Facebook

GALEMA SA PALASYO

MAALAT ang Pinoy sa magkasunod na huling dalawang pangulo ng bansa at hindi nakalasap ng maalwan na buhay. Hindi pa usapin ang napakaraming namatay sa panahon ng berdugo mula Dabaw ng magdeklara ito ng laban sa droga. Sinayang ang lakas na ekonomiya ng bansa ng bumaba sa palasyo si Pnoy. Sa katunayan nalugmok ang bayan sa dami ng utang ‘di dahil sa pandemya kundi sa nakaw at suhol upang mapanatili kuno ang malakas na liderato. Marami ang hindi ginawa ngunit naging mapagmalaki sa kilos at pananalita. Ginawang excuse ang pandemya sa mga kamaliang ginawa sa pamahalaan. Sa madaling salita, tunay na Inferior Dabaw Group sa isip, sa salita higit sa gawa. Kabalintunaan at binaboy ang Panatang Makabayan na saligan ng kagalingan ng Pinoy sa anumang larangan. Maraming ‘di sinalihang usapang pangmundo sa kawalan ng kaalaman higit sa pagpapalakad ng bansa higit ang sa ekonomiya’ at kalusugan. Paano una ang sariling lukbutan sa halip na kagalingang pambayan.

Pumasok ang pamahalaan ni Boy Pektus, makikita ang kawalang-alam sa anumang usaping pamamahala at may kahiligan sa opisyal-pasyal. Kapansin pansin ang kakulangan sa kaalaman dahil ‘di malaman kung paano palalakarin ang kalakarang kaunlaran ng bansa. Hindi maigiya ng tama ang kabuhayan higit ng mga taong umasa sa pangakong mababang presyo ng mga bilihin. At sa totoo lang, tila bumaligtad ang regla ang pamunuan ng bansa mula sa gago tungo sa relaks at walang pakialam na lider. Ang tanging pakay ng liderato’y malinis ang pangalan ng pamilya at maibalik ang yaman na nakaw sa kabang bayan. Hayan pansin ni Mang Juan na kahit ang mga pista opisyal ay inuusog sa takot na magkaroon ng malaking pagtitipon sa EDSA People Power Monument. Siyempre pabida lang ito’t tinawag na “Holiday Economics” ngunit malinaw na takot si Boy Pektus na dumami ang tao sa lansangan. May trauma si BP sa nakaraan, sa mga mamamayang nag-iipon at baka matangal muli sa palasyong kinalakihan.

Sa usaping palasyo, batid ni Mang Juan na mabigat ang kalakaran sa loob nito lalo’t ‘di kasapakat ang naninirahan. May mga multong nagpaparamdam sa mga personnel na kapag napagtripan ‘di alam saan dadamputin. Malakas ang hatakan ng mga gumagalaw sa palasyo, subalit ‘di maalis na may mga sandalan na maaaring gawing pananggalang sa atake ng sino lalo’t malapit sa upuan ng babaeng maiksi magdamit at laging nakasimangot. Pinaglihi ba ito sa sama ng loob, tanungin si Mar ng Kubaw.

May hapon na ang pangalan ay haka – haka at kuro – kuro ang nagsabi na may mabalasik na babaeng nilalang sa loob ng palasyo na nagngangalang Galema. Ang nais nito ang dapat nasusunod, walang magawa kahit si Boy Pektus, at tawa at ngiti ang gagawin sa ibig ni Galema. Sa bangit ng taga palasyo ang sinasabi ng hari’y kayang baliin ni Galema pag hindi ayon sa kanyang utos. Ang pagkuha ni Boy Pektus sa Kagawaran ng Pagsasaka’y kaisipan ni Galema na kahit sa panahon pa ni Totoy Kulambo ibig nito maging kalihim ang asawa. Sa katunayan, malaki ang tampo ni Galema kay TK ng hindi italaga bilang Kalihim si Boy Pektus sa Kagawaran ng Pagsasaka. Kinimkim nito ang tampo kay TK, at hayan ang mga bata nito sa IDG ang kumakahig upang masangga ang usapin ng ICC. Dahilan nais makabawi ni Galema sa hindi pagkakatalaga sa asawa noong panahon ni Totoy Kulambo. At sa ngalan kuno ng hustisya.

Sa bagsik ni Galema, ang malalapit na dating bata ni Boy Pektus ay hindi nakaiwas sa kamandag ng babaeng ahas, yun pinulot sa kangkungan. Sa kasalukuyan ang mga dating kapanalig sa Law firm ang namumunini sa pagpapalakad sa mga ibig na ahensya. Ang masakit hindi lantad ang mga galaw ng mga ito ngunit ang kamandag ni Galema’y ramdam saan man sa pamahalaan. Walang ibig na ‘di matutupad sa ngalan ng legalidad o baka isang araw ay kaso ang kahaharapin sa hapag ng hustisya.

Nakahihindik ang galamay ni Galema, sa kagawaran na pinamumunuan ni Boy Pektus, pansinin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong dating abot kamay ang presyo. ngunit taliwas ang kaganapan, tumaas ang presyo ng asukal, bigas, sibuyas at maging ang itlog, anong bagsik ng kamandag nito. Hindi lang sa Palasyo ramdam ang bagsik ng kamandag nito, maging ang taong baya’y umaaray sa mahal ng bilihin. Ayon sa impormasyon, noon pa man ibig na ni Galema na mahawakan ang kagawarang upang isulong ang sariling pakinabang. At tandaan Mang Juan alang hindi tataas ang presyo sa panahon ngayon dahil sa lupit ni Galema. Walang magagalaw na taga imbak ng kailangan ni Mang Juan sa araw – araw hangga’t naroon sila ang may tangan sa poder. Resulta anim na taon ng Kuwaresma.

Magaling sumayaw si Galema sa tugtugin kasalukuyan ngunit patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin na dahilan ng lalong paghihirap ni Mang Juan. Hindi na bumababa ang presyo ng bilihin higit sa produktong galing sa pinamumunuan ni Boy Pektus. Sa totoo pa rin, hindi na kasya ang sahod ni Mang Juan sa araw – araw sa taas ng bilihin. Nariyan ang inflation na umaabot sa 9.3% ang taas pero sige pa rin, paano pasok sa lukbutan ng aleng pinaglihi sa sama ng loob. Hindi baleng masama ang loob ng bayan basta‘t ‘di si Galema.

Sa takbo ng kalakaran sa pamahalaan tunay na dapat malaman kung sinu-sino ang mga taong bumubuo higit ang malapit sa pamingalan. Ang mga taong ‘di kita ngunit dama ang bagsik lalo sa mga transaksyon na may kinalaman sa negosyong pinapalaki. Karaniwang usapan na iba ang nakapwesto sa pamahalaan dahil maraming bagay ang pinalalagpas sa legal na transaksyon na ‘di makuha ng mga nagnenegosyo na alang koneksyon. Sa katunayan, mabilis ang paglago ng negosyo,’t kabuhayan ng mga malapit sa kapangyarihan. Nariyan ang mga taong napakayaman ibig pa ring magpayaman. Pero batid ng sanlumikha na ‘di maayos ang hilatsa ng mukha. At sa kabilang dako ng bansa, ang dating ‘di masyadong mayaman, ngayo’y kontrolado ang Donut tan sa kaMindanaoan. Ano masasabi ng nanay ni Inday Sapak sa kaibigan?

Sa pag-ikot ng mundo asahan ang mayaman ay higit na yayaman dahil sa gintong sibuyas na alay sa mahal sa buhay. Tunay na mabisa ang kapangyarihan ni Galema na kahit ang asawa’y ‘di makatangi lalo’t ang usapi’y lukbutang nawiwili sa dami ng salaping pumapasok. Sino ang tututol sa lakas, kamandag at kapangyarihan ni Galema sa palasyo. Dahil si Meldie’y lipas na, ang bantayan ni Mang Juan ay ang lupit at bagsik ng bagong Galema ng Palasyo.

Maraming Salamat po!!!

The post GALEMA SA PALASYO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
GALEMA SA PALASYO GALEMA SA PALASYO Reviewed by misfitgympal on Marso 02, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.