Facebook

Ipino-promote pa…Coco suportado ang tambalan nina Alden at Julia

Ni ARCHIE LIAO

NAG-uumapaw sa tuwa ang Kapamilya Primetime King na si Coco Martin dahil patuloy na humahataw sa ratings ang serye niyang “FPJ’s Batang Quiapo” mula nang umere ito three months ago.
Katunayan, hindi raw niya inaasahan na ganoon tatangkilin ng viewers ang show dahil wala namang prangkisa ang ABS-CBN.
“Sobra akong na-surprise, eh. Kasi sabi ko, noong ginagawa namin ang ‘Ang Probinsiyano,’ sabi ko, ‘sigurado ako, hindi ko na mauulit ‘to. Iyong ganu’ng experience,” ani Coco.
“Pero ngayon, base sa mga numbers na lumalabas sa ‘Batang Quiapo,’ mas mataas pa siya kesa sa ‘Ang Probinsyano.’ Kasi, nu’ng pumasok ang ‘Ang Probinsyano,’ hindi naman kami umaabot ng ganitong ratings, eh, nu’ng nawala ‘yung prangkisa ng ABS-CBN.
“Ngayon, kahit na wala ang prangkisa, maganda ‘yung ratings na ibinibigay nu’ng show. Kaya nakatutuwa. Tumaas na nang tumaas lalo na ‘yung mga views sa YouTube, nakaka-surprise,” dugtong niya.
Kaya naman dahil sa tagumpay ng show, mas ganado raw ang actor-director-producer na pagandahin pa ang kanilang succeeding episodes.
Hirit pa ni Coco, pangarap din niyang i-guest ang KathNiel sa kanyang serye.
Maging ang Megastar na si Sharon Cuneta at kaibigang si Vice Ganda ay gusto raw niya muling makatrabaho after “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Sa ngayon ay nakapokus daw muna siya sa present cast ng “FPJ’s Batang Quiapo.”
Nangyari raw kasi sa FPJAP na halos naubusan na siya ng artistang makukuha dahil sa tagal nang itinakbo ng serye.
“Ayokong mag-isang buhos na lahat ng magagaling na artista ay nakapasok na lahat. Paano ‘pag nagbawas ka ng karakter? Wala ka nang makukuha. Kaya dinadahan-dahan ko,” esplika niya.
Naitanong din sa kanya kung totoo ang tsikang balak silang pagsamahin sa isang proyekto ni Alden Richards.
Aniya, noon pa raw ay gusto na niyang makatrabaho ang bedimpled actor.
Katunayan noong may Instagram pa raw siya ay minessage niya ang Kapuso actor na sana ay magkatrabaho sila.
Sey naman ni Alden, bet din daw niyang maka-work ang actor sa isang dramatic vehicle.
Nahingan din siya ng pahayag tungkol sa tambalan nina Alden at ng kanyang rumored girlfriend na si Julia Montes.
Katunayan, suportado raw niya ang team-up ng dalawa.
Nagbigay din siya ng mensahe ng pagsuporta sa bagong tandem ng dalawa.
“Suportahan n’yo po ang movie nina Alden at Julia. Malapit na malapit na po ‘yan, isinu-shooting nila ngayon sa Singapore,” pag-iimbita ni Coco.

The post Ipino-promote pa…Coco suportado ang tambalan nina Alden at Julia appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Ipino-promote pa…Coco suportado ang tambalan nina Alden at Julia Ipino-promote pa…Coco suportado ang  tambalan nina Alden at Julia Reviewed by misfitgympal on Mayo 05, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.