UBOS ang pera ni Mang Juan at Aling Marya sa dami ng gastusin ng biglang may masamang naramdaman ang babae na kakaiba. Sa una’y hindi pinansin sa pag-aakalang karaniwang pakiramdam dulot ng pagod sa maghapong gawaing bahay. Ang sakit na nadarama’y dinadaan sa pahid-pahid at konting hilot. Subalit ng tumatagal tumitindi ang sakit at unti-unting nakaramdam ng pagbabago at may umbok na nasalat si Aling Marya na kinabahala’t nagtulak para magtungo sa pagamutan.
Sa sama ng pakiramdam ni Aling Marya, nagtungo ang mag-asawa sa pagamutan upang magpakonsulta sa doktor at ipakita ang umbok na nasalat. Sa pagsusuri ng doktor, iminungkahi na ipalaboratory test ang umbok nang malaman kung malignant o karaniwang bukol ang nakita. Sa pagkakataong ito, kailangang bumili si Mang Juan ng karayom na gagamitin sa lab test para kay Aling Marya na karaniwang ginagawa sa mga “out patient ” sa pampublikong pagamutan. Hindi nagdalawang isip tanungin ni Mang Juan sa doktor kung mayroon ang pagamutan ng nasabing karayom, negatibo ang tugon ng doktor.
Sa halip inirekomenda nito na bumili sa malapit na botika upang mabilis na magawa ang lab test. Dahil wala ang pagamutan ng karayom sa mga oras na nabangit naire-schedule ang gagawing lab test kung nahan na ang karayom na nabili at doon gagawin. Ngunit tumagal ang paghahanap dahil ‘di ito available sa mga botikang pinuntahan. Inikot ang kaMaynilaan subalit walang mabili. Paano na si Aling Marya?
Ang karanasan ng mag-asawa’y isa lang sa maraming karanasan na walang mga gamit ang pagamutang pinuntahan. Hindi malayo ang sitwasyon ng mag-asawa sa sinasapit ng ospital na pinuntahan, ang kawalan ng mga kailangan gamit sa gawaing opisyal o personal ng mga kawani’y karaniwang tanawin. Sa pagbibigay serbisyo walang ‘di gagawin ngunit ibang usapan kung kailangan ng gamit lalo kung may procedure na kailangan. Ang sitwasyon sa pagamutan na walang mahugot na gamit na kailangan sa pag-diagnose ng pasyente’y realidad na kinakaharap. Ibig ng doktor na gawin ang nararapat ngunit kapos sa paraan kung gamit ang kailangan. Walang mahugot na paraan upang ibsan ang sitwasyon sa loob ng pagamutan lalo’t may kamahalan ang ilang instrumentong kailangan sa pagsusuri ng uri ng sakit. Hindi maibibigay ang tamang gamot kung ‘di sapat ang pagsusuri sa pasyente. Ang kalagayan sa pagamutan ang naglimita sa doktor sa gagawin.
Ang sitwasyon na hanggang pagsusuri ang gawa sa pasyente’y ang masakit na katotohanan sa pagamutang pampubliko dahil wala o hindi sapat ang mga gamit. Sa totoo lang, tunay na hindi nagagawa ng pamahalaan ang serbisyong pangkalusugan na masasabing “with flying colors” dahil wala at hindi sapat ang mga gamit sa loob ng mga pagamutang pampubliko. Tanong, batid ba ng mga opisyal ng pamahalaan ang kalagayang ito? Bakit ‘di umuunlad ang itsura at pasilidad ng mga ospital ng gobyerno. O’ tama bang ibato ang sisi sa kasalukuyang namamahala ng kagawaran lalo’t ito’y isang OIC. Ang mabigat dito mukhang inubos o naubos ang pondo ng kagawaran sanhi ng pandemya o ng kurakot ng dating kalihim.
Sa totoo lang, ang mga kawani ng mga pampublikong pagamutan higit ang mga “frontliners” ay puro paluwal ng sariling pera upang maisulong ang kaukulang aksyon na kailangan ng mga pasyente. Sa totoo pa rin, maging ang mga simpleng pangangailangan tulad ng tape, gasa, alcohol face mask ay personal na gastusin. Ang mga frontliners na ito’y naglalaan ng bahagi ng sahod upang may ipambili ng kailangan upang magawa ang trabaho.
Sa ngayon maraming frontliners ang nagsentimyento na napapabayaan ang sektor ng kalusugan lalo ang mga nasa pagamutan. Ang mga napabayaang mga gamit na ‘di mabili-bili ng pamahalaan ang tunay na balakid sa kanilang serbisyo. Halimbawa, ang pasyenteng dapat i-CT Scan sa araw na kailangan, umabot sa isang linggo o dalawa bago magawa ang binabangit na serbisyo. At sa paglabas ng resulta, expired na ang pasyente. Hay naku, nasaan ang serbisyo sa bayan. Sa totoo lang, maraming karamdaman na maaaring malunasan ngunit sa kawalan ng gamit at gamot tumutuloy sa kamatayan. Ito ang kasabihan na ang oras ay ginto lalo sa usaping pangkalusugan.
Sa kasamaang palad, marami sa mga doktor higit ang mga residente at nasa fellowship ang tumatao sa mga pagamutan na mahigit sa 24 na oras at ligo ang pahinga. Walang pagtutol ngunit ang kawalan ng gamit o pasilidad sa mga pagamutan ang nagbibigay sakit ng ulo sa mga doktor na ito, lalo’t kayang isalba ang buhay ng mga pasyenteng nasa harapan. Sa totoo lang, ang kawalan ng halos lahat ng gamit at gamot sa pampublikong ospital ang nagtutulak sa mga bagong doktor na lumipat sa mga pribadong hospital. Hindi usapin ang dedikasyon ngunit ang makikitang hindi naihahatid ang kailangan sa pasyente sa mga pampublikong pagamutan ang masakit sa mga doktor.
Mabigat ang laban sa pampublikong pagamutan lalo’t sa dami ng pasyenteng tunay na ‘di kayang makarating sa mga dekalidad na pagamutan. At kung makarating, nariyan ang mahabang pila at kawalan ng gamit at gamot na nagpapagaling sa may karamdaman. Tanong batid ba ni Boy Pektus ang kalagayang ito ng mga pagamutan? O’ una ang politika dahil hinihintay ang eleksyon ban na matapos upang maitalaga ang nais na tatao sa kagawaran. Sa totoo lang, ang OIC ng Kagawaran na tumatao’y upang ipagpatuloy ang araw-araw na kailangang gawin. Subalit nakatali ang kamay sa pagsulong ng mga repormang kailangan. Sa totoo lang, maganda ang dala ni Dr. V sa kagawaran ngunit tikom ang bibig ni Boy Pektus sa pagtatalaga dito dahil sa iba o walang sinuportahan sa nakaraan. Alam ni Mang Juan na balewala ang galing kung ‘di kasama sa laban lalo sa nakaraan.
Kahanay ng ibang pangangailangan ang nagaganap sa mga pampublikong pagamutan, ang kawalan ng pasilidad, gamit at ibang supply upang malaman ang sakit ng mga pasyenteng naglalapitan ang siyang kaganapan. Masakit ang kinakaharap ni Mang Juan na ‘di malaman ang sakit ng asawang si Aling Marya dahil wala sa pagamutang pinuntahan ang gamit na tumutukoy sa kalagayan ng kalusugan ng maybahay. Hindi nagaganap ang pangakong serbisyong bayan ngunit ibig pagbayarin ng mabilis at tamang buwis ng mamamayan. Lahat ibig pinapasan sa balikat ng mamamayan ang gastusin ngunit ‘di madama ang serbisyong may pagkalinga. Ang alam ng pamahalaang ito’y serbisyong pansarili, sa kaibigan at bahala na ang balana sa buhay na taglay. Kung hindi malunasan ang sakit ng may karamdaman, pareho ang kalagayan ng ospital na pupuntahan. Ang hindi nagagawa sa kababayang may sakit ang tunay na sitwasyon ng pagamutang bayan.
Kay Boy Pektus bawasan ang opisyal-pasyal sa halip tutukan ang kailangan ng bayan, pababain ang halaga ng mga bilihin, aksyunan ang kailangan sa mga pagamutan, higit sipagan ang pagbaba sa lugar ni Mang Juan ng malaman ang kanilang pangangailangan. Sa paraang ito malalaman kung anu-anong programa ang kailangan at mailalapat sa mamamayan. Ang maayos na kabuhayan, kalusugan ang kailangan at ‘di ang viajeng walang katuturan.
Maraming Salamat po!!!
The post KALAGAYAN NG PAMPUBLIKONG PAGAMUTAN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: