“BILANG na ang mga araw ninyo”.
Ito ang babala ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Linggo sa mga mapanamantalang negosyante ng sibuyas at bawang na umano’y nasa likod ng patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga nasabing produkto.
“May mga impormasyon kami na tinatago nila ang mga sibuyas, at ngayon pati mga bawang na rin para kapusin ang suplay at tumaas ang presyo ng mga ito,” ayon kay Speaker Romualdez.
Pinuna ni Romualdez na sa kabila ng kasalukuyang pag-aani ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas at ang pagpasok ng import ay nananatili pa rin mataas ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihang bayan.
Kaugnay nito, aatasan ng lider ng Kongreso ang House Committee on Agriculture para simulan ang imbestigasyon at kung kinakailangan ay irekomenda ang pagsasampa ng karampatang kaso laban sa mga hoarder at mapagsamantalang traders.
Banggit pa ni Romualdez “itong pagtaas ng presyo na ito ay artificial lang o sadya, kaya dapat kasuhan ang mga nasa likod nito”.
“This is economic sabotage,” ayon kay Romualdez.
Hirit pa ni Romualdez, “pag-aaralan natin kung dapat na irekomenda sa Pangulo na patuloy tayong mag-import ng sibuyas at bawang ang bansa para mapilitan na itong mga tusong negosyante na ilabas ang mga stock nila at mapababa natin ang presyo para maibsan ang pasanin ng ating ma mamimili”.
Subalit iginiit ni Romualdez na kung gagawin ang naturang importasyon ay marapat lamang tiyaking hindi masasaktan ang mga lokal na magsasaka ng sibuyas at bawang.
“Mahalagang siguruhin na anumang importasyon na gagawin ay sapat lamang ang dami at sa panahong walang ani ang ating mga lokal na magsasaka ng sibuyas at bawang para naman hindi maapektuhan ang kanilang kabuhayan,” pahayag ni Romualdez.
Plano rin ni Romualdez na pabantayan ang presyo ng uri ng mga naturang gulay araw-araw.
“People are still trying to recover from pandemic. Hindi natin kailangan itong mga ganitong sinasadyang pagtaas ng mga presyo ng pagkain”, ayon sa mambabatas mula sa Leyte.
Samantala, sinabi rin ni Romualdez na dapat din mapigilan ang smuggling ng sibuyas at iba pang katulad na produktong agrikutural sa bansa na pumapatay sa lokal na industriya.
The post House Speaker nagbabala sa mga hoarders at tusong traders ng sibuyas at bawang appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: