Facebook

DUE PROCESS, ‘WAG “MARITES” SA KASO NI TEVES

IMBES na luminaw, lumalabo yata itong kaso sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, kasi nga, iba-ibang anggulo at ‘marites’ na yata ang nangyayari.

Napansin ko lang kasi, noon, sabi ni Justice Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, 99 percent nang solve ang kaso kasi, itinuro ng mga suspek si suspended 3rd Negros Oriental Congressman Arnie Teves na utak sa pagpatay sa gobernador.

Latest, binawi na ng mga detenidong suspek ang apidabit na nagsasabit kay Teves at ito ay nagpapahina sa kaso laban sa kongresista.

Sabi ni Atty. Ferdinand ‘Ferdie’ Topacio, kung i-cross examine ang testigo o suspek, wala nang gaanong epekto sa kaso ang recantation.

Pero kung di pa dinidinig ang kaso, saka binawi ng suspek dahil sa siya raw ay tinakot at tinortyur at hindi pa nako-cross examine sa korte, malaki ang epekto sa kaso, sabi ni Topacio.

At ito nga ang nangyayari: wala pang pormal na pagdinig sa Degamo case, saka nagbaligtaran ang mga suspek at sinabing walang kinalaman si Teves sa krimen.

Expected na raw nila iyon, sabi naman ng maybahay ni Gov. Degamo, na tulad ni Sec. Boying at mga prosekyutor, hindi raw nagpapahina ang kaso nila laban kay Teves.

Eto na, may bago na naman sitsiritsit ang ating kaibigang Justice Secretary Remulla na sabi niya, kuno inalok daw ng P8 milyon ang bawat isang suspek para mag-recant sa kanilang testimonya na isinasabit si Rep. Teves sa pagpatay kay Gov. Degamo at siyam pang tao.

Sa interbyu ng CNN Philippines, sabi ni Sec. Boying nakatanggap siya ng intelligence information sa loob ng National Bureau of Investigation (NBI) na inaalok ng pera ang mga suspek.

Marites ba ito, hindi po, kasi tinukoy ni Sec. Boying ang nag-aalok daw ng pera sa mga suspek para mag-recant!

‘Yun daw P8-M ay inalok ni dating Justice Undersecretary Reynante Orceo, ay grabe ito kung totoo.

Itong si Orceo e abogado ni Marvin Miranda na itinuturong kasapakat ni Teves sa Degamo case.

Eto ang sabi ni Sec. Remulla: “If I am not mistaken, the first report that we received was that he was offering P8 million each so that they become calm and trust his principal, who is a congressman.”

Siyempre, pumalag ang dating Justice Usec, aba pagbintangan kang nanunuhol sa pagbawi ng testimonya sa kasong pagpatay, matinding paratang ito.

Tsismis, pure hearsay raw ito, sabi ni Orceo na sinalungat si Sec. Boying.

Medyo kinantyawan ni Orceo si Sec. Boying na sinabi dapat alam nito bilang isang abogado, na ang ganuong pahayag ay walang silbi, walang bigat sa korte.

“xxx such a statement is devoid of evidentiary weight or probative value” sabi ni Orceo.

Pumalag din si Atty. Danny Villanueva, abogado ng limang suspek, kasi nakapiit sa NBI detention ang mga kliyente niya at mahigpit na nababantayan.

Imposibleng mangyari ang pahayag ni Remulla, sabi ni Villanueva.

Parang hearsay nga yata ang sinabi ni Remulla, kasi sabi niya: “It is not known if the offer was accepted but that’s the report we received.”

Ay, naloko na, hindi nga sigurado kung may alok at may tumanggap ng alok na P8-M suhol.

Kaya pala napapakamot sa ulo si Atty. Topacio na lead counsel ni Teves, kasi raw, kung ano-anong tsismis ang kumakalat, kaya imbes na maging malinaw, lalong lumalabo at gumugulo ang kaso.

“I can only scratch my head whenever the DoJ or the Degamo camp issue statements when there are development to the case that goes against their own narrative that Representative Teves is the mastermind, they blame us,” sabi ni Atty. Topacio.

Nauna nga rito, nasabi ni Topacio na sobrang mahilig sa publisidad ang kababayang justice secretary – na laging may bagong pahayag sa media tungkol sa Degamo murder case.

Sabi ni Atty. Topacio, ang nangyayari ay trial by publicity na, sa paningin ng publiko, e parang may kasalanan nga ang kliyente niyang si Cong. Teves.

Korte, matapos ang hearing ang magsasabi kung guilty ba o innocent ang kliyente niya at ang mga suspek, “saka, sa ating batas, the accused is presumed innocent until proven otherwise,” sabi ni Topacio.

Pakiusap ni Topacio, ‘wag idaan sa publisidad at kung ano-anong balitang “marites” ang kaso at hayaan ang due process at hukuman ang magpasiya.

Oo nga naman, hayaan na gumulong ang proseso ng batas, at mangyaring mahatulan ang tunay na may-sala at pasiyahan na walang kasalanan ang tunay na inosente.

Sabi nga, due process, ‘wag “marites” ang mangyari sa kaso ni Teves.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post DUE PROCESS, ‘WAG “MARITES” SA KASO NI TEVES appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
DUE PROCESS, ‘WAG “MARITES” SA KASO NI TEVES DUE PROCESS, ‘WAG “MARITES” SA KASO NI TEVES Reviewed by misfitgympal on Hunyo 05, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.