Facebook

DAHIL SA “WEAK LEADERSHIP”, PNP NABUBULID!

NAKABIBINGING katahimikan ang namamayani sa hanay ng Philippine National Police (PNP), ngunit hindi ito palatandaang kuntento ang may humigit kumulang na 220,000 opisyales at miyembro ng pambansang pulisya sa mga nagaganap sa kanilang organisasyon, manapa’y senyales ito ng “silent protest” bunga ng kahilingang magsumite ng voluntary resignation ang lahat ng third level officer- heneral at colonel dahil sa usaping droga.

Matatandaan na bunsod sa rekomendasyon ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. ay hiniling ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos ang boluntaryong pagbibitiw ng mga heneral at full-pledged colonel sa kanilang puwesto para bigyang daan ang gagawing imbestigasyon ng five-man panel para sa internal cleansing ng PNP.

Ang rekomendasyon at kahilingan ni PDG Azurin Jr. na voluntary resignation ay kasunod ng mga ulat na ilan na namang mga heneral, colonel at rank-and-file ng PNP ay sangkot sa lumalalang illegal drug na noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay humina ang supply dahil sa pinaigting na “war on drug” na idineklara ng Duterte Administration.

Maganda ang adhikain ni PDG Azurin Jr. na linisin ang kanilang hanay laban sa mga scalawag, pero ang inirekomendang voluntary resignation ng mga third level officer ay tila naging negatibo sa kabuuan ng pambansang kapulisan dahil bilang top cop ng PNP, sa kanya nakasalalay ang ikabubuti o ikasasama ng police organization.

Bilang PNP Chief, nasa kanya (PDG Azurin Jr.) ang kapangyarihan para malaman kung sinu-sinong mga opisyales at kagawad ng PNP ang sangkot sa illegal drug na hindi na kailangan pang ipangalandakan sa publiko ang involvement ng iilan lamang na mga opisyales at miyembro nito na dahilan kung bakit ang PNP sa kabuuan ay masama ngayon sa paningin ng taumbayan.

Ang naturang aksyon ni PDG Azurin Jr. ay palatandaan ng isang mahina, naliligaw ng landas na lider dahil sa kanyang rekomendasyon kay Sec. Abalos na boluntaryong pagbibitiw sa puwesto ng lahat na heneral at colonel ay nagdala ng kahihiyan, nagbulid sa PNP para maging kontra-bida sa mapanuring mata ng madla.

Wika nga ni dating PNP Chief na ngayon ay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ang kasalukuyang pamunuan ng PNP ay “walang arrive, walang dating”, na ang ibig sabihin ay walang kwenta dahil hindi nagagawa ng kapulisan ang kanilang sinumpaang tungkulin para mapagsilbihan at maprotektahan ang lipunan.

Si PDG Azurin Jr. ay hindi tulad ng nakaraang PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na istrikto at aktibo sa trabaho. Takot gumawa ng kalokohan ang mga opisyales at kawani ng PNP dahil sibak agad sa puwesto ang mahuling sumalungat sa umiiral na batas, lalo na sa mga kumukunsinte sa illegal drug at gambling.

Si Eleazar at ang mga nakaraang PNP Chief ay agad na umaaksyon sa mga sumbong at reklamo na ibinabato sa mga concerned regional commander, na kapag hindi inaksyunan ng mga kinauukulang regional o provincial director ay sibak din agad sa kanilang posisyon.

Kumpara sa mga nagdaang mga PNP Chief, kakaiba si PDG Azurin Jr. na kahit minsan ay hindi nakita o nabalitaan man lang na umikot sa mga regional at provincial command para alamin ang mga nangyayari, kaya ang resulta ay walang alam ito na namamayagpag ang illegal drug at illegal gambling sa buong bansa.

Ang nakakadismaya pa, si PDG Azurin Jr. ay bulag, pipi at bingi sa kalakaran ngayon sa mga police regional commander. Wala naman itong ginagawang hakbang na pagsabihan man lamang ang mga regional at provincial director ukol sa lantarang pamamayagpag ng illegal drug at gambling na ayon sa pag-aaral ay dahilan ng lumulobong insidente ng ibat ibang uri ng kriminalidad.

MATINDING ILLEGAL DRUG AT GAMBLING SAKOP NI R4A HEAD PBGEN. NARTATEZ JR.
HINDI nabubuwag ang mga organisadong illegal drug at gambling operation sa area of responsibility (AOR) ni Region 4-A Director PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. Pero parang walang kaalam- alam si PNP Chief Rodolfo Azurin Jr. sa mga nangyayari kaya wala pa ding aksyon at hindi man lang nito pinagsasabihan ang dati ay masipag na regional director na magtrabaho at hulihin ang mga drug pusher at gambling operator sa limang lalawigan ng CALABARZON area.

Katunayan, mukhang moro-moro lang ang raid na isinagawa sa pinaka-malaking sakla den na source din ng droga sa Region 4-A na matatagpuan sa Malvar Street, Padre Garcia, Batangas. May mga hinuli sa isinagawang pagsalakay sa sakla den nina Tisoy at Nonit, may ilang araw pa lamang ang nakararaan, ngunit ilang oras lamang matapos ang raid ay nakapag-operate muli ang nasabing gambling joint na beripikadong pinaka-malaking front ng bentahan ng shabu sa Region 4A.

Isa pang sakla joint ang pinatatakbo din ng magkasosyong (Tisoy at Nonit) at ilang kapwa ng mga ito salot na barangay leader sa Brgy. Payapa, Padre Garcia na bayang pinamumunuan ni Police Chief Major El Cid Villanueva at Mayora Celsa Braga-Rivera.

Ang iba pang gambling den sa hurisdiksyon ni PDG Nartatez Jr. na kunyari ay nag-ooperate bilang mga pasugalan ay nasa Tanauan City (STL bookies at pergalan o perya at sugalan)), Lipa City (pergalan), Batangas City (STL bookies), bayan ng Tuy , Rosario, San Jose, Padre Garcia (sakla at pergalan), pawang sa probinsya ng Batangas.

Sa Cavite Province: Magallanes, Naic at Maragondon (sakla joint), Laguna: San Pablo City (STL bookies), Calamba City, Cabuyao City, Sta Rosa City, Binan, Los Banos, Nagcarlan, Calauan, Liliw at Victoria (sakla at pergalan); Rizal Province- Antipolo City at 18 munisipalidad (STL bookies ni alyas Bong Sola at Rizal Mafia) at pergalan sa mga bayan ng Tanay, Morong, Cainta, Cogeo, Teresa, Montalban ng mga drug/pergalan operator na sina Dodie, Bondying, Mang Bert, Tomboy, Jess, Johnel, Elvie, Rambu RJ, Toto, Juan at Angke sa AOR ni Rizal PD Col. Dominic Baccay. May mahigit sa 100 ang operator ng STL-con jueteng o STL -con drug at pergalista, ang karamihan nito ay nasa hurisdiksyon nina Laguna PNP Provincial Director Col. Ray Glenn Silvio at Batangas PNP Commander Col. Pedro Soliba.

Ang ipinakikita ni PDG Azurin Jr. ay senyales ng mahinang liderato kaya ang PNP ay nabubulid sa kasamaan dahil na rin sa mga opisyales at kawani nito na pumapatong o protektor ng mga kailigalan tulad ng illegal drug at gambling!

***

Para sa komento: sianing52@gmail.com, 09664066144.

 

 

The post DAHIL SA “WEAK LEADERSHIP”, PNP NABUBULID! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
DAHIL SA “WEAK LEADERSHIP”, PNP NABUBULID! DAHIL SA “WEAK LEADERSHIP”, PNP NABUBULID! Reviewed by misfitgympal on Pebrero 15, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.