Facebook

Bong Go govt hospital personnel: Habaan ang pasensya sa mga pasyente

Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go, tagapangulo ng Senate committee on health and demography, sa mga tauhan o manggagawa ng pampublikong ospital na maging mahabagin at habaan ang pasensiya sa pagsisilbi sa kanilang pasyente, lalo sa mahihirap.

Kasabay nito, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagpapalakas ng sektor ng kalusugan para sa kapakanan ng lahat ng Pilipino.

Sa ambush interview matapos ang kanyang pagbisita sa Nagcarlan, Laguna, nanawagan si Go sa Department of Health na unahin ang paghahanap ng mga epektibong solusyon upang matugunan ang mga kritikal na isyu na kinakaharap ng mga pampublikong pasilidad at serbisyo sa kalusugan sa bansa.

Hiniling ni Go kay Department of Health Secretary Ted Herbosa na tiyaking ang lahat ng ospital ng gobyerno ay komportable at maayos.

“Kaya nga po ospital, para gumaling ang pasyente, para hindi lumala. Gamutin n’yo po ang pasyente, bigyan n’yo po ng komportableng higaan at maayos na medikasyon,” iginiit ni Go.

Ginawa ng senador ang apela kasunod ng mga ulat na ang ilang ospital ay walang tamang bentilasyon. Binanggit ni Go na walang sinuman ang dapat pagkaitan ng mahalagang serbisyong medikal dahil sa kanilang estado sa buhay.

Nakababahala, ani Go, ang mga ulat na nagpapakita ng kakulangan ng kagamitan sa mga pampublikong ospital.

Hinimok din niya ang mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan na manatiling mahabagin sa pasyente at isapuso ang walang pag-iimbot na serbisyo.

“Sa mga empleyado, ang parati kong pakiusap tuwing umiikot ako sa mga ospital sa buong Pilipinas lalo na sa mga Malasakit Center, habaan n’yo po ang inyong pasensya sa mga pasyente, ” sabi ng senador.

“Naghihirap po ang mga ‘yan, mangyari po bigyan natin sila ng tulong. Hindi po makatutulong ang simangot n’yo. Dapat nga kusang loob ninyo tulungan. Ngumiti kayo. Alam n’yo, mahirap magkasakit, walang pera ang mga ‘yan, nahihirapan po sa pambayad sa ospital. Kaya nga po pumupunta sa public hospital,” paliwanag ng senador.

“Gabayan ninyo nang tama para matulungan at ipakita ang malasakit sa kapwa lalo na sa mahihirap,” dagdag niya.

“Tayong mga nasa gobyerno, dapat po accommodating tayo at friendly tayo. Tulungan natin ang mga mahihirap,” iginiit pa ni Go.

Sinabi ni Go na bukas ang kanyang tanggapan sa mga reklamo laban sa mga tauhan ng ospital na hindi ginagawa nang tama ang kanilang responsibilidad.

“Kung kailangan nating ipatawag sa Senado, pwede po nating ipatawag sa Senado ang mga ‘yan kung kinakailangan po,” aniya.

The post Bong Go gov’t hospital personnel: Habaan ang pasensya sa mga pasyente appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go govt hospital personnel: Habaan ang pasensya sa mga pasyente Bong Go govt hospital personnel: Habaan ang pasensya sa mga pasyente Reviewed by misfitgympal on Hunyo 24, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.