Facebook

San Sebastian church, nabubulok na… saklolo!

NAGPAHAYAG ng matinding pagkabahala si Manila third district Congressman Joel Chua sa nakakaalarmang sitwasyon ng San Sebastian na isang Minor Basilica sa Quiapo at nag-iisang simbahan na gawa sa bakal at nag-iisa rin sa bansa at sa buong Asya. Ang San Sebastian Church ay nabubulok na at kinakain na ng kalawang at kailangan itong masaklolohan sa lalong madaling panahon.

Ito ang ibinunyag ni Chua sa monthly forum na ginawa ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), ‘Balitaan sa MayniLove’ sa Mehan Garden tabi ng Manila City Hall, kung saan binigyang diin din niya na kailangan na kilalanin na ang San Sebastian Church bilang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) heritage site upang maibalik at maisaayos ang dating porma nito.

“Kinakalawang na ang mga bakal at ang dami na ding bukbok sa loob. ‘Yung altar umaatras na,” sabi ni Chua, na nagsabi din na ang San Sebastian Basilica ay isang mahalagang bahagi ng Quiapo lalo na sa mga true-blue residente na ipinanganak, lumaki at nakaranas at sumaksi ng mahahalagang okasyon sa simbahan tulad ng kasal, binyag at iba pa.

Ipinahayag ni Chua na ang San Sebastian Church ay maaaring matulad sa ibang makasaysayang simbahan na giniba lang ng lindol.

Ayon kay Chua, tinatayang aabot ng bilyong Pisong halaga ang gugugulin upang maisaayos ang San Sebastian at maging ang national budget ay hindi ito kakayanin.

Kaya naman malaki ang maitutulong kung idedeklara ito ng UNESCO bilang world heritage site.

Ayon kay Chua, ang UNESCO ay tumutulong sa lahat ng World Heritage sites na mapanatili ang natatanging universal value nito bilang kakaibang landmark na may kapuri-puring historical, physical at cultural significance.

Ang World Heritage Site ay isang landmark o lugar na may legal protection mula sa international convention na administered ng UNESCO na nagtatakda din kung ito ay may cultural, historical, scientific at iba pang kahalagahan. Ang lugar ay dapat na mayroong “cultural and natural heritage around the world considered to be of outstanding value to humanity”.

Itinayo noong 1891, San Sebastian Church at tanyag sa kanyang arikitektura at isang ehemplo ng Gothic Revival architecture sa Pilipinas.

Bilang nag-iisang gusaling simbahan sa Pilipinas na gawa sa bakal, ito ay ginawang National Historical Landmark noong 1973 at National Cultural Treasure noong 2011. Ito ay matatagpuan sa Plaza del Carmen sa silangang dulo ng Recto Avenue, Quiapo, Manila. (ANDI GARCIA)

The post San Sebastian church, nabubulok na… saklolo! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
San Sebastian church, nabubulok na… saklolo! San Sebastian church, nabubulok na… saklolo! Reviewed by misfitgympal on Pebrero 13, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.