Facebook

EDCA BINUHAY NI BBM

HINDI kumilos ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa anim na taon na termino ni Rodrigo Duterte. Dahil pinaboran ni Duterte ang Tsina, minarapat niya na matulog ang EDCA, ang kasunduan nas nagpapalakas sa alyansa ng Filipinas at Estados Unidos. Pinapayagan ang Estados Unidos na maghimpil ng mga sundalong Amerikano at makasalamuha ang mga sundalong Filipino sa mga base militar ng Filipinas.

Walang ginawa kahit katiting si Duterte sa EDCA. Inupuan ito sa buong termino ng tila bangag na lider mula Davao City na nasa puwet ng bansa. Dahil kakampi ng Tsina si Gongdi, naglakas loob ito upang angkinin ang halos kabuuan ng South Chiona batay sa ipinagmamagaling na teoryang “Nine-Dash Line” na idineklarang kathang isip at walang batayan sa katotohanan ng Permanent Arbitration Commission ng UNCLOS.

Nangahas ang Tsina na pasukin ang teritoryo at exclusive economic zone (EEZ) ng Filipinas, nakawin ang ating isda at yamang dagat, at tayuan ng base military ang ilang isla sa West Philippine Sea, ang bahagi ng South China Sea na malapit sa ating baybay-dagat.

Ipinatigil ni Gongdi ang regular na patrulya ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa WPS at hinayaaan ang puwersa pandagat ng mga Intsik na gipitin at itaboy ang ating mangingisda sa bahagi ng karagatan na tradisyunal nila na pinangingisdaan.

Hindi namin alam kung ano ang itatawag sa ginawa ni Gongdi kundi kataksilan sa bayan. Ang alam namin ay ibinibitin ng patiwarik ang mga taksil sa bayan tulad ng nangyari kay Benito Mussolini ng Italya sa pagtatapos ng Pangalawang Digmaan Pandaigdig.

Sa ilalim ng EDCA, maaaring gamitin ang mga kampo sa bansa upang magtalaga ng puwersa at lakas militar ang Estados Unidos maliban sa sandatang nuclear na ipinagbabawal ng ating Saling Batas, magsagawa ng training at magkasamang ehersisyo (joint exercises) sa mga sundalo ng dalawang bansa, magsagawa ng refuel sa mga sasakyang panghimpapawid at pandagat ng Estados Unidos, at ayusin at paunlarin ang mga base militar.

Malalim ang EDCA sa pagpapalakas ng alyansa sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos. Labis itong pinangangambahan ng Tsina dahil sa maraming dahilan. Ito ang tatapos sa pamamayani ng Tsina sa South China Sea. Pantapat ito sa panunuwag ng Beijing sa mga karatig bansa tulad ng Taiwan, Japon, at Filipinas.

Lubhang hindi inaasahan ng Tsina ang pagbaligtad ng Filipinas sa ilalim ng administrasyon ni Bongbong Marcos. Bumisita si Marcos sa Beijing noong Enero, ngunit nang masiguro na hindi maawat ang mga puwersang Intsik sa panggipit sa ating mga mangingisda, nagdesisyon siya na pag-ibayuhin ang pag-uusap tungkol sa muling pagbuhay ng EDCA.

Bumisita sa bansa si U.S. Defense Secretary Lloyd Austin noong Pebrero. Nabuhay mula sa hukay ang EDCA. Natukoy ang mga base militar na gagamitin sa pagpapatupad ng EDCA: Camilo Osias Naval Base and Air Field sa bayan ng Sta. Ana sa lalawigan ng Cagayan; Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela; at Camp Leovigildo Giantoqui sa San Antonio, Zambales. Wala pang pinangalanan sa lalawigan ng Palawan.

Kinakatakutan ng Tsina ang mga base military na ito dahil mahihimpil ang mga puwersa Amerikano doon at madaling makakasaklolo sa sandaling atakihin nila ang Taiwan. May layong 501 kilometro ang kampo sa Cagayan sa Kaohsing sa timog ng Taiwan at 622 kilometro ang kampo sa Isabela.

Tuwirang nakaharap sa kontrobersyal na Scarborough Shoal ang kampo sa Zambales, sa South China Sea ang kampo sa Palawan. Bahagi ang mga ito sa plano na tapatan ng Estados Unidos ang pangangamkam at pananakop ng Tsina sa mga isla at karagatan ng West Philippine Sea.

May naunang napili na limang base militar natin ng lagdaan ang EDCA nong 2014: Kampo Antonio Bautista sa Palawan; Kampo Cesar Basa sa Pampanga; Fort Magsaysay sa Nueva Ecija; Lumbien Air Base sa Cagayan de Oro City; at Kampo Benito Ebuen sa Cebu City.

Dahil mapanuwag ang Tsina sa mga karatig bansa, nagkasundo ang apat na bansa – Filipinas, Estados Unidos, Japon, at Australia – na magkaroon ng joint maritime patrol sa South China Sea at kahit sa West Philippine Sea. Kasalukuyang nag-uusap ang mga opisyales ng apat na bansa. Kapag nabuo ang joint maritime patrol, mababale-wala ang mga base militar ng Tsina sa teritoryo ng Filipinas. Hindi na rin makakahimpil ang puwersang Intsik sa WPS.
***
NAIBALITA sa amin ng ilang nilalang na malapit kay Leila de Lima na sineseryoso ng butihing dating senador ang aming mungkahi na magsulat siya ng aklat kung saan idedetalye niya ang lahat ng pagmamalabis sa poder at panggipit ni Gongdi at kaalyado sa kanya at kahit sa mga pamilya ng malawakang patayan sa ilalim ng madugo ngunit nabigong digmaan kontra droga.

Ipinaaalam sa amin na isa ang pagsusulat ng aklat sa mga plano ng butihing mambabatas at tagapagtanggol ng karapatang pantao. Hindi lang tungkol sa kanya ang libro kundi kahit sa mga pobreng pamilya ng mga biktima ng EJK. Wala kaming masabi kundi magpalakas kayo Senadora at pagpalain kayo ng Itaas.
***
LUMILINAW na ang mga dahilan sa pagbisita ng mga piling kasapi ng European Parliament sa bansa. Isa sa kanilang pakay sa pagbisita ay ang pag-alok ng mga insentibo na napalakas ang kalakalan sa pagitan ng Filipinas at European Union. Ibabalik ang Filipinas sa Generalized System of Preference (GSP) ng EU at malayang makakapasok ang mga export product sa mga kasaping bansa ng EU na aaabot sa 26.

Ngunit may kapalit ang alok ng EU. Magkakatotoo iyan kung palalayain si Leila de Lima at kung babalik ang Filipinas sa Rome Statute. Hindi tutol ang administrayon ni Marcos na palayain si de Lima ngayong buwan. Kasalukuyan pinag-uusapan sa Gabinete ang ikalawang kahilingan. May narinig kami na maaaring bumalik ang Filipinas sa Rome Statute.

Kung mangyayari ang gusto ng EU, walang dahilan upang hindi papasukin ang mga opisyal ng International Criminal Court (ICC) upang gawin ang formal investigation kaugnay sa sakdal na crimes against humanity laban kay Gongdi. Ito ang hinihintay ng marami lalo na ang pamilya na mga biktima ng EJKs na hanggang ngayon ay humihingi ng katarungan.

Kapag natupad ang formal investigation, liliit ang mundo ni Duterte at mga kasapakat. Hindi sila maaari maglakbay dahil malamang na hulihin sila sa mga bansa na kasapi sa Rome Statute. Maaring ipatupad ang Global Magnitsy Law at mahaharap sa freeze order ang anumang asset mayroon sila sa ibang bansa.
***
MANANATILI si Raffy Tulfo sa Senado dahil nanalo siya sa sakdal na iniharap ng isang babae na nagsabing siya ang tunay na asawa ni Raffy. Iba kasi ang nakalagay na pangalan ng asawa sa certificate of candidacy (CoC) ni Raffy ng tumakbo siya sa Senado noong nakaraang taon. Ito ang ikinagalit ng babae na dumulog sa Comelec at huminging ng DQ sa kanya.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Seriously folks, we need to stop the Cha Cha train on its tracks. A constitutional convention will have delegates elected by the lower house reps themselves. Lutong makaw na panis! Please spread the word.” – Bart Guingona, netizen, stage actor

“Masyadong matagal ang isang linggong tigil pasada ng mga tsuper ng jeep. Mga tatlong araw lang, wala na silang makain. Lalabas na.” – PL, netizen

The post EDCA BINUHAY NI BBM appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
EDCA BINUHAY NI BBM EDCA BINUHAY NI BBM Reviewed by misfitgympal on Marso 01, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.