Facebook

INTERES NG BAYANG PINOY ANG INUUNA LAGI NI PBBM

WOW! Masasabing productive visit ang limang araw na opisyal na pagbisita ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa White House na tiniyak ni President Joe Biden na matatag ang relasyon ng Pilipinas at US, lalo na sa larangan ng seguridad at ekonomya.

Sinugurado ng White House sakali, sakali lang naman, may external threat sa ating bansa, ang malakas na puwersa ng navy at militar ng US ay sigurado nasa likod ng Pilipinas.

‘Yung mga kritiko na nagsasabi na ‘inaapuyan’ ng US ang iringan sa South China Sea (tawag natin ay West Philippine Sea) ay mali, kasi malinaw, ang China na kaibigan daw natin ang nambu-bully at kita naman ang itinayong military and naval bases nito sa Spratlys na ito ay sakop ng ating exclusive economic zone at sovereignty rights natin.

Hindi naman iniintindi ng China ang ating mahigit sa 450 diplomatic protest sa panggigipit nila sa ating sea patrol vessels at sa ating Pinoy fisherman at ang katwiran nila, ang teritoryo ay “kanila.”

Ngek! Balewala sa China ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na ibinasura ang pag-angkin sa teritoryo, base sa 9-dash line.

Hindi makuha sa maayos na usapan, kaya tama lang si PBBM na payagan ang dagdag na enhance defense cooperation agreement (EDCA) sites sa gayon ay magkasamang mabantayan ng sundalong Amerikano at Pilipino ang ating teritoryo sa WPS.

Pandepensa lamang ang EDCA, at wala itong layunin na “umatake” gaya ng fake news at misinformation ng mga anti-PBMM, e ano kung di naman kumilos si Marcos para humingi ng tulong, sasabihin, siya ay ‘weak’ at ngayong nagpapakita ng tapang, sasabihin naman, isinusubo tayo sa giyera.

E ano ang gagawin ng ating Pangulo, wag na lang kumibo, manahimik na lang?

Sa ibang isyu, nakakuha si PBBM sa mga negosyanteng Amerikano ng US$1.3 billion (PHP71.8 billion) na halaga ng pangakong investment at ito ay makapagbibigay ng 6,700 bagong trabaho sa Filipino, at expected na magbubukas ito ng mahigit pa sa 112,000 oportunidad sa hanapbuhay.

Ang investment pledges na ito ay sa larangan ng komersiyo, renewable energy, data center, 4-commerce, broadband technology, malawakang pabahay, health, clean energy at pagsasamoderno ng ating agrikultura.

Hindi lang ‘yon, isang kompanya ng barko ang ngayon ay nagpoproseso na ng aplikasyon para kumuha ng Pinoy seafarer kasi, billib sila sa husay, sipag at propesyonalismo ng ating marino.

Sinabi ni John Padget, president at CEO ng Carnival Cruise na handa siyang mag-empleyo ng 76,000 Pinoy seamen na marami ay naglalakbay sa Caribbean at sa Bahamas.

Magtutulungan din ang US at Pilipinas tungkol sa problema sa climate change at pagtatayo ng mga pabrika ng bakal at baterya ngayon na uso na ang paggamit ng electric car at ipa pang teknolohiyang umiiwas sa paggamit ng petrolyo.

Kailangan na ngang maumpisahan ang tinatawag na clean technologies, at ang industriyang umaasa sa cobalt at nickel na napakayaman natin sa mineral na ito.

Isipin ang maraming trabaho at hanapbuhay na malilikha ng mga investment na ito sa atin, lalo na at babahagya pa lamang tayo nakakabangon sa perwisyo ng pandemyang COVID-19.

Tutulong rin ang gobyerno ng US para maisagawa ang Inflation Reduction Act at maumpisahan na ang pagtatayo ng battery production na may kinalaman sa “National Blueprint for Lithium Batteries.”

Para maresolba ang mataas na singil sa elektrisidad at ang madalas na kakulangan sa power, pinag-usapan din sa White House visit ang pagtatayo ng maliliit na nuclear power plant at mapalakas ang ating nuclear techonology.

At pinag-usapan rin kung paano magtutulungan para mapangalagaan ang likas na kayamanan ng Pilipinas, ang ating mayamang karagatan at mapanatili ang coastal at marine ecosystems.

“This will aid us as we establish our own geospatial database and equip us to move towards strengthening science-based policy-making in our country,” paliwanag ni Marcos.

Mapapansin, bunga ng pagkapit natin sa Mutual Defense Treaty na sinigurado ng US na agad silang tutulong sa ating depensa kung may mangyaring kaguluhan, ‘yang pambu-bully ng China ay dumalang, hindi tulad noon na madalas.

Makikita ngayon kung sino ba talaga ang ating kaibigan at kung sino ang nagkukunwaring kaibigan.

Pero, maliwanag naman ang sinabi ni PBBM, hindi naman sa ayaw niya sa China, katunayan maraming kasunduan sa impraestruktura, negosyo at iba pa na patuloy na umiiral.

Tanging ang nais ng ating Pangulo, irespeto ng China ang ating teritoryo.

Tandaan na hindi lang totoo ang sinasabing “Might is always right.”

Nais nga ni Marcos, ang anomang problema ay mapag-uusapan naman sa diplomasyang paraan, at ito ay kanya pa ring ipinupursige, pagkat anomang gusto, mapag-uusapan nang maayos.

Nagtitiwala tayo na lahat ng ginagawa ni Pangulong Marcos ay para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino, at tinutupad niya ang sinumpaang tungkulin na itataguyod sa lahat ng panahon ang interes ng ating bayan, ang kabutihan ng Pilipinas.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post INTERES NG BAYANG PINOY ANG INUUNA LAGI NI PBBM appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
INTERES NG BAYANG PINOY ANG INUUNA LAGI NI PBBM INTERES NG BAYANG PINOY ANG INUUNA LAGI NI PBBM Reviewed by misfitgympal on Mayo 15, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.