Facebook

Bong Go sa jeepney phase out… ‘PAG NAWALA ANG JEEP, WALA NA TAYO SA ‘PINAS’

“KAPAG wala na pong jeepney, parang wala na po tayo sa Cubao, parang wala na tayo sa Quezon Avenue, wala na tayo sa Pilipinas.”

Ito ang sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang pagsuporta sa Senate Resolution No. 507 na humihimok sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagpaliban ang planong phase out sa lahat ng tradisyunal na jeep sa Hunyo 30, habang hinihintay ang pagresolba sa lahat ng isyu.

“Ako mismo noon ay sumasakay talaga ng jeepney d’yan sa E. Rodriguez, Kamias, d’yan sa Kamuning. At naabutan ko pa ‘yung jeep ni Erap… hanggang ngayon, nakagawian na po natin (ang jeep),” ayon kay Go.

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng mga jeepney sa pang-araw-araw na pagbibiyahe ng mga Pilipino, na nagsasaad na ang mga ito ay naging bahagi na ng kultura ng Pilipinas at simbolo ng bansa.

Sa kanyang manipestasyon sa sesyon ng plenaryo ng Senado, umapela si Go sa gobyerno na bigyan ng mas mahabang panahon ang mga tsuper na makaayon sa mga pagbabagong iniuutos sa pamamagitan pag-antala sa deadline ng jeepney phase out.

“Kung kaya naman po, Mr. President, I personally appeal, that the LTFRB delay the phase out of our jeepneys. Bigyan natin ng sapat na panahon ang ating mga jeepney driver para mag-adjust at makasunod sa mga pagbabagong kinakailangan sa bagong patakaran,” ani Go.

Ipinunto ng senador na bagama’t kinikilala niya ang pangmatagalang benepisyo ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program na itinaguyod ng nakaraang administrasyon, kailangang bigyan ng palugit ang mga apektadong sektor dahil bumabangon pa rin ang bansa sa ang krisis na dulot ng pandemya ng COVID-19.

“Sa pagbabagong idudulot ng modernisasyon na ito, (mga driver at) commuters ay kailangan ding ayusin ang kanilang mga badyet para makabili ng mga bagong paraan ng transportasyon,” banggit ni Go.

Bagama’t kinilala ni Go ang pangangailangan para sa modernisasyon dahil sa pagbabago ng klima at mga hamon sa ekonomiya, idiniin niya na ang mga kaukulang pasanin ay hindi dapat tumama sa mahihirap.

“Karamihan po sa mga driver ay may binubuhay po at pinapakain…. Wala pong dapat maiiwan at maagrabyado. Huwag nating ilipat ang pasanin sa mga mahihirap na nangangailangan ng ating tulong,” ayon sa senador.

Inamin din niya na kailangan ang modernisasyon para sa kaligtasan ng pasahero, ngunit ang karamihan sa mga driver ay walang kakayahang pinansyal para magkaroon ng modernong sasakyan sa ngayon.

Sinabi rin ni Go na dahil sa pagsalungat ng mga apektadong sektor, ang isang transport strike ay maaaring maging mas mahirap para sa ommuters na makarating sa trabaho.

“[K]apag nagkaroon po ng malawakang strike ang ating jeepney at PUV drivers sa iba’t ibang parte ng bansa, mas lalo pong mahihirapan ang ating commuters na umaasa sa public transportation araw-araw,” ani Go.

Ang resolusyon ay isinulong ni Senador Grace Poe na siyang tagapangulo ng Senate committee on public services at pinagtibay ng Senado noong Martes. Nakasaad dito na dapat tugunan ng LTFRB ang mga lehitimong isyu na inihain ng mga apektadong driver at operator hinggil sa financial feasibility ng programa.

Sa ilalim ng PUV Modernization Program, dapat isuko ng mga operator ang kanilang mga prangkisa para sa pagsasama-sama sa isang Fleet Management System na magre-require sa kanila na bumili ng 15 imported na minibus sa bawat ruta.

The post Bong Go sa jeepney phase out… ‘PAG NAWALA ANG JEEP, WALA NA TAYO SA ‘PINAS’ appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go sa jeepney phase out… ‘PAG NAWALA ANG JEEP, WALA NA TAYO SA ‘PINAS’ Bong Go sa jeepney phase out… ‘PAG NAWALA ANG JEEP, WALA NA TAYO SA ‘PINAS’ Reviewed by misfitgympal on Pebrero 28, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.