Facebook

Bong Go, naghain ng panukalang magkakaloob ng karagdagang benepisyo, opisina para sa mga dating pangulo ng bansa

NAGHAIN si Senador Christopher “Bong” Go ng panukalang batas na nagmumungkahi na magbigay ng karagdagang benepisyo at pribilehiyo sa mga dating pangulo ng Pilipinas kahit na matapos ang kani-kanilang termino, bilang pagkilala sa kanilang mahalagang kontribusyon at mahalagang papel sa lipunan.

Nabatid na inihain ni Go, kasama ang mga senador na sina Mark Villar, Francis Tolentino, at Ronald “Bato” dela Rosa, ang Senate Bill No. 1784 o ang panukalang “Former Presidents Benefits Act of 2023” noong Enero 26.

Nakasaad sa naturang panukalang batas na ang mga dating pangulo ay inaasahang “gagampan pa rin ng mga tungkulin pagkatapos ng kanilang termino sa pagkapangulo tulad ng pakikipagpulong sa mga dayuhan at lokal na dignitaryo, at pagdalo sa mga pampublikong kaganapan at iba pang pakikipag-ugnayan sa lipunan.” Dahil sa kadahilanang ito, madalas na nangangailangan pa rin sila na gumamit ng mga serbisyo ng mga personal na kawani at magpanatili ng mga pribadong opisina.

“Kahit ngayon na tapos na ang kanilang termino, hindi po ibig sabihin ay tapos na ang kanilang serbisyo at sakripisyo para sa bayan. Patuloy pa rin silang tumutulong sa tao, at dahil diyan, patuloy din po ang banta sa kanilang buhay,” ayon kay Go.

Kung minsan aniya, kailangan pa rin ng mga dating pangulo na magsilbi sa mga nasasakupan, magpakita sa publiko at tumanggap ng mga bisita dahil sa kanilang katayuan. Aniya, ang pagkakaroon ng opisina ay magbibigay-daan sa kanila na gampanan ang mga naturang responsibilidad sa tulong ng mga dedikadong kawani at mga resources, sa pamamagitan ng panukalang ito.

Kung maipapasa aniya ang panukalang batas, lahat ng dating pangulo ay may karapatan sa karagdagang mga benepisyo at pribilehiyo, tulad ng personal na seguridad at proteksyon, sapat na kawani na ibinibigay ng Opisina ng Pangulo, at angkop na espasyo ng opisina, bukod sa iba pa.

“Hindi rin madali ang buhay ng isang dating pangulo. Kung ikaw ay isang public servant, hindi ka magsasawang magbigay ng iyong kapwa sa iyong sariling kapasidad,” pagpapatuloy pa niya.

Batay sa tradisyon, ang pagtatalaga ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) upang bantayan ang mga dating pangulo ay nakasalalay sa kasalukuyang Presidente. Gayunman, sa ilalim naman ng panukalang batas ay naka-mandato na ito at dapat na bigyan ang mga dating pangulo ng karapatang pumili ng pinuno ng kanilang sariling pangkat ng seguridad.

Maliban sa nasabing mga benepisyo, layunin din ng panukalang batas na mabigyan ng proteksiyon ang pamilya ang mga dating pangulo upang mapigilan ang anumang pagtatangkang saktan sila matapos na umalis na sa serbisyo.

Nabatid na ang lahat ng dating pangulo ay may karapatan sa mga pribilehiyo at benepisyo sa ilalim ng iminungkahing panukala para sa natitirang bahagi ng kanilang buhay.

Samantala, naghain din si Go ng panukala na magtataas ng pensiyon para sa mga retirees ng Department of Foreign Affairs.

The post Bong Go, naghain ng panukalang magkakaloob ng karagdagang benepisyo, opisina para sa mga dating pangulo ng bansa appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go, naghain ng panukalang magkakaloob ng karagdagang benepisyo, opisina para sa mga dating pangulo ng bansa Bong Go, naghain ng panukalang magkakaloob ng karagdagang benepisyo, opisina para sa mga dating pangulo ng bansa Reviewed by misfitgympal on Pebrero 04, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.