Tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng Climate Change Commission (CCC) sa pamahalaang nasyunal at lokal upang mas mapaigting pa raw ang antas ng paghahanda ng mga Pilipino sa panahon ng sakuna o kalamidad.
Ginawa ni CCC Secretary Robert Borje ang pahayag matapos maglabas ng General Flood Advisory ang Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) dulot ng masamang panahon.
Aba’y ayon kasi sa DOST-PAGASA, ang Eastern Samar, Southern Leyte, Northern Samar, Leyte, Biliran, Samar, Camiguin, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Bukidnon, Misamis Oriental, Davao del Norte, Davao Oriental, Davao del Sur, Davao de Oro, Davao Occidental, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Agusan del Norte, Surigao del Sur, Maguindanao, at Lanao del Sur ay marapat na maghanda laban sa mabilisang pagragasa ng baha at pagguho ng lupa sanhi ng pag-ulan.
Habang tinitipa ko ang kolum na ito, nagbabala ang ahensya ng posibleng pagkakaroon ng kalat-kalat na pag-ulan sa hilagang bahagi ng Luzon dulot ng amihan at ‘isolated at localized thunderstorms’ naman sa Palawan, Visayas, at Mindanao.
Nabanggit ni Borje na nakapagtala na raw pala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng pagbaha sa 118 lugar sa CARAGA kung saan aabot sa P9.4 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura sa Region 11 habang nasa P7.8 milyon naman ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Regions 6, 10, 11, at 12.
Mahalaga nga naman ang patuloy na pakikiisa nating lahat sa climate actions.
Sabi nga ni Borje, sa ganitong paraan, ay “mas masisigurong mapoprotektahan ang buhay, kabuhayan, at kinabukasan ng mga Pilipino laban sa mga epekto ng nagbabagong klima.”
Maging ang mga komunidad at local government units (LGUs) ay pinaaalalahan din ng kalihim, lalo na ang mga nasa matataas at mabababang mga lugar, na maghanda sa mga posibleng sakuna gaya ng landslides at flashfloods.
Samantala, mas pinaigting nga pala ng pamahalaan ang implementasyon ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT project).
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Sec. Cheloy Valicaria-Garafil, ang pagpapatupad daw ng proyekto ay pinangungunahan ngayon ng Department of Agrarian Reform (DAR) na nasa ilalim ng pamumuno ni Sec. Conrado Estrella III.
Katunayan, ayon kay Garafil, natupad na raw ang pangarap ng 1,321 na agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa Bohol, Cebu, at Negros Oriental na magkaroon ng sariling lupang sakahan sa tulong ng SPLIT project ng ahensya.
Kung hindi ako nagkakamali, nasa 1,171.34 ektarya ng mga lupang pang-agrikultura ang naipagkaloob ng gobyerno sa mga benepisyaryo sa rehiyon.
Maliban dito, sinasabing nangako ang DAR na magkakaloob din ito ng iba pang tulong sa mga magsasaka alinsunod sa direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. bilang parte ng food security agenda ng kanyang administrasyon.
Mabuhay po kayo at God bless!
***
Katuwang ang SM Foundation at iba pa, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!
The post CLIMATE ACTIONS NG CCC AT SPLIT PROJECT NG DAR appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: