LUMALAKAS ang alon sa West Philippine Sea mula ng mapag-usapan kung sino ang nagmamay-ari nito ng idulog ng bansa ang usapin sa UNCLOS. Hindi natigil ang malalakas na daluyong ng alon mula sa kalapit bansa na ‘di tanggap ang naging hatol, pag-aari ng Pilipinas ang karagatang nabangit. Maraming pagkakataon na nakikita ang mga sasakyang pandagat nito sa WPS kahit nagpasya ang UNCLOS sa kung kanino ang nasabing bahagi ng karagatan. Hindi tumigil sa viaje ang bansa ni XI sa pagpasok sa karagatan na pag-aari ng bansa at patuloy na ginagalugad ang lugar na tila pag-aari nito. Hindi na nasiyahan ang bansa ni Onse sa paggalugad sa karagatan ng bansa at tinayuan pa ito ng mga istraktura na walang puknat na nagpatibay sa pangangamkam. At sa pagtatayo ng mga istraktura nalagyan ito ng pasilidad na nagpatatag sa paghawak sa karagatan sakop ng bansa na tila walang magawa ang Philippine Navy.
Dahil batid ng mga pamalakayang Pinoy ang sitwasyon sa karagatan ng WPS, ‘di nito iniinda ang mga pasilidad na itinayo ng mga tao ni Onse at patuloy ang panghuhuli ng mga isdang nasa teritoryo ng bansa. Sa maraming pagkakataon hindi naging mapalad ang mga pamalakayang Pinoy dahil itinataboy ito ng mga Tsekwang nagbabantay sa karagatang pag-aari ng Pinas. Nariyan na madalas na binabaril ng water cannon upang lumabas sa karagatang sakop “daw” nila. O ‘di nito kinikilala ang hatol na ginawa ng UNCLOS noong 2013. May mga pagkakataon na kahit ang pagsilong sa mga isla upang maiwasan ang malakas na bagyo’y di alintana at patuloy na ginagawa ang pagtaboy sa ngalan na ito’y kanilang pag-aari.
Hindi na lingid sa kaalaman ng dating pangulo ang maraming insidente ng pananaboy sa mga pamalakayang Pinoy ngunit ipinagkibit balikat lang ni Totoy Kulambo ito sa ngalan ng pagkakaibigan sa pangulong Xi. Hinayaan ang mga pangyayaring pananaboy sa mga Pinoy na naging kasanayan na sa mga dayuhan na huwag papasukin ang mga barko o bangkang Pinoy na pumupunta sa WPS upang manghuli ng isda. Sa kawalan ng aksyon ng pamahalaan, dumami ang mga istruktura sa lugar na naghihigpit sa kapit ng mga Tsekwa sa WPS. At sa maraming pagkakataon, ‘di na lang ang mga pamalakaya ang itinataboy sa ating karagatan maging ang kasundaluhan o Philippine Navy ‘di pinayagang pumasok sa sariling bakuran.
Sa isang pagkakataon nang minsang dumalaw ang ikalawang pangulo ng US of A sa nasabing lugar, nagkukumahog ang mga sundalong Tsekwa o ang Chinese Coast Guard na makuha ang basyong ipinutok sa barko ng PN upang lumayo sa nasabing lugar. At dahil sa may mataas na opisyal na galing sa Estados Unidos, napasakamay nito ang basyo. Ilang na ilang ang Tsina na makuha ng Amerika ang basyo at mapag-aralan. Sa totoo lang, hawak ng PN ang basyo ngunit sa ‘di malamang dahilan ay nagbalik sa kamay ng mga Tsekwa ang basyo. Malinaw na larawan na hindi papayag ang bansa ni Onse na napasakamay ng US of A ang anumang armamento na galing sa Tsina. Hindi man napasakamay ng kano ang basyo, malinaw na mayroong naganap na panunuwag sa WPS ang bansa o tauhan ni Onse. Ang masakit, malamya ang tugon ng pamahalaan sa pangyayari. Tama ba Boy Pektus?
Ang malamyang tugon ng pamahalaan sa mga panunuwag ng Tsekwa naging karaniwan at tila nawalan ng karapatan ang Pinoy sa karagatang pag-aari. Hindi itinulak ang pasya ng UNCLOS na pabor sa bansa at nasiyahan sa pakiusap sa mga lider ng Tsina sa ngalan ng pagkakaibigan. Tanong kung pabor ang pasya sa Tsina, magagawa ba ito ng bansa ang pananaboy, higit ang pagtatayo ng pasilidad na ginagamit sa kagalingan ng bansa. O kahit anino ng sino mang pamalakaya’y ‘di makakapasok sa nasabing lugar. Sa totoo lang, malabo ang galaw ni Totoy Kulambo kung WPS ang pinag-uusapan. Masasabing naghudas o ibinenta nito ang karagatan sa WPS kay Onse sa ngalan ng pagkakaibigan.
Dahil sa pagpapabaya ng nakaraang administrasyon, nagsanga-sanga ang usapin sa WPS hanggang sa ‘di na ito mapigilan ng bansa ang nakasanayan na hindi ito ginagalaw ng lider ng bansa. Sa kasanayan na tinataboy at binabarako ang pamalakaya sa karagatan ng WPS, naging karaniwan ang ginagawa at maging ang sandatahan lakas ng bansa’y ‘di pinalagpas o pinapayagan tumawid sa nasabing karagatan kahit magdadala lang ng pangangailangan ng mga kasamahan. Sa isang insidente noong Pebrero 6, 2023, muling lumabas ang panunuwag ng mga Tsekwa at binakbakan ang PN. Binakbakan ‘di na water cannon ang gamit kundi isang makislap na Military Grade laser na nagpagulat sa mga tauhan ng PN.
Batid na ng PN na ‘di kidlat ang tumama dito sa halip isang ilaw na galing sa armamentong mula sa CCG. Sa pagtama sa barko ng PN, pansamantalang nakadama ng pagkabulag ang mga sundalong Pinoy na nagmamando ng sasakyan pandagat. Napaatras pansamantala ang PN, ngunit umiral ang pagiging Pinoy ‘di natinag sa halip nanatili sa karagatan na nakipagmatigasan sa kabila ng malabong pananaw.
Hindi kagyat nabatid ang pangyayari kung hindi nagsalita ang ilang kaibigang bansa ng Pinas sa naganap na insidente. Nasilip na malaking usapin ang paggamit ng Military Grade Laser ng Tsina laban sa PN. Dapat o kailangang sagutin ng Tsina ang naganap na pamamaril. Para sa mga kaalyado ng Pinas malaking banta ito sa seguridad ng mundo lalo’t nagpapakita ang bansang Tsina ng pagiging arogante at dama na ibig maging dominante. Nariyan na pinag-uusapan ang ilang mga nakikitang flying object sa ilang kapaligiran ng Schengen o EU na hinihinalang galing sa bansa ni Onse na tila nagtitiktik.
Samantala, walang magawa si Boy Pektus at kailangang kumilos hinggil sa insidente sa WPS. Pinatawag ang Embahador ng Tsina sa bansa upang magpaliwanag. Tulad ng dati ‘pinagkibit balikat lang ng Embahador at sinabing ‘di lang nagkakaunawaan at maliit na bagay upang makaapekto sa pagkakaibigan ng dalawang bansa. Iginiit na malaman ang sanhi ng ‘di pagkakaunawaan ng mga tauhan na naglalayag sa WPS. Ipinaalala ‘din ang ilang napagkayarian ni Boy Pektus at Onse hinggil sa usapin sa WPS. Subalit tuloy ang protesta na idinulog ng DFA sa UN upang alamin ang tunay na naganap sa WPS.
Sa totoo lang, maraming kamalian ang nagawa ni Totoy Kulambo sa paghawak sa usapin ng WPS. Naging sunod sunuran ito sa ibig ni Onse sa ‘di malamang dahilan. Ang pagpapabaya sa napanalunang usapin sa UNCLOS ang nagbigay sa Tsina na gawin ang pang-aabuso sa Pinoy na mandaragat na nagtutungo sa WPS. Tikom na bibig at bulag na mata ang nagpalakas loob sa mga dayo na gawin ang pang-aabuso. Ang pagbabakbak ng Tsekwa sa ating mga kababayan higit sa kasundaluhan ay isang malinaw na pang-iinsulto sa Pinoy bilang isang lahi at isang bansa. Huwag ilayo sa isip ang kasaysayan na sa gitna ng kawalan ‘di umaatras si Mang Juan sa anumang laban. At Mang Juan huwag mabahala, nakamasid si Uncle Sam at mga kaibigan sa kaganapan sa ating karagatan na maaaring sabihin na ito’y laban ng buong mundo kontra sa Tsino…
Maraming Salamat po!!!
The post BINAKBAKAN SA SARILING BAKURAN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: