Facebook

KALAYAAN NI DE LIMA

Ilang araw nalang at gugunitain ng bansa ang isa sa pinakamahalagang yugto ng kasaysayan ang “EDSA People Power ”. Nakabalik na ang lahi o pamilyang pinatalsik ng kapangyarihan ng taong bayan sa liderato ng pamahalaan ngunit nariyan pa rin ang hinangaan ng buong sangkatauhan ang mapayapang rebolusyon na inukit ng lahing Pilipino. Napalitan ang mabagsik na diktador na sumupil sa maraming taon sa Kalayaan ng bayan sa likod ng disiplina ng Bagong Lipunan. Maraming desiperado na hanggang kasalukuyan kahit ang kaluluwa’y naghahanap ng hustisya na ‘di nakamit kahit batid na ang dating diktador ay isang juris doctor. Dalubhasa sa batas kaya’t ginamit ang kaalaman upang mapanupil sa taong bayan. Gayong batid ng bayan na minsan nitong pinagtangol ang sarili sa harap ng hukuman sa salang pagpatay sa kalaban sa politika. Dahil walang kinikilingan ang katarungan nakamtan ang hustisya at napawalang sala. Tanong, umiiral ba ang pantay na hustisya sa kasalukuyang panahon?

Sa katotohanan, ang hustisya’y isang pangmundong Karapatan na ‘di kailan ipagkait sa sinumang tao lalo’t kung ito’y nahaharap sa kasong batid na usaping pampulitika. Walang hindi ibibigay bagkus sinisiguro na sa bawat hakbang sa pagdinig ang patas at naayon sa saligan ang basehan na iniharap na sakdal sa akusado. Walang ‘di dapat dinggin lalo’t ang mga nanumpang mga saksi’y walang tuwirang kaalaman sa kaganapan. Hindi pinipilit ang saksi na gumawa o lumagda sa sanaysay na ‘di ayon sa kanilang kaalaman. Sa pagdinig ng husgado mahalaga ang bawat oras sa nasasakdal higit hinihingi ang kalayaan na dapat makamtan sa ngalan ng patas na katarungan. Sa takbo ng panahon, malakas ang paniniwala na sa lalong madaling panahon ang hustisya sa bansa’y ipatutupad ayon sa titik nito.

Sa kasalukuyan, maraming kaganapan ang nagsasabi na ang hustisya’y malupit sa iilan ngunit ‘di sa kaibigan o kaanak na sangkot sa mabigat na krimen. Ang lapit sa mga taong nagpapalakad ng katarungan ang siyang batayan upang masabing mabilis na makakamit ang katarungan. Nariyan ang ilan na kahit mabigat ang hinaing kaso sa hapag ng katarungan, nabigyan pansin, oras at ‘di nagtagal nagawaran ng hatol na ikinasiya ng pamilya. Ang mabilis na pagdinig sa usapin o kaso’y isang magandang halimbawa na sana’y makamtan ng sinuman.

Walang paligoy ligoy, ibigay ang dapat na hatol ayon sa titik na “beyond reasonable doubt”. Ang hatol na pagpapawalang sala’y dapat at dapat na makamtan ng sino mang humaharap sa usapin ng husgado. Patawan ng hatol ang sino man na walang kinikilingan at palayain ang tunay na walang sala. Ang tanong makakamtan ba ng mga kasalukuyang nasa paglilitis higit ang mga nakapiit sa matagal na panahon ang uri ng hustisya na nakamtan ng anak ni Bondying? Makakakuha ba ng katarungang dapat ang lahat lalo’t ang akusadong inimbentuhan ng kaso?

Sa kasalukuyan maraming maling akusado ang nasa piitan na pilit na pinatatagal ang usapin kahit maraming saksi na binawi ang mga testimonya na nilagdaan ang sinumpaang sanaysay na ‘di ibig. Bigyan larawan ang usapin ng dating kalihim, senador, ina, anak at kaibigan na si Gng. Leila de Lima na nagsirkuhan na ang mga saksi at nagsasabing pinilit lamang. Sa totoo lang, ilang taon nang nakapiit sa isang custodial center sa isang kampo sa Metro Manila. Minsan nang nalagay sa bingit ng alanganin ang buhay ng may nakapasok na preso sa piitan nito at ginawang panangalang sa mga humahabol na alagad ng batas. Mabuti’t walang masamang nangyari kay D5, ngunit ang karanasang sa gitna ka ng gusot ang naglagay sa alanganin sa buhay ay isang mabigat na karanasan. At sa totoo lang, matagal na dapat na nakalaya si Gng. D5 higit ng bawiin ng mga saksi ang mga sinumpaang sanaysay na isinumite ng tagalitis.

Sa takbo ng paglilitis masasabing dapat na ipawalang saysay ang mga sanaysay na binawi ng mga saksi mismo sa harap ng husgado. Saksi na tuwirang nagbabangit na nagkaroon ng brasuhan upang idiin si D5 at lagdaan ang sanaysay laban dito kahit tutol ito. Sa pagbawi ng mga saksi ng sinumpaang sanaysay,’di ba nararapat sa patas na katarungan na pawalang bisa ang unang binanggit. Batay sa pagdinig tuwirang binanggit na gawa-gawa ang sinumpaang sanaysay upang idiin ang dating senadora. Sa puntong ito, ang pagbibigay sa akusado na makapag “bail” ang nararapat. At sa susunod na pagdinig ang patawan ng walang sala ang akusado, ang nararapat. Sa maliit na pagkakaalam, ‘di ibig ng senadora na mag piyansa sa ngalan ng tapat na katarungan. Sa takbo ng usapin malinaw na walang sala si D5 at ang dahilan kung bakit ‘di humihingi na magpiyansa. Ang tuwirang hatol na pagpapawalang sala ang nais.

Nasa huling bahagi ng buwan ang EDSA People Power, ang katarungan sa lahat ng antas ng lipunan ang nais masilip sa madaling panahon. Nariyan ang pakinabang maging ng kasalukuyang pamahalaan sa mapayapang rebolusyon na nagbigay daan ng panunumbalik ng demokrasya sa bansa. Pantay pantay ang lahat sa ngalan ng katarungan. Walang sisinuhin maging ang mga taong minsan ng naging mapaniil sa bayan. Ang bawat pasya ng bayan kung sino ang ibig ang siyang magaganap at ito’y absolute. Walang hindi ibig ang bayan at mga Pilipino ang ‘di makakamtan. Ang pasya ng nakararami ang mananaig masakit man ang pasya, ito ang dapat iiral.

Ang pagbabalik ng demokrasya sa bansa’y tunay na gintong alay na ‘di na mababago ng sino man. Nasisiguro kalakip ng demokrasya, hindi maiiwan ang katarungan na dapat bigyan ng halaga at pansin sa ngalan ng tunay na Kalayaan. Ang masiguro na ang bawat humaharap sa anumang usapin, ang makamtan ang patas na katarungan ang dapat masiguro ano man ang tayo nito sa lipunan. Ang pagkapiring ng babaeng may tangan ng timbangan ng katarungan ang simbolo na may puso at tapat ang hustisya sa lahat.

Sa paggunita sa Araw ng EDSA ngayon, ang mapalaya ang kampeon ng katarungan na si Gng. De Lima’y isang magandang handog na maibibigay ng kasalukuyang pamahalaan. Ang itama ang naganap na pagmamalabis ng nakaraang administrasyon ang dapat gawin at isabuhay. Hindi kailangan ang maraming pagdinig dahil malakas ang boses na gawa-gawa ang kaso na kinakaharap ni D5 at tila upos na kandila na walang liwanag. Panahon na para sa Kalayaan ni De Lima sa ngalan ng katarungan na dulot ng kasaysayan ng EDSA People Power..

Maraming Salamat po!!!

The post KALAYAAN NI DE LIMA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
KALAYAAN NI DE LIMA KALAYAAN NI DE LIMA Reviewed by misfitgympal on Pebrero 23, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.