Facebook

Iginiit paglikha ng PH CDC… POSIBLE PANG HEALTH CRISIS, PAGHANDAAN — BONG GO

SINUSUGAN ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang pagtatatag ng Philippine Center for Disease Control and Prevention para matiyak na ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa ay mas handa sa pagtugon sa mga posibleng kaharaping krisis sa kalusugan ng publiko.

Sa kanyang co-sponsorship speech sa Senate Bill No. 1869 sa ilalim ng Committee Report No. 28, sinabi ni Go, na siya ring co-author ng panukalang panukala, bukod sa pagpapagana ng mga pasilidad sa kalusugan, ang bansa ay nangangailangan ng isang ahensya na nakatuon sa pag-iwas at pagpigil ng mga nakahahawang sakit sa gitna ng epekto ng pandemya ng COVID-19.

“The global outbreak of the coronavirus disease sparked the need to have a more comprehensive, proactive approach and multi-disciplinary preparedness for the emergence and re-emergence of epidemics and pandemics,” paliwanag ni Go.

Sinabi ni Go na lampas na sa takdang panahon para sa bansa na bumuo ng sarili nitong CDC sa pagsasabing malaki ang papel nila sa kung paano tutugon ang ibang mga bansa sa COVID-19.

Ipinunto niya na maging si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay kinilala ito at nauna nang humiling sa Kongreso na ipasa ang panukala.

Kaya nagagalak siya sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. dahil sa pagkilala sa kahalagahan ng panukalang ito.

Sa ilalim ng iminungkahing batas, ang CDC ay direktang isasailalim sa opisina ng kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan. Ito ay magiging isang organisasyong nakabatay sa agham at magiging teknikal na awtoridad sa pagtataya, pagsusuri, diskarte, at pagbuo ng mga pamantayan sa pag-iwas at pagkontrol sa lahat ng sakit na may kaugnayan sa kalusugan ng publiko, seguridad sa kalusugan, domestic man o internasyonal ang pinagmulan.

Aatasan ang CDC na makipag-ugnayan sa mga CDC ng ibang bansa at kikilos bilang focal point sa mga internasyonal na regulasyon.

Aatasan din itong pamahalaan ang pananaliksik sa kalusugan at pagbubuo ng ebidensya, bumuo ng lokal na kapasidad para sa pagsubaybay at pananaliksik sa kalusugan, itaguyod ang siyentipikong integridad sa pagtiyak na ang lahat ng produkto nito ay tumpak sa teknikal, siyentipiko at tama sa etika.

Magiging bahagi ng CDC ang Research Institute for Tropical Medicine kung maipapasa ang panukalang batas.

Binigyang-diin ang mahalagang papel nito sa panahon ng pandemya, sinabi ni Go na ipinaglaban niya ang badyet ng RITM na napatunayang napakahalagang desisyon nang tumama ang pandemya sa bansa.

“Sa preparasyon po ng budget ng RITM noong 2020, during the budget deliberations in December of 2019, nakita ko doon sa NEP (National Expenditure Program), P118 million lang ang nilagay na budget sa RITM. Sa GAA (General Appropriations Act) naman po ng 2019, P198 (million). So, ibig sabihin, binawasan ‘yung proposed budget, binawasan ng P80 million (para sa 2020),” gunita niya.

“Sino ba naman ang mag-aakala na yung RITM na opisina na binawasan po nila sa proposed budget, ang ahensyang mangunguna po sa testing? Noong January, dumating yung COVID-19, nalaman natin noong Marso, nandirito na sa Pilipinas. Hirap na hirap na tayo sa testing noon, ipinapadala pa sa Australia ‘yung mga specimen, at one week pa makukuha ‘yung resulta through RITM. Sila po ‘yung pinakaimportanteng opisina noong panahon na iyon.”

Matagumpay na naisulong ng senador ang karagdagang P105 milyon sa 2020 budget ng RITM, na tumaas ang kabuuang badyet sa P223.8 milyon noong taong iyon. Muli niyang itinulak na itaas pa ang budget nito sa P393.8 milyon noong 2021, at muli sa 2022 hanggang P730 milyon.

“Hindi natin akalain na ‘yung panahon na ‘yun ay darating ‘yung COVID-19 sa buhay natin. So the more na dapat natin silang bigyan ng pondo. Now, with CDC, mas pinapalawig pa natin sila dahil magiging parte po ng CDC ang RITM ,” idinagdag niya.

“Dapat one-step ahead tayo. Hindi po pwede hindi tayo handa kung mayroong paparating na mga kalamidad, sakuna, o emergency. Sa bawat oras na nagkulang po tayo sa paghahanda, buhay po ang magiging kapalit,” ani Go.

Sa pagtatatag ng ating CDC, sinabi ni Go na kumpiyansa siya na magiging mas handa ang gobyerno na harapin ang anumang emergency sa kalusugan ng publiko sa hinaharap.

The post Iginiit paglikha ng PH CDC… POSIBLE PANG HEALTH CRISIS, PAGHANDAAN — BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Iginiit paglikha ng PH CDC… POSIBLE PANG HEALTH CRISIS, PAGHANDAAN — BONG GO Iginiit paglikha ng PH CDC… POSIBLE PANG HEALTH CRISIS, PAGHANDAAN — BONG GO Reviewed by misfitgympal on Pebrero 13, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.