Facebook

Pagkain muna bago tabako sa anti-smuggling – Consumer group

Nanawagan ngayong ang isang consumer group na tutukan ang pagsugpo sa smuggling ng pagkain imbes na gamitin ang isyu sa nagtataasang presyo upang maisingit ang tabako sa saklaw ng RA 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Ayon kay Atty. Simoun Salinas, spokesperson ng Malayang Konsyumer, “dahil sa tumaas na presyo ng sibuyas at iba pang produkto, tama ang administrasyong Marcos sa pagsugpo sa agri smuggling, ngunit ilan sa ating mga mambabatas ay nais sumawsaw sa isyung ito at maisama ang tabako at sigarilyo.”

“Food security ang isyu. Pagkain para sa Pilipino ang prayoridad. Ito ang dapat na tutukan natin. Hindi yosi.”

Ang Senate Bill 1812 ni Senator Lito Lapid ay naglalayong amyendahan ang RA 10845 at isama ang mga produktong tabako tulad ng sigarilyo sa parehong kategorya ng bigas, asukal, gulay, karne at iba pang mahalagang produktong pagkain na dapat masinsinang manmanan ang pagpupuslit sa bansa.

Ang malakihang smuggling ng mga produktong nabanggit ay kabilang sa klasipikasyon ng “economic sabotage” sa ilalim ng RA 10845.

Tinanong ni Salinas, “bakit espesyal ang pagtrato sa mga produktong tabako, at bakit naman ngayon pa naisipan? Bakit sinasakyan ang isyu ng smuggling ng agri products para maisingit ang tobacco?”

“Poprotektahan mo ang industriyang tabako at sigarilyo? E bisyo yan, masama sa kalusugan yan, lalo na sa kabataan.”

Sentro ngayon ng atensyon ang RA 10845 dahil sa kakulangan sa sibuyas at mahalagang produktong pagkain, pati na ang pagmahal ng presyo ng karne, manok, at isda.

Ang mga produktong agrikultural na nakalista sa Anti-Smuggling law na kailangan ng proteksyon ay “asukal, mais, baboy, manok, bawang, sibuyas, carrots, isda, at mga gulay.”

Ang parusa sa economic sabotage at malakihang smuggling ng produktong pansakahan sa ilalim ng RA 10845 ay 20 taong pagkabilanggo at multa na dalawang beses sa fair value ng ipinuslit na produkto.

Iginiit naman ni Malayang Konsyumer convenor Christian Real na “hindi kailangang amyendahan ang batas para bigyan ng special treatment ang tabako para itapat sa mga produktong pagkain na araw-araw nating kinukonsumo.”

“Ang kailangan natin ay mas mahusay na pagpapatupad, mas tutok at tuluy-tuloy na kampanya laban sa smuggling – mula sa Bureau of Customs at DA (Department of Agriculture) para labanan ang iligal na pagpupuslit ng produktong agrikultura at tiyakin ang suplay para sa mas matatag na presyuhan,” ayon kay Real.

“Sa ganitong paraan, malakas ang mensahe natin sa publiko na tama ang ating prayoridad. Dapat nga ay bawasan o pagbawalan mismo ng gobyerno ang paggamit ng mga produkto ng tabako, hindi protektahan.”

The post Pagkain muna bago tabako sa anti-smuggling – Consumer group appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pagkain muna bago tabako sa anti-smuggling – Consumer group Pagkain muna bago tabako sa anti-smuggling – Consumer group Reviewed by misfitgympal on Pebrero 07, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.