SUPORTADO ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga legislative agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028, karamihan ay mga iminungkahi niyang legislative measures na nakabinbin sa 19th Congress.
Ayon kay Go, ang PDP 2023-2028 ay magbibigay ng tumpak na patnubay kung paano pamamahalaan ang bansa habang nagsisikap na makabangon mula sa mga epekto ng pandemya.
“Naniniwala ako na ang mga panukalang nilalaman nito ay magkakaroon ng malalim at positibong epekto sa buhay ng lahat ng Pilipino,” ani Go.
Ang PDP 2023-2028 na layong ibalik ang bansa sa isang high-growth trajectory at paganahin ang pagbabagong pang-ekonomiya at panlipunan para sa isang maunlad, inklusibo at matatag na lipunan ay inaprubahan at pinagtibay ni Marcos sa pamamagitan ng Executive Order No. 14 na nilagdaan noong Enero 27.
Ito ang ikalawang medium-term plan batay sa “AmBisyon Natin 2040” na nagbibigay ng roadmap para sa pagpaplano ng pag-unlad ng Pilipinas mula 2016 hanggang 2040. Layon din nitong mapabuti ang kalidad ng buhay para sa lahat ng Pilipino.
Inilunsad ang “AmBisyon Natin 2040” noong administrasyong Duterte.
Kabilang sa health-related legislative agenda na nakapaloob sa plano ay ang pagtatatag ng isang Medical Reserve Corps. Kasama sa MRC ang mga lisensyadong manggagamot, may medical degree, mga mag-aaral na nakatapos ng apat na taon ng kursong medikal, mga rehistradong nars, at licensed allied health professionals na maaaring tawagin sa pagtugon sa mga medikal na pangangailangan ng publiko.
Kasama rin dito ang pagtatatag ng mga specialty center na magbibigay ng access para sa mga specialized healthcare services.
Binigyang-diin din ni Marcos ang pangangailangan para sa paglikha ng Philippine Center for Disease Control and Prevention at ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines.
Kabilang sa mga panukalang batas na inihain na ni Senator Go ay ang Senate Bill No. 1180, kilala rin bilang Medical Reserve Corps Act of 2022, SBN 195 at 196 na magtatatag ng CDC at VIP, ayon sa pagkakabanggit.
Nauna rito, sinuportahan din ni Sen. Go ang mga priority legislative move ng administrasyong Marcos na lumikha ng mas maraming specialty centers sa labas ng Metro Manila upang ang maraming Pilipino mula sa iba’t ibang rehiyon ay hindi na kailangang pumunta sa National Capital Region para lamang maserbisyohan.
“Noong panahon po ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, napakaraming lumalapit sa amin hindi lang para magpagamot, humihingi po ng pamasahe para bumiyahe kasi nandito po ‘yung mga specialty hospitals na kayang gumamot sa kanila,” sabi ni Go.
“Ilapit na natin sa mga nangangailangan ang serbisyong pangmedikal na kailangan nila mula sa mga specialty centers,” iginiit ng senador.
Naghain din si Go ng SBN 192 na nagbibigay sa Rental Housing Subsidy Program, bilang bahagi ng kanyang pagtiyak na ang mga walang tirahan ay magkaroon ng access sa disente ngunit abot-kayang pabahay; at SBN 194 na layong i-institutionalize ang paglilipat ng gobyerno sa e-governance sa digital age.
Sinabi ni Go na naniniwala siya na ang legislative agenda ng Pangulo ay “ang tamang hakbang para sa ating bansa”.
The post Nakapaloob sa PDP 2023-2028… LEGISLATIVE AGENDA NI PBBM SUPORTADO NI BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: