Nagsagawa ng mega job fairs ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa North at South Caloocan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-61 nitong Lungsod.
May 1,686 na naghahanap ng trabaho ang nakarehistro at 635 na aplikante ang natanggap on-the-spot sa nasabing job fairs.
Tiniyak ng local chief executive sa lahat na sa Caloocan, walang maiiwan. Idineklara niya na libu-libong bakanteng trabaho ang mapagpipilian. Hinikayat din niya ang lahat na sulitin ang mga oportunidad na hatid ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng mga job fair, regular recruitment activities, livelihood training at iba pang kaugnay na recovery programs para sa patuloy na katatagan at pag-unlad.
“Mga Batang Kankaloo, tulad po ng lagi kong sinasabi, sa Caloocan, walang maiiwan, kaya naman libo-libong trabaho po ang maari ninyong pagpilian mula sa ating mga job vacancies,” wika ni Mayor Malapitan.
“Sa tuwing nagsasagawa tayo ng ating mga job fair, regular na local recruitment activities at livelihood trainings, sana po’y sulitin niyo ang mga oportunidad na ito, dahil bahagi po ito ng ating recovery program para sa tuloy tuloy nating pagbangon at pag- kaunlaran.” dagdag ni Along.
Bukod dito, ipinahayag ng Public Employment Service Office (PESO) Officer-in-Charge, Violeta Gonzales na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang kumpanya upang makapag-alok ng mas maraming oportunidad sa trabaho sa mga mamamayan nito. Binanggit din niya na ang kanilang mga kasosyong kumpanya sa panahon ng mega job fairs ay binubuo ng mga direktang kumpanya, gayundin ang mga lokal at overseas recruitment agencies.
“Ang ating tanggapan ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang kumpanya upang makapaghatid tayo ng maraming trabaho at oportunidad sa ating mga mamamayan. Sa pagsasagawa ng ating mega job fair ngayong Pebrero, mayroon tayong 48 partners na binubuo ng mga direct companies, pati na rin ng local at overseas recruitment agencies,” pahayag ni Gonzales.
Nagpasalamat si Mayor Along Malapitan sa PESO, mga katuwang na ahensya nito, gayundin sa mga pribadong kumpanya sa pagbibigay ng trabaho at oportunidad sa mga mamamayan ng Caloocan.
“Nagpapasalamat po tayo sa Public Employment Service Office at sa mga katuwang nating ahensya at kompanya sa paghahatid ng mga oportunidad at trabaho para sa ating mga Batang Kankaloo.” sabi ni Mayor Along Malapitan.(BR)
The post 2 Mega job fairs isinagawa sa Caloocan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: