Facebook

GALAWANG TAMBALOSLOS AT BAHALA NA SI BATMAN?

NAALAALA ko, sometime in November 2021, sa isang magarang farmlot sa Cavite, magkabit braso, naglalakad sina dating Senator Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at dating Davao City Mayor Inday Sara Duterte, at aligaga ang media sa pag-cover sa dalawa, hindi sa anak nina Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. at noon ay Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla na ikakasal noon.

Naging viral sa social media, sa print and online media services ang okasyong iyon na tinawag pang “wedding of the century” na nagkatotoo: nabuo ang tambalang Marcos-Duterte na nagpanalo sa kanila bilang presidente at bise presidente ng Pilipinas noong May 2023 national elections.

Kasalang politika na sa unang mga buwan, naging napakatamis, sabi nga kung, sa honeymoon lalo na at ini-appoint ni PBBM si VP Inday Sara na DepEd secretary at lagi nang nakikita sila na masayang nagtutulungan sa lahat ng proyekto ng ating bagong administrasyon.

Pag tinatanong si VP Sara tungkol kay PBBM, laging ang sagot niya ay ang todong suporta sa kanyang kapartner sa politika, at lalo na ang pangulo, lagi niyang ipinagmamalaki sa lahat na kanyang BFF o best friend forever ang kanyang bise presidente.

Dominante nga ngayon ng tambalang BBM-Inday Sara ang politika ng bansa at walang duda, hanggang sa matapos ang termino ni Marcos, ang paniniwala ng marami, kung pagbabatayan ang resulta ng maraming social and political survey, si PBBM ay makatatawid nang mahusay sa 2028 at si VP Inday na nga ang susunod na pangulo sa susunod na presidential race.

Pero lately, sabi ng mga political scientists, opinion makers at maging ng maraming vlogger, bloggers, trolls o anomang tagatalak sa social media, nagkakalamat, unti-unti nang nabibitak ang relasyong BFF nina PBBM-Inday Sara.

Isa kasing Tambaloslos na dinamayan ng iba pang tambaloslos ang lumampas sa guhit at sa takot na makudeta, ay inalis, sinuwag ang ka-BFF ni Inday Sara, si Pampanga Congw. at dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo (PGMA). Ay itong si PGMA, sabi-sabi sa paligid ng Malakanyang ay secret weapon ni PBBM at pinakamalapit na political adviser niya sa kanyang local at foreign trips.

Nag-viral kasi ang maikling cryptic instagram post ni VP Inday sa ambisyosong si Tambaloslos na kay-agang namomolitika, nagkaroon na ng iba-ibang interpretasyon depende kung tatratuhing joke o biro ito o isang pag-alipusta sa isang tao.

Depende sa isang tao kung paano bibigyang pakahulugan ang pagturing sa salitang Tambaloslos na walang tinukoy na pangalan ng kung sinong politiko ang pinatutungkulan.

Pero sa pagkaintindi ng marami, lalo na ang kaalyado ni Speaker Martin Romualdez, first cousin ni PBBM, si Speaker Martin ang pinatutungkulang Tambaloslos ni VP Sara – na kinumpirma ni Cavite Rep. Pidi Barzaga nang purihin si Romualdez na isang tunay na gentleman dahil hindi nagsasalita nang masama laban kay VP Duterte.

Hindi man hayagan, noon mag-birthday si VP Inday Sara, sinabi ni PBBM ‘wag intindihin ng kanyang BFF ang mga intriga sa politika at sila ay mananatiling magkabalikat, magtutulungan sa pagpapatakbo ng gobyerno. ***
Walang aamin, pero ang isyung Tambaloslos ay may bitak na, may sugat na sa relasyong BFF nina VP Inday Sara, lalo na ang pagkontra nito sa request ng US na tanggapin ang US spies at Afghan refugees sa Pilipinas bago nila ma-prosess ang kanilang immigrant status sa Amerika.

Kung humanitarian issue lang, payag si VP Sara pero kakabit dito ay ang internal security ng bansa, dahil kung US spies nga – na inaamin ng US government –, posibleng maging target ang refugees na ito ng makapangyarihang Taliban sa Afghanistan.

Bakit nga naman ang problemang likha ng US ay itatambak sa Pilipinas na hindi na nga makagalaw sa dami ng problema ng kahirapan, inflation, kapos sa pagkain, at iba pa, tapos ay ang umiinit na relasyon ng bansa sa China gawa ng agawan sa West Philippine Sea at ang EDCA sites na may nakaimbak na nuclear armaments ng US na nagsabing handa nitong idepensa ang Taiwan kung sasakupin ng China.

Maiipit sa giyera ang bansa sa away ng US-China na wala tayong pakialam!

Suportado ni Speaker Martin ang pagtanggap sa Afghan spies na kinokontra ni VP Sara, at ni Ate Sen. Imee Marcos ni PBBM. Lantad ang pagiging sobrang mag-BFF nina VP Sara at Ate Imee at ni PGMA, at maliwanag may banggaan na, may umiinit na away politika.

Kakampi raw ni PBBM si Tambaloslos na lantarang enemy ni VP Sara, lalo na ngayon na hindi pa man, marami nang trols, social media influencers, vlogger, bloggers ang pinaiinit ang isyu upang sa ngayon pa lang, umasim at maging mapakla ang sweetness nina PBBM at VP Sara.

Malayo pa ang 2028, pero kumakarera na ang mga ambisyosong nais magpasiklab sa susunod na eleksiyong presidensiyal, at makikita ang pagkilos nila sa 2025 midterm elections ng mga opisyal ng LGU, House at Senado.

Nililigalig na sa upuan si Senate President Migz Zubiri sa marites na kudeta sa Senado at tahimik na rin daw ang tropang ayaw sa Tambaloslos para magpalitan ng liderato sa Kamara.

Mangyari kaya ang nangyari kay Rep. Pantaleon Alvarez na sinibak na Speaker na napalitan ni PGMA na ayon sa mga balita ay si Mayor Inday noon ang nagmaniobra, kasama si dating Pres. Digong Duterte?

Kung bakit naman ang problema ng mga tagasunod o kaaway ng mga Tambaloslos ang iniintindi ng gobyerno ngayon at hindi harapin ang sobrang taas ng singil sa tubig – patak-patak kung tumulo sa gripo –; kukurap o kukurap-kurap na lakas ng koryente na dinadaya ang consumer sa mataas na singil at ang superkupad na internet services na kamal-kamal na pinagtubuan ng mga oligarkong Pinoy sa lahi pero dayuhang mandarambong at taksil sa bayan.

Ito, sabi ng marami nating kababayan ang dapat intindihin at hindi ang isyung Tambaloslos, at ang kantyaw na presyo lang ng sibuyas at bigas ay hindi masolusyonan, paano pa ang banta sa seguridad ng awayang China-US sa problema ng Taiwan at ang wari ay sunod-sunurang galaw sa kumpas ni Uncle Sam sa mga nasa poder ng militar at ng Malakanyang.

Galawang Tambaloslos ba ang primerang isyu natin ngayon, o bahala na si Batman sa buhay ni Mang Juan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post GALAWANG TAMBALOSLOS AT BAHALA NA SI BATMAN? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
GALAWANG TAMBALOSLOS AT BAHALA NA SI BATMAN? GALAWANG TAMBALOSLOS  AT BAHALA NA SI BATMAN? Reviewed by misfitgympal on Hunyo 28, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.