USAP-USAPAN sa Camp Crame ang pagkapagbukas muli ng electronic sabong na mas kilala sa tawag na E-Sabong na ipinasara na ng gobyerno pero matapang na binuksang muli ng kilalang pamilya ng magnanakaw na napakatagal nang sangkot sa malawakang pandarambong, pagpapaihi ng petroleum, oil product at iba pang mahalagang produkto sa ibat ibang bahagi ng kalakhang Luzon
Batay sa mapapanaligang ulat ng ating mga KASIKRETA, noong Hunyo 1, 2023 ay nag-umpisa ang ipinagbabawal ng batas na sultadahan sa isang malaking sabungan sa San Rafael, Bulacan kung saan napapanood ng live para sa mga nais pumusta sa nagsasalpukang manok. Ang lalawigan ng Bulacan ay nasa area of responsibility (AOR) ni PNP Provincial Director Col. Relly B. Arnedo.
Ang itinuturing na utak ng binuksang E-Sabong ay si alyas Cholo, isang big-time na sabungero na ang pamilya ay yumaman sa pagnanakaw – pagpapaihi o pagpapatulo ng mga oil, petroleum product tulad ng gasoline, krudo, gaas at pagpapasingaw ng liquified petroleum product (LPG) mula sa mga tanker at capsule truck ng mga inosenteng biktima na mga hauling truck operator.
Sa larangan ng pagnanakaw ng produktong petrolyo ay eksperto si alyas Cholo, katusuhang minana nito sa kanyang ama, tiyuhin at iba pang mga kamag-anakan na kung ituring ay mga economic saboteurs sa bansa ngunit di napaparusahan sa ilalim ng batas dahil sa lawak ng koneksyon ng pamilyang nabanggit sa Malakanyang, gabinete, senado at kongreso gayundin sa kapulisan at militar.
Dahil sa iligal na negosyong paihi na ang sentro ng operasyon ay sa hurisdiksyon ni PNP Region 3 Director BGen. Jose S. Hidalgo, lalong-lalo na sa probinsya ng Bulacan, ay nagkaroon ng maraming kakilala na nang sa kalaunan ay naging kaibigan ni alyas Cholo mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagsilbi na ring protektor ng kanilang buriki o paihi operation na deka-dekada na ang itinagal.
Sa dami ng mga kontak sa hanay ng kapulisan, military at maging sa media kaya marahil napakalakas ng loob ni alyas Cholo na magnegosyo ng E-Sabong na tuwirang sumasalungat sa ipinalabas na Executine Order No. 9 ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong December 28, 2022 na nagbabawal sa naturang uri ng sugal.
Ang E-Sabong ay naunang ipinagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte noong kanyang kapanahunan dahil sa dami ng kinasangkutang kontrobersya ng operasyon nito. Dahil din sa napakaraming nalulong sa sugal na ito na naging mitsa ng pagkasira ng maraming pamiya, kaya ipinasara ito ni Pres. Duterte. Ang E-Sabong ay naunang inoperate ng karamiha’y mga intsik, isa dito ay involved din sa ibat ibang uri ng sugal at sindikato.
Si alyas Cholo ay inaayudahan ng isang alyas Lumbad na nakilala din sa E-Sabong business. Isang dalubhasa si Lumbad sa paggawa ng mga electronic at internet apps na nagdala sa kanya sa rurok ng tagumpay. Isa na si Lumbad sa kinikilala sa lipunan lalo na sa sirkulo ng sabong industry na itinuturing ding big-time na sabungero.
Sa sobrang kasikatan ay baka sundan na rin ni Lumbad ang yapak ng kanyang mahal sa buhay na kumandidato sa isang lungsod sa Metro-Manila na sinuwerteng nagwagi at isa na itong lingkod- bayan.
Ayon pa sa ating KASIKRETA, si Lumbad ay isang Tondo Boy na kakalat-kalat lang sa gilid ng Cabangis sa Herbosa,Tondo, Manila na biglang nagkamal ng pera. Sa una ay napagkamalang nanalo ito sa lotto pero ang kayamanan pala ay galing sa E-Sabong dahil sa pagiging IT expert nito.
Si Lumbad, ayon pa rin sa ating KASIKRETA ay in-charge, nagpapakalat ng kanilang pasabong sa malaking sabungan sa Bulacan sa pamamagitan ng electronic feed apps para din umabot ito sa target na milyong mamumusta hindi lamang sa Pilipinas, kundi aabot sa ibat ibang bansa na ang karamihang nagsusugal ay mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Maraming mga OFWs na matagal na nagtatatrabaho sa ibang bansa ang umuuwing luhaan, bangkarote at gutom ang inaabot ng pamilya dahil sa pagkagumon sa E-Sabong kaya’t ganap na ipinagbawal ang pagkakaroon ng ganitong uri ng pasugal sa Pinas.
Dahil nga sa ito ay iligal sa diwa at sa ilalim ng batas, tingnan natin kung paaaksyunan ito ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. kina PRO3D PBGen. Hidalgo at Bulacan PNP PD. Col. Arnedo. Abangan ang karugtong.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144.
The post BURIKI FAMILY, BAGONG E-SABONG OPERATOR! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: