
MAHIGIT sa dalawang dekada na nasa puwesto ang magkapatid na Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco sa Navotas pero walang nababalitang iligal na sugal na nag-ooperate sa bahaging ito ng Metro-Manila.
Ayaw ng mga Tiangco ang iligal na sugal dahil nakakasira ng moralidad lalo na ng kabataan kaya ganap na ipinagbabawal sa syudad ng Navotas ang ganitong bisyo na pinatunayan naman ng mga Tiangco sa napakahabang panahon ng kanilang paglilingkod.
Isa pang bagay na ayaw na ayaw ng mga Tiangco sa sugal ay ang iniuulat na ito ay prente ng bentahan ng droga ng mga salot na drug pusher na naglipana sa Metro-Manila.
Pero hindi naman siguro ikasisira ng kanilang reputasyon at maayos na paglilingkod kung paiimbestigahan nina Mayor John Rey at Cong. Toby ang mga iniuulat sa SIKRETA na isang nagngangalang “Dimple” ang nag-ooperate na ngayon ng loteng, EZ 2, puwesto pijo na sakla, saklang patay at iba pang uri ng pasugal sa kanilang lungsod.
Ilang buwan na ring may mga reklamo tungkol sa pamamayagpag ng loteng at EZ 2 doon. Ang nakadidismaya pa ay parang ligal ang pangungubra ng mga kubrador ng naturang pasugal maging sa city hall at police station ng Navotas.
Kung hindi alam ng magkapatid na lingkod bayan ang nasabing gambling business ni “Dimple”, aba’y may problema? Ibig sabihin hindi ginagawa ni P/Col. Alan Umipig ang kanyang tungkulin bilang city police chief.
Bukod sa Navotas, batay sa reklamong ipinaabot sa SIKRETA ay nakuha na din ni “Dimple” ang operasyon ng loteng at EZ2 na dati’y hawak ni alyas Mario Bokbok ng napakatagal na panahon siyudad ng Malabon.
Si Bokbok ay kilalang gambling lord na hinawakan din ang sakla operation sa Malabon matapos na pumanaw ang kanyang among gambling lord na si Cupcupin.
Alam ng SIKRETA na tulad ng magkapatid na Tiangco, ayaw din ni Mayor Jeanie Sandoval ang illegal gambling kung ang pagbabasehan ay ang kanyang pahayag nang unang manungkulan ito noong July 1, 2022 bilang halal na city executive. Pero anong nagyari? Bakit nakapasok si “Dimple” sa Malabon?
Tulad ni Col. Umipig ng Navotas, may problema din si Malabon City Police Chief Col. Amante Daro dahil imposibleng malingid sa kaalaman nito ang nangyayari sa kanilang hurisdiksyon, lalo’t bukambibig sa mga police station commander ang tila nilalanggam na asukal na 1602 (illegal gambling).
Kung hindi alam nina Col. Umipig at Col. Daro, ang loteng at EZ 2 operation na hinahaluan pa ng “saklang buhay at saklang patay” sa kanilang area of responsibility (AOR), suhestiyon ng SIKRETA ay tanggalin n’yo kapwa ang intelligence officer sa inyong himpilan dahil mistulang bugok na itlog ang mga yan?
Ang kahinaan at kawalang kakayahan ng inyong tagapaniktik (intelligence officer) o pangungunsinte ng mga ito sa operasyon ng bawal na sugal ay repleksyon ng kakulangan din sa liderato nina Col. Umipig at Col. Daro, kung kaya’t nakakalusot ang mga “palusot” ni “Dimple” at ng kanyang mga alipores.
Bilang mga police chief (Col. Umpig at Col. Daro) ay maraming dapat ipaliwanag kay Northern Police Chief PBGen. Rogelio Penones pagkat kaakibat ng pagiging pinuno ay may pananagutan silang dalawa sa ilalim ng doktrina ng Command Responsibility.
Bilang director naman ng Northern Police District, may higit na pananagutan din si PBGen. Penones sa mga nangyayaring kabulastugan ng mga police chief nito, kung nagbubulag-bulagan at nakiikipagsabwatan ang kanyang mga hepe ng kapulisan sa nagaganap na illegal gambling operation sa Navotas at Malabon.
Ang loteng at EZ2 operation ni “Dimple”ay iligal, kaya kung patuloy na babalewalain ng Navotas at Malabon police, tiyak na ang baling ng sisi ay kay BGen. Penones, ayon pa din sa itinatadhana ng Principle of Command Responsibility.
Bagama’t nagpahayag na si new PNP Police Chief Benjamin Acorda Jr. na hindi pa ito magpapairal ng balasahan sa hanay ng kanyang mga field commander, ngunit kapag ganito naman ang nangyayari sa AOR ng NPD ay di dapat maging kampante sina PBGen. Penones, Col. Umipig at Col. Daro.
Kailangang madaliin nina PBGen. Penones, Col. Umipig at Col. Daro ang pagsalakay sa mga iligal na pasugalan ni “Dimple” sa Navotas at Malabon, bago mabuwesit sa kanila si PDG Acorda Jr. at magpadala ng kanyang mga operatiba mula sa Camp Crame para ipa-raid ang mga gambling den ni “Dimple”. Itutuloy…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144.
The post KINUKUNSINTE PASUGAL NA LOTENG, EZ 2 NI “DIMPLE” SA NAVOTAS AT MALABON! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: