa korapsiyon.
Kung nais ngang tuluyang mabawasan ang korapsyon, hindi lamang ito nakapataw sa balikat ng BoC commissioner, higit na tungkulin ito ng Pangulo na isuporta ang ‘kamay na bakal’ na katuwang ang matatapat niyang miyembro ng Gabinete.
Kung wala ang todong suporta ng Opisina ng Pangulo, mananatili ang makakapal ang mga mukha sa Aduana at hinding-hindi mawawala ang korapsiyon hindi lamang sa Customs kungdi sa buong istruktura ng pamahalaan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post BAYAN BABANGON MULI, SANA NGA! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: