Facebook

TIKAS NI COMMISSIONER RUBIO SA BOC, CAVITE GULO ANG TABAKUHAN!

TIYAK na “magkakagulo na naman ang tabakuhan” sa lalawigan ng Cavite sa muling pagbabalik, hindi ng pamosong American General na si Douglas Macarthur kundi ang kilalang “underworld nemesis”, ang dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Officer LtCol. Bryan Andulan at ng kanyang mga operatiba.

Pansamantalang nailipat ng kanyang assignment si LtCol. Andulan at ilan nitong pinagkakatiwalaang opisyales at tauhan para supilin ang operasyon ng mga grupong kriminal sa kaMAYNILAan, kaya matapos ang kanilang matagumpay na misyon ay muling ibinalik ang kanilang grupo sa dati nilang posisyon sa Cavite.

Ngunit sa panahong wala sina LtCol. Andulan sa Cavite ay parang mga nakaalpas sa kanilang kural, toril o kulungan ang mga mga illegal drug at gambling operator, na tila mga mababangis na animal tulad ng toro, kalabaw at kabayo na naghahasik ng takot at ng kanilang mga kabalbalan sa mga mamayan ng Cavite sa pamamagitan ng pagpapatakbo ng mga sakla den na ginagamit na front sa kalakalan ng shabu sa naturang lalawigan.

Wari ay wala ng katapusan ang paghahari ng mga ito nang mawala sa kanilang landas sina LtCol. Andulan, pagkat ultimong si Cavite PNP OIC Provincial Director Col. Christoper Olazo ay nagmistulang sisiw sa mga sakla operator na sina Santiago aka Tagoy, Erik, Maricon at alyas Minong.

Maging ang mga operatiba ni PNP Regional Director PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ay nagmukhang kenkoy at tau-tauhan na wala ding nagawa habang lantaran ang operasyon ng mga saklaan na may shabuhan sa mga bayan ng Tanza, Magallanes, Naic, Maragondon at Noveleta na pinatatakbo ng mga naturang salot ng lipunan. Ulimo pa ngang sa tabi lamang ng 7-11 ay may mga naghambalang na saklaan sina Tagoy at Erik na tinatanuran pa ng unipormadong pulis.

Ngayong tila mandirigma na muling sumulpot sina LtCol. Andulan at ang mga masisipag nitong operatiba sa Cavite, tingnan natin kung uubra kaya sa kanila ang kalokohan nina Tagoy, Erik, Maricon at Minong? Malamang ay gulo na naman ang tabakuhan ng ilegalista sa Cavite!

Kung tikas din lang ang pag-uusapan, ay di pauuna ang bagong hepe ng Bureau of Customs (BOC) sa katauhan ni Commissioner Bienvinido Rubio, kapalit ni Yogi Ruiz na umupong officer-in charge ng ahensya ng ilang buwan.

Ang customs chief sa Aduana ay “come and go” na wala namang napapala ang BOC-matagal nang itinuturing na pinaka-korap na ahensya ng gobyerno na napanatili ang bansag hanggang sa kasalukuyan. Tuwing may uupong hepe, ang pangako’y susugpuin ang smuggling, korapsyon at iba pang kalokohan pero sila’y hanggang salita lamang dahil wala namang ipinagbago sa BOC.

At ito naman si Comm. Rubio sa kanyang pahayag sa kanyang pag-upo sa pwesto, tututukan ng kanyang liderato ang di masawatang smuggling sa Aduana.

Di katulad ng maraming nakaraang BOC Commissioner, si Rubio ay insider na hinugot sa rank and file ng BOC pagkat humawak ito ng ibat ibang posisyon doon kaya tiyak na alam nito ang problema sa ahensya.

Pero kung babalikan ang nakaraan, ang magaling na Commissioner ay hindi nasusukat sa kung siya ay “insider” o “outsider” para makatakas sa tanikala ng pinaka-korap na ahensya ng pamahalaan ang BOC.

Maraming “insider” at “outsider” na natalagang customs head pero hindi tumino, bagkus ay lalo pa itong nasadlak, nabaon sa kahihiyan dahil sa di malunasang mala-kanser na katiwalian.

Maaring sa una ay may determinasyon na baguhin ang nakakahiyang kalakaran sa BOC ang naiuupong Commissioner, ngunit sa kalauna’y nilalamon na din ito ng bulok na sistema sa Aduana, dahil dito ay tila walang puwang ang integridad, katapatan at kalinisan dahil sa kasabihang “money talks.”

Sa Aduana kapag kumilos ang salapi, walang batas na maaring humarang sa mga “hot items” ng mga smuggler at sa kalakarang deka-dekada nang panahon na naghahari dahil “pera, pera” lang daw sa BOC.

Ito ang pagkakataon ni Comm. Rubio na magpakitang-gilas, patunayan na mali ang haka-haka sa kanya. Baka naman siya na ang sagot para mabura sa BOC ang taguring pinaka-korap na ahensya sa gobyerno.

Tingnan natin kung hindi din siya (Comm. Rubio) “bibigay” sa kapritso nina Lilia Cruz alias “Sibuyas Queen” at Michael Ma na kasosyo ng bayaw ni PBBM at ngayon ay aktibong petro gas at oil smuggler na Binondo Group na kinabibilngan nina alias Mario Tan, Ferdie at iba. Sina Mario Tan, Ferdie at ang Binondo Group ay pinaniniwalaang may pakana sa nabukong pagpupuslit ng tinatayang mahigit sa Php 50.8M na halaga ng smuggled diesel mula sa Malaysia at Russia may ilang araw pa lamang ang nakararaan halos kaalinsabay sa pag-upo ni Comm. Rubio sa kanyang pwesto.

May halos mahigit na sa isang taong namamayagpag ang operasyon ng naturang smuggling group gamit ang ilang pantalan sa lalawigan ng Batangas at iba pang daungan sa Luzon dahil sa proteksyong ibinibigay sa mga ito ng ilang matataas na port official, PNP, militar at iba pang awtoridad. Abangan…

***

Para sa komento: sianing52@gmail.com, 09664066144.

The post TIKAS NI COMMISSIONER RUBIO SA BOC, CAVITE GULO ANG TABAKUHAN! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
TIKAS NI COMMISSIONER RUBIO SA BOC, CAVITE GULO ANG TABAKUHAN! TIKAS NI COMMISSIONER RUBIO SA BOC, CAVITE GULO ANG TABAKUHAN! Reviewed by misfitgympal on Pebrero 18, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.