Kaya naghiwalay…Sunshine nagtapat, tiwala at respeto nawala sa relasyon kay Mathay; Coco pinakanta ulit kay Gary ang themesong ng serye
Ni ROMMEL PLACENTE
SA mediacon ng bagong serye ng ABS-CBN 2 na FPJ’s Batang Quiapo na bida si Coco Martin, ipinaliwanag ng award-winning actor kung bakit napili niya ang kantang ‘Kapalaran’ na ni-revive ni Gary Valenciano bilang isa sa themesong ng nasabing serye.
Ang Batang Quiapo ay isa sa mga nagawang pelikula noong 1986 ng namayapang aktor na si Fernando Poe Jr.
Sabi ni Coco,”Para siyang milagro para sa akin. Kasi, noong araw na bago kami mag-story con, iniisip ko kung ano ang magiging disenyo ng stage, kung anong magiging hitsura ng over -all.
“Sabi ko sana kahit storycon pa lang, gusto ko na maramdaman na ng mga actors, ano yung project, ano ‘yung konsepto.
“Naisip ko, sabi ko, gusto ko, parang pagpunta nila, parang nadoon ka na mismo sa Quiapo. Tapos okey na lahat, nakita ko ‘yung design, in-approve na.
“Sabi ko, gusto ko, habang naglalakad ‘yung mga artista, may tumutugtog na kanta. Na parang themesong na.
“Tapos sabi kong ganun, ang alam kong themesong ng Batang Quiapo, Doon Lang, eh. Tapos noong tiningnan ko, inaral ko, ganoon, ayun bagay.
“Pero noong kakalipat ko nang kakalipat ng ano, meron akong narinig na kanta, na isa sa mga kinanta ni Gary Valenciano, ‘yung Kapalaran. Sabi ko parang bagay din siya.
“Kasi parang kwento siya ng bawat tao. Hindi ‘yung karakter lang ni Tanggol. Parang lahat nakaka-relate. Lalo na pagdating sa Quiapo, di ba, parang nandoon tayo para magdasal, magsimba, para magkaroon tayo ng maayos na buhay?
“Parang inano ko siya, sabi ko, sakto merong Gary V.
“Tapos noong umaga, bago ako mag-storycon, nagkita kami ni Sir Gary dahil may taping sila ng ASAP, niyakap ko siya, nagpasalamat ako dahil nga sa Ang Probinsiyano.”
Si Gary V ang kumanta ng themesong ng Ang Probinsyano.
“Sabi ko Sir Gary, kinanta mo pala yung Kapalaran? Nagamit mo na ba ‘yun sa pelikula o teleserye?
“Sabi niya, ‘hindi pa. Pero matagal ko nang nakanta ‘yan.’
“Sabi ko,’Sir Gary pwedeng makiusap? Pwede ko ba siyang magamit mamaya sa storycon namin, doon sa Batang Quiapo?
“Kasi naiisip ko, parang siya ‘yung bagay dun sa seryeng gagawin namin, ‘yung Batang Quiapo.
“Sabi niya, Sige! Go! Go! English pa ‘yun, huh!” natatawang sabi pa ni Coco.
“And after that, ang ginawa ko, pinatugtog ko.
“Sabi ko, ‘yan ang patugtugin natin, habang naglalakad ‘yung cast.
“Nagulat sina Tita Cory (Vidanes), sir Deo (Endrinal).
“Sabi nila, infairness sa ‘yo, nakapagpa-record ka agad.
“Sabi ko, hindi! Hiniram ko lang ‘yan sa YouTube,” natatawang kwento pa ni Coco.
Ayon pa kay Coco, nu’ng nagkita ulit sila ni Gary V, tinanong niya ito kung ‘yung na-record na ba nitong Kapalaran ang gagamitin nila sa Batang Quiapo, o magri-record pa ito ulit, ang sagot ni Gary ay gagawa na lang ito ng bago.
Kaya pala nang marinig namin ang Kapalaran ay ibang version na ito kumpara sa rating Kapalaran ni Gary V.
Ang FPJ’s Batang Quiapo ay mapapanood na simula sa February 13, 8pm sa Kapamilya Channel, A2Z,TV5, iWantTFC, and Kapamilya Online Live on ABS-CBN Entertainment’s YouTube channel and Facebook page.
Si Lovi Poe ang gaganap na leading lady ni Coco.
Kasama rin sa cast sina Charo Santos, Cherry Pie Picache, John Estrada, Pen Medina, McCoy de Leon, Alan Paule, Lou Veloso, Lito Lapid, Irma Adlawan, Mercedes Cabral at marami pang iba. Mula ito sa direksyon nina Malu Sevilla at Coco Martin.
***
FINALLY ay nagsalita
na rin si Sunshine Cruz
tungkol sa balitang hiwalayan nila ni Macky Mathay noong nakaraang taon pa.
Sa guesting ng aktres sa Fast Talk With Boy Abunda, kinumpirma niya na totoong hiwalay na sila ng half brother ng kaibigan niyang si Ara Mina.
Ayon kay Sunshine, pinili niya noong manahimik dahil may mga batang sangkot sa relasyon nila.
Sabi niya sa panayam ni Kuya Boy, “I chose to be quiet because merong mga bata na involved, na mga anak niya na napamahal sa akin at ‘yung mga anak ko na napamahal kay Macky.
“So, nag-decide ako na maging quiet na lang, kasi hindi naman talaga alam ng publiko kung ano yung mga pinagdadaanan namin or kung ano yung pinagdaanan ko.
“Parang ang feeling ko, Tito Boy, hindi na dapat talaga ma-involve ang publiko dito.”
Hindi man nagbigay ng detalye si Sunshine tungkol sa hiwalayan nila ni Macky, inamin niyang nawala ang tiwala at respeto sa relasyon nila.
Katulad din ito noon sa ex-husband niyang si Cesar Montano.
“Ang na-realize ko lang dito sa relationship, and even with my ex-husband, Cesar, tatlo ang importanteng bagay sa relationship, hindi lang love.
“Dapat nandun ang trust, nandun ang respect. Pag merong isang nawala dun, it’s not going to work.
“And sa edad kong ito, I am 45 years old, hindi na dapat pinapatagal.
“Of course, you give chances, sabi nga, di ba, yung kay Senator Chiz [Escudero-Heart Evangelista reconciliation], masarap magkaroon ng second chances.
“Of course, you give your second chance, third chance… hanggang 10 pa nga na beses magbibigay ka, e.
“Pero at the end of the day, you wake up one day at mari-realize na wala nang patutunguhan ang relationship.
“You just have to be thankful for the years you’ve been together. Naging maganda yung pagsasama niyo, nagmahalan kayo, naging inspiration kayo sa isa’t isa.”
Sa tanong kung may third party ba sa hiwalayan nila ni Macky, makahulugang sagot ni Sunshine: “Parang wala ako sa posisyon na magsalita tungkol diyan.”
The post Kaya naghiwalay…Sunshine nagtapat, tiwala at respeto nawala sa relasyon kay Mathay; Coco pinakanta ulit kay Gary ang themesong ng serye appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: