Facebook

Nanumpa bilang ex-officio member ng MDA… BONG GO, ‘DI TITIGIL SA PAGPAPAUNLAD SA MINDANAO

Nanumpa si Senator Christopher “Bong” Go bilang ex-officio member ng Mindanao Development Authority (MinDA) Board of Directors sa pagdiriwang ng ika-13 anibersaryo ng ahensya sa Acacia Hotel sa Davao City.

Dinaluhan din ang event ng panauhing pandangal na si Vice President Sara Duterte-Carpio na nanguna sa oath-taking ni Go.

Naroon din sina MinDA chair Maria Belen Acosta, Executive Director USec. Janet Lopoz, at G. Paul Dominguez, dating Presidential Assistant para sa Mindanao at tagapangulo ng Mindanao Economic Development Council, ang pasimula ng MinDA.

Bilang isang Mindanaoan mismo, sinabi ni Go na ang Mindanao bilang “lupain ng pangako” ay isang patuloy na panawagan at nangako siya na mag-aambag sa paglago at pag-unlad ng rehiyon.

“The land of promise is a continuing call. Ako po, bilang isang Mindanaoan, ay ipagpapatuloy ko po ‘yung tulong kung paano uunlad ang Mindanao,” sabi ni Go.

“Ngayon, dapat po ‘yung mga investor, papasok pa rito sa Mindanao. Not only sa Davao but sa buong Mindanao. Naaalala ko, bata pa ako, nababasa ko na ang ‘Mindanao is a land of promise.’ Makikita n’yo diyan sa Diversion Road, ‘pag nasa taas ka, makikita mo ang (nakalagay na) ‘land of promise’. Iyan ang parati kong naaalala.”

Pinuri ni Go si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang unang Pangulo ng Pilipinas mula sa Mindanao, sa kanyang papel sa pag-unlad ng rehiyon.

“Tayo po’y nasa babang parte. Ibig sabihin, medyo malayo sa seat of power sa gobyerno na nasa Luzon. Ngunit noong panahon po ni (dating) Pangulong Rodrigo Duterte ay nailapit niya ang gobyerno sa tao. Hindi po nahuli ang Mindanao sa development,” ani Go.

“Maganda na po, may mga gagawing tulay, may mga railways na gagawin, at mga imprastraktura na nakatutulong sa mga development. Kapag may development, nandiyan po ‘yung trabaho, mas napapanatili rin ang peace and order,” patuloy niya.

Kumpiyansa ang senador na malaki ang maitutulong ni VP Duterte-Carpio sa pag-unlad ng Mindanao, at idinagdag na hindi niya hahayaang mahuli ang rehiyon.

“Nagpapasalamat po ako kay Vice President Sara Duterte sa tulong. With VP Sara, alam kong hindi po mahuhuli ang Mindanao. Nabanggit niya kanina kung ano pong makakatulong sa Mindanao, ano pong makakatulong sa MinDA, ay tutulong po siya,” ani Go.

“Ako po, tutulong din po ako. Magtutulungan po kami ni Vice President Sara sa ikauunlad po ng Mindanao. Lalo na’t pareho kaming taga-Mindanao,” idinagdag ng senador.

Naging highlight sa event ang ceremonial unveiling ng marker na inilagay sa ika-14 palapag ng Pryce Tower sa Davao City bilang pagpupugay kina dating Pangulong Duterte at Bise Presidente Duterte-Carpio sa kanilang huwarang pamumuno at kontribusyon sa pag-unlad ng Mindanao.

Kinilala rin niya si dating Finance Secretary Carlos Dominguez III sa kanyang mabilis na tulong sa paghahanap ng bagong tahanan ng MinDA.

Ang MinDA, na nilikha sa pamamagitan ng Republic Act No. 9996 o Mindanao Development Authority Act of 2010, ay inatasang isulong, pag-ugnayin at pangasiwaan ang aktibo at malawak na partisipasyon ng lahat ng sektor upang maipatupad ang socioeconomic development ng Mindanao.

Nauna nang hinimok ni Go ang gobyerno na magsagawa ng makabuluhang mga reporma upang mapasigla ang pag-unlad sa Mindanao.

“Ang Mindanao at ang mga mamamayan nito ay dumanas ng ilang dekada ng kawalang-katarungan at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan,” sabi ni Go.

“Ang pamahalaan ay dapat na patuloy na magsikap na maisakatuparan ang kinakailangang reporma at pag-unlad sa rehiyon at tiyakin ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa lugar,” aniya.

Palaging suportado ni Go ang mga inisyatiba upang palakasin ang pag-unlad sa rehiyon kaya noong 2021, iniakda at itinaguyod ni Go ang panukalang lumikha sa Metropolitan Davao Development Authority.

Nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala bilang batas noong Abril 27 ng nakaraang taon.

“Dahil sa mabilis na paglago ng ekonomiya ng Davao City at karatig-LGUs nito, panahon na po upang magkaroon doon ng isang sentralisadong ahensya na siyang magbibigay ng iisang direksyon at magsisilbing gabay sa urban planning ng mga lugar na ito,” ani Go.

The post Nanumpa bilang ex-officio member ng MDA… BONG GO, ‘DI TITIGIL SA PAGPAPAUNLAD SA MINDANAO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Nanumpa bilang ex-officio member ng MDA… BONG GO, ‘DI TITIGIL SA PAGPAPAUNLAD SA MINDANAO Nanumpa bilang ex-officio member ng MDA… BONG GO, ‘DI TITIGIL SA PAGPAPAUNLAD SA MINDANAO Reviewed by misfitgympal on Pebrero 18, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.