TUMANGGAP ng pagkilala sa Inter-Agency Council for Traffic (IACT) ang Pasay City government dahil sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng mga gumagamit ng kalsada sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic sa bansa.
Noong Lunes, Pebrero 13 ay iginiwad ni IACT chief Charlie Apolinario Del Rosario ang pagkilala sa Pasay City LGU sa MAAX Auditorium na nasa SM Mall of Asia Complex. Ang parangal ay tinanggap ni Peter Eric Pardo, Chief of Staff ng Office of the Mayor.
Samantala, ipinagbunyi ni Pardo ang pagkilala ng IACT at sinabi nitong iniaalay ni Mayor Emi Calixto Rubiano ang parangal sa mga Pasayeno na nag-ambag ng lakas at malasakit upang matulungan ang publiko noong panahon ng mga lockdown at paghihigpit sa noong pandemya.
Kinilala ng IACT ang katapangan ng mga operatiba at mapagkakatiwalaang partner sector ng national government at Department of Transportation (DOTr) na nagpakita ng kabayanihan sa pagsagip ng buhay, pagpapanatili ng seguridad, at pagpapakita ng katapatan noong panahon ng pandemya.
Sa kanyang mensahe na ipinarating ni Pardo, ibinahagi ni Mayor Emi ang pagkilala sa mga nasasakupan at opisyal ng Lungsod ng Pasay — mula sa antas ng barangay hanggang sa pinakamataas na pinuno — na nag-ambag ng kanilang oras, pagsisikap, at dedikasyon sa panahon ng Covid-19 pandemic.
“Dapat tayong patuloy na sumulong at patungo sa ating pang-araw-araw na mga layunin. Lahat tayo ay gumawa ng isang malaking bahagi ng isang bagay na mas malaki kaysa sa ating sarili. Hindi natin hinayaang pigilan tayo ng pandaigdigang pandemya. Sa pamamagitan ng inyong dedikasyon, tiyaga, malakas na presensya, at katatagan, ang pagkilalang ito ay nagpakita ng ating pagkakaisa at pagmamahal sa ating minamahal na lungsod,” wika ni Mayor Emi.
Ang Pasay City ay ginawaran ng IACT ng Magiting na Lingkod Award para sa kanyang huwarang pagganap at napakahalagang kontribusyon sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic partikular sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng publiko.
Sa pakikipagtulungan ng SM Cares, ang IATF awarding ay dinaluhan ng mahigit 150 DOTr staff at leaders, local government units (LGUs), at iba’t ibang partner private institutions.
Bukod kay Pardo, dumalo rin sa awarding para kumatawan kay Mayor Emi Calixto-Rubiano si RR Salvador ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO); Art Fortaleza, hepe ng Pasay Traffic and Parking Management Office (PTPMO); at Ace Sevilla ng Tricycle and Pedicab Franchise Regulatory Office (TPFRO). (JOJO SADIWA)
The post PASAY CITY LGU, TUMANGGAP NG PAGKILALA SA IACT appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: