PATULOY na nakatuon sa pagtataguyod ng kapakanan ng lahat, iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa taongbayan, lalo na sa mahihirap.
Idiniin ni Sen. Go na hindi dapat makuntento ang mga nagsisilbi sa gobyerno sa pag-upo lang sa kanilang malalamig na opisina bagkus ay dapat kumilos upang mailapit ang pamahalaan sa mga tao.
Ang pahayag ay ginawa ni Go sa kanyang pagdalo sa Rotary Concerns Forum (ROTACON) noong Sabado sa Acacia Hotel sa Davao City.
“Ang trabaho po namin bilang senador ay legislation, constituency, and representation. Hindi ko po matiis na nakaupo lang po sa malamig na opisina habang ‘yung mga kababayan natin ay naghihirap. Dapat po tayong nasa gobyerno ang lumapit po sa ating mga kababayan lalung-lalo na po ‘yung mga mahihirap,” ayon kay Go sa kanyang speech.
“Ako po’y nakaikot na sa buong Pilipinas. Kung napapanood n’yo po sa TV, ‘yung mula Aparri hanggang Jolo, ako po naabot ko na ‘yung mula Batanes, Aparri, Basilan, Jolo, hanggang Tawi-tawi. Nasunugan, bagyo, buhawi, putok ng bulkan, lindol, pinupuntahan ko talaga. Dahil ipinangako ko po sa Pilipino, kahit saang sulok kayo ng Pilipinas, pupuntahan, tutulong, at magseserbisyo ako sa abot ng aking makakaya,” anang senador.
Sa nasabing event, pinuri ni Go ang Rotary sa walang sawang pagsisikap na paglilingkod sa bansa. Ang forum ay taunang pagtitipon ng mga nakatataas na pinuno ng Rotary sa Pilipinas, karamihan ay binubuo ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap na mga gobernador mula sa sampung distrito sa bansa.
Sinabi ni Go na naniniwala siya sa responsibilidad na dapat magtulungan upang matugunan ang mga hamon na kinakaharap ng lipunan.
Kahirapan man, edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, kapayapaan, seguridad, o kapaligiran, sa pamamagitan aniya ng pagtutulungan ay makahahanap ng pangmatagalang solusyon at makalilikha ng mas magandang kinabukasan para sa lahat ng Pilipino.
Sa katunayan, patuloy si Go sa kanyang adbokasiya na pagsusulong ng people-centered measures at serbisyo upang maramdaman ng taongbayan na mayroon tayong pamahalaan.
Kabilang dito ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers at ang pagtatayo ng mas maraming Super Health Centers sa buong bansa.
Ang Malasakit Centers ay isang one-stop shop na nagbibigay ng accessible at mahusay na tulong pinansyal at medikal sa mga Pilipino. Na-institutionalize ito sa pamamagitan ng Republic Act No. 11463, na pangunahin niyang iniakda at itinaguyod sa Senado noong 2019.
“Noong unang panahon, wala pang Malasakit Center. Lunes, pupunta po sila (Filipino patients and their families) sa city hall, hihingi ng tulong. Halimbawa, bibigyan ng P20,000 out of their P87,000 (hospital) bill. Martes po, pupunta sila sa PCSO, pipila po, hihingi ng tulong. Miyerkules, pupunta sila ng DOH. Huwebes, pupunta sila ng DSWD. Biyernes po, (pipila para i-process ang benepisyo mula) PhilHealth. Ubos ‘yung panahon nila, ubos pa ‘yung pamasahe sa kakapila po para humingi ng tulong,” ipinunto ni Go.
“Sabi ko, bakit natin pahihirapan ‘yung Pilipino, pera nila ‘yan na dapat po ibalik sa kanila sa pamamagitan ng mabilis na serbisyo,” dagdag ng senador.
Binanggit ni Go na noong Pebrero 10, bumisita siya sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City kung saan itinayo ang kauna-unahang Malasakit Center sa bansa bilang paggunita sa ikalimang anibersaryo ng programa. Mayroon na ngayong 154 Malasakit Center sa buong bansa at sa ngayon ay nakatulong na sa mahigit 7 milyong pasyente.
Ang Super Health Centers ay mga medium-sized na bersyon ng isang polyclinic at pinahusay na bersyon ng rural health unit.
Sa pamamagitan ng pagsisikap ni Go, may sapat na pondong inilaan sa ilalim ng 2022 Health Facilities Enhancement Program sa pagtatayo ng 307 Super Health Centers. Naging matagumpay rin siya sa pagsusulong ng karagdagang pondo sa ilalim ng 2023 budget para sa pagtatayo ng 322 SHC sa iba pang bahagi ng bansa.
Samantala, inihayag ni Go ang kanyang suporta sa Philippine Rotary sa pagho-host ng 2028 Rotary International Convention na dadaluhan ng mahigit 50,000 Rotarians mula sa buong mundo.
“In my own capacity po, tutulong ako sa abot ng aking makakaya para maging successful (ang convention)… tutulong po ako sa Rotary dahil naniniwala rin ako sa inyong mabuting hangaring makatulong sa ating kapwa tao,” ani Go.
The post ‘Di ko matiis na maupo lang sa opisina’… BONG GO: MGA SERBISYO ILAPIT SA MAHIHIRAP appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: