Facebook

KAMAY NA BAKAL LABAN SA KORAPSYON

MADALAS na itinatanong: Ano’ng ahensiya ng gobyerno ang pinaka-corrupt, lagi nang nababanggit ang Bureau of Customs (BoC).

Marami-rami ring Customs Commissioner ang talagang ginagawa ang lahat — marahil higit pa sa kanilang makakaya upang mabawasan kungdi man tuluyang mawala ang korapsiyon sa Aduana.

Natatandaan, minsan ay nasabi ni Manong Juan Ponce Enrile — na minsang naupong BoC commissioner sa panahon ni Pres. Ferdinand Marcos Sr. — na totoong napakahirap maalis ang korapsiyon sa Aduana.

Sabi nga, panahon pa ni Matusalem, nandiyan na ang korapsiyon.

Kung Matatandaan, ilang komisyado na ng Aduana ang nadawit ang pangalan sa korapsiyon; may inimbestigahan ng Kongreso at ng Senado, pero wala namang nangyari at mga pipitsuging opisyal at tauhan lang, mga kasabwat na importer at broker lang nakasuhan, at iilan lang din ang napatunayang nagkasala nga at napausahan.

Sa panahon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte, apat ang iniupo nyang commissioner sa Aduana, pero kung nabawasan man, parang tabak na nakabaon sa batong buhay, wala ni isa sa kanila ang nagawang mabunot at mahugot ang ugat ng katiwalian.

Sa panahon ni Pres. Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, kapwa nag-resign sina Customs Commissioner Ruffy Biazon at Deputy Commissioner Danny Lim na sinundan din agad ni Deputy Commissioner Juan Lorenzo Tanada.

Nangyari ang pagbibitiw ng tatlo nang upakan ni PNoy sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang talamak na korapsiyon sa BoC, di-mapigilang ismagling at sinasabing pagkawala ng mahigit sa P200 bilyong piso na naibulsa ng mga tiwali sa BoC, mga kasabwat na ismagler at mga politikong hindi naman pinangalanan.

Masakit ang pilantik ni PNoy sa mga di tinukoy na korap sa Aduana nang sabihin: “Saan kayo kumukuha ng kapal ng mukha?”

Sa buwaya, hindi mang sinabi ay iyon ang isasagot ng mga tao.

Kasunod nga niyon ang pagbibitiw nina Biazon, Lim, Tanada, pero ang iba — kumapit sa puwesto na parang bayawak na kahit anong hatak ang gawin, hinding-hindi makakayang mapabitaw ang masarap na kinakain sa bibig.

Sa maraming imbestigasyon nang ginawa, iisa ang laging matutukoy kaya napakahirap na mawala ang korapsiyon sa BoC: maraming malalapit sa Pangulo, sa Gabinete at maging mga kongresista at senador ay hindi lang nakasawsaw kungdi nasa likod ng ismagling at katiwalian.

Protektado ng mga politiko, malalaking tao sa gobyerno o kaya maiimpluwensiya sa mga pinuno ng mahahalagang departamento ng gobyerno ang pasimuno sa ismagling kaya hirap ang matitinong opisyal ng Aduana na totohanang masugpo ang korapsiyon.

Ulo nila, reputasyon at dangal ang wawasakin ng maiimpluwensiyang taong ito kaya napipilitang maglubay sa paglilinis sa Customs.

‘Yung hindi mapasuko ang integridad, tanging kusang pagbibitiw sa tungkulin ang magaang na paraan upang hindi maputikan ang karangalang iniingatan.

Madaas nang nasasabi ang pagkainggit sa mga opisyal sa Japan, Canada at iba pang bansa na ang mga pinuno ay may baon pang ‘delikadeza’ sa puso at kaluluwa — na konting himig o batikos o kung maisalang sa imbestigasyon, kusang umaamin o nagbibitiw sa tungkulin.

Para mabawasan ang korapsiyon ay may mga mungkahi na msimong ang Pangulo ang magsiwalat sa mga pangalan ng mga politiko, miyembro ng Gabinete na protektor ng mga anak sa Aduana.

Malaking tulong ang pagbatikos at matapang na komentaryo ng media sa hangad na mailantad ang mga protektor ng katiwalian, pero higit na kailangan din ang todong suporta ng Pangulo laban sa korapsyon.

Hindi maaaring iasa lamang ito sa Customs commissioner at sa matatapat nitong kasama sa laban sa korapsiyon.

Kung nais ngang tuluyang mabawasan ang korapsyon, hindi lamang ito nakapataw sa balikat ng BoC commissioner, higit na tungkulin ito ng Pangulo na isuporta ang ‘kamay na bakal’ na katuwang ang matatapat nyang miyembro ng Gabinete.

Kung wala ang todong suporta ng Opisina ng Pangulo, mananatili ang makakapal ang mga mukha sa Aduana at hinding-hindi mawawala ang korapsiyon hindi lamang sa Customs kungdi sa buong istruktura ng pamahalaan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post KAMAY NA BAKAL LABAN SA KORAPSYON appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
KAMAY NA BAKAL LABAN SA KORAPSYON KAMAY NA BAKAL LABAN SA KORAPSYON Reviewed by misfitgympal on Pebrero 27, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.