“Once you are a president, you will always be a president…” BONG GO: PAST PRESIDENTS BIGYAN NG OPISINA, SECURITY
Dahil nagpapatuloy pa rin ang kanilang pagseserbisyo kahit tapos na ang termino at pagkilala na rin sa kanilang naging pagsisilbi sa bansa, isinulong ni Senator Christopher “Bong” Go ang isang panukala sa Senado na magbibigay sa mga nakaraang Pangulo ng Pilipinas ng karagdagang benepisyo at pribilehiyo.
“Alam n’yo po, ang isang presidente po kapag natapos ang kanyang termino, ay itinuturing na wala na siyang trabaho. Pero (sa totoo lang), kahit tapos na ang kanilang termino, hindi natatapos ang kanilang trabaho at pagseserbisyo,” ayon kay Go.
“Kapag naging presidente ka, lagi kang magiging presidente. Ibig sabihin, yung puso mo, nasa pagseserbisyo pa rin,” idiniin niya.
Ipinaliwanag ni Go na inaasahan pa rin ang mga dating Pangulo na gagampanan ang kanilang post-presidential duty tulad ng pakikipagpulong sa mga dayuhan at lokal na dignitaryo, pagdalo sa mga pampublikong okasyon o iba pang social engagements, maging ang pag-aaliw sa mga humihingi ng tulong o payo.
Dahil sa mga tungkuling ito, madalas na nangangailangan ang mga dating Presidente na mag-empleyo ng personal na kawani at imantine ang kanilang sariling mga opisina.
“Patuloy po ang kanilang pagseserbisyo sa tao. Hindi naman po maiiwasan na maraming lumalapit, maraming imbitasyon at maraming humihingi ng tulong,” sabi ng senador.
“At meron pong mga ambassador, mga dignitaries na gustong mag-courtesy call sa kanila. Isipin n’yo po, dating Presidente, mabibigla ka wala ka man lang isang staff po na mag-aasikaso,” dagdag niya.
Si Go, kasama sina Sens. Mark Villar, Francis Tolentino, at Ronald “Bato” dela Rosa, ay naghain ng Senate Bill No. 1784 o panukalang “Former Presidents Benefits Act of 2023” noong Enero 26.
Kung maipapasa ang panukalang batas, lahat ng dating Pangulo ay may karapatan sa karagdagang benepisyo at pribilehiyo, tulad ng personal na seguridad at proteksyon, sapat na kawani na ibibigay ng Office of the President at angkop na espasyo ng opisina, bukod sa iba pa.
Ayon sa tradisyon, ang pagtatalaga ng mga miyembro ng Presidential Security Group upang bantayan ang mga dating Pangulo ay nakasalalay sa kasalukuyang Presidente. Pero kung magiging batas, bibigyan na ang mga dating Pangulo ng karapatang pumili ng pinuno ng kanyang security team.
Layon din ng panukala na mabigyan din ng agarang proteksyon ang pamilya ng mga dating Pangulo upang hadlangan ang anumang pagtatangkang saktan sila kahit wala na sila sa pampublikong opisina.
Sinabi ni Go na nararapat lamang na bigyan ang mga dating Pangulo ng karagdagang benepisyo sa nalalabing bahagi ng kanilang buhay, isang paraan para kilalanin ang kanilang serbisyo sa bansa.
“Marami pong ginawa si dating Pangulong Duterte na trabaho po. ‘Yung sakripisyo n’ya po para sa ating bansa at para sa kinabukasan ng ating mga anak,” ani Go.
“Si (former Japan) Prime Minister Abe , nabigla tayo napakabait nun (pero na-assassinate)… wag tayong maging kumpyansa dahil iisa lang ang ating buhay,” paliwanag ni Go.
Binigyang-diin ni Go na hindi naman ito magkakaroon ng malaking epekto sa badyet ng bansa dahil maliit na opisina at kaunting tauhan para sa mga dating Pangulo ang kanyang hinihiling.
Wala naman aniya silang hinihinging dagdag na pension, suweldo o allowance para sa mga dating Pangulo bagkus ay kaunting suporta lamang, katulad ng limang staff at security.
Nang tanungin kung awtomatikong magiging Presidential advisers ng kasalukuyang gobyerno ang mga dating Pangulo, sinabi ni Go na nakadepende ito sa desisyon ng nakaupong Presidente.
Sa ibang piling bansa, ang libreng paglalakbay, serbisyong medikal, mas mataas na halaga ng panghabambuhay na pensiyon, bukod sa iba pa, ay ibinibigay sa mga dating Pangulo. Sa Estados Unidos, ang mga nakaraang Presidente na hindi natanggal sa tungkulin ay may karapatan sa ilang kawani, medikal na paggamot, segurong pangkalusugan, pensiyon, mga gastusin sa opisina, at proteksyon na ibinibigay ng Secret Service.
Samantala, nagpahayag si Go ng optimismo na ang panukalang batas ay susuportahan ng mga kapwa niya mambabatas.
Binigyang-diin din ni Go na kailangang i-update ang kasalukuyang batas na nagbibigay ng lifelong pension sa mga dating Pangulo.
“Tatlong former presidents na lang po ang natitira sa ngayon, sina dating Pangulong (Joseph) Estrada, (Gloria) Arroyo at (Rodrigo) Duterte at kung saka-sakali pong maisabatas po ito, makakabenepisyo din po kapag tapos na ang termino ng kasalukuyang Pangulong Bongbong Marcos,” ayon kay Go.
The post “Once you are a president, you will always be a president…” BONG GO: PAST PRESIDENTS BIGYAN NG OPISINA, SECURITY appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: