Facebook

LUTONG BAHAY

Marami sa kaugaliang Pinoy ang ‘di na mapapansin sa gawi ng kabataan sa kasalukuyang panahon. Hindi na mabili ang mga pistang pambarangay na makikita ang mga handaan sa bahay – bahay para sa mga dayong naimbitahan na pumunta sa bahay ng may kapistahan. Ang pagiimbita’y tunay na ikinagagalak ng naimbitahan sa ngalan ng pagkakaibigan. Ngunit ang pinaka ibig ipaabot dito’y ang pagbabahagi ng kasaganaan na tinatanggap sa buhay na dulot ng patron na pinaniniwalaan na nagbibigay kasaganaan. Sa totoo lang, isang araw bago pa man ang araw ng kapistahan silip na ang peste sa mga alagang hayop ‘di dahil sa sakit sa halip ito’y alay o handa sa gaganaping kapistahan. Walang hindi abala bago at ang takdang araw ng kapistahan ng patron ng lugar. Nagtutulong tulong sa paghihiwa ang mga kamag-anak na sadyang dumayo upang makatulong sa pagluluto ng mga handang ihahain sa araw ng fiesta. At sina Nanay ang siyang babalikat sa pagluluto ng mga inihahanda o ihahain sa mga bisita sa kinabukasan. At matitikmang mga ulam o pagkain na bihirang makita sa pang-araw-araw na kainin ng pamilya ang masasabing ” specialty” ni Nanay.

Halos napawi na ang kaugalian at bihira na ang pistang may handaan lalo sa lugar na kinubkob ng pagbabago. Ang fiesta sa mga lugar na kilala sa paghahanda’y nauwi na lang sa prusisyon ng mga santo at misa sa simbahan. Hindi na matitikman ang handa na lutong bahay ni Nanay dahil sa hirap ng buhay at mahal ng mga bilihin. Hindi na mamamalas ang paghahanda at pag-alok sa mga dayo na ibig pakainin kahit ‘di kakilala. At may hilahan pa sa dumadaan sa tapat ng bahay upang ipakain ang lutong bahay ni Nanay, napakasaya. Dahil sa hirap ng buhay at mahal ng bilihin nakalimutan na ang kaugalian. At ang pagsusumikap sa buhay siyang ginagawa ng mga anak ni Nanay ng may makain sa kinabukasan. Ngunit nariyan pa ba ang luto ni Nanay?

Payak ang sagot sa katanungan, wala na. Sa pag-pasok ng makabagong teknolohiya tumaas ang pangangailangan sa bahay at kailangan ang mabilis na tugon upang mapaghandaan ang makakain ng mga anak na galing sa eskwela, asawang galing sa opisina. Hindi pa binabangit ang mga working mother’s na katuwang sa pagpuno ng pangangailangan ng pamilya. At kapansin pansin na ang pagluluto’y sumunod sa gawi ng tao na kailangan na mabilis na maihahain sa nagugutom na mga mahal sa buhay. Isang halimbawa, hindi na uso ang mga pagluluto ng sinigang na kailangan ng sampalok o kamias. Ok na gamitin ang instant paasim dahil mahalaga ang bawat minuto lalo sa oras ‘ de peligro na gutom na at ‘di maipinta ang mukha ng mga kakain.

Sa pagsunod ng tao sa paglago ng teknolohiya marami ang nawalang kaugalian na nais balikan ng mga henerasyon ng GenX, sa dahilang ito ang kinalakihan. Ang pagkain ng lutong bahay na handa ni Nanay ang isa sa mga lumisan na hinahanap ng GenX. Kahit ibig ibalik hindi na makayanang magawa dahil sa kaabalahan sa maraming gawain. Ang pagluluto’y ‘di na ang una sa gawaing bahay dahil maraming paraan na magagawa upang kumain ang mag-anak sa oras na ibig.

Mamamalas ang usaping ito sa halos lahat ng antas ng kabuhayan sa lipunan. Sa pag silip sa ilang mga gawi halimbawa ang mga nasa mataas na uri, nariyan na kumukuha ito ng chef o cook na nagluluto ng ibig kainin ng pamilya. Hindi usapin kung paano niluto, ang maihain ang ibig sa takdang oras ang dapat. Totoo ba ito sa mga alta? Hihintayin ang sagot ng maituwid ang pahayag. Samantala sa gitnang uri, nariyan ang mga gawi na mag-uusap o mag test upang magkita at kumain. Alang panahon sa pagluluto ngunit nagagawang kumain at malalasap ang init ng kanin sa oras na nais. O kung hindi kakain sa labas, sa bahay nagpapahatid ng mga lutong pagkain na ihahain pa ng kasambahay para kainin. O’ di ba nawala ang kaugaliang sana’y pinanatili na ginapi ng kaunlaran. Sa huli, ang mga nasa laylayan, silip na mas mura ang kumain ng lutong pagkain na mabibili sa karinderya ng kapit bahay sa halip na magluto si nanay. Sa mahal ng bilihin nag shortcut na ang maraming pamilya tila inalis ang oras sa pagluluto. Kung magagawa naman kumain sa takdang oras at mas makakatipid, bakit hindi gagawin?

Ang pagsabay sa pag-unlad ng kamunduhan ang ‘di nakita ng GenZ ang kaugalian na sana’y napanatili. Ang hindi natikman na kainin ng mga magulang ng kasalukuyang mga kabataan ang masasabing unti-unting nabubura sa nakaraan. Hindi sinabing mali ngunit tunay na kulang ito higit sa pagdadala sa buhay sa kinabukasan. Tumaas ang kalidad ng kaalaman ng mga kabataan sa ngayon ngunit ‘di masasabing napag-iiwanan ang tulad ni Aling Marya na patuloy na nagsisikap na ipatikim sa anak ang kasarapan ng lutong bahay. Hindi hahayaan na walang masarap na makakain ang mga anak at apo hanggang nabubuhay ito.

Ang pagdami ng uri ng kainan sa mundo’y patunay na sagot sa lumulobong populasyon ng sangkatauhan. Ang mabilisang paghahanda ng mga kakanin ang paraan upang masagot ang mabilisang pangangailangan ng mga tao. Hindi usapin kung saan o sino ang nagluto ng kakainin, ang usapi’y mayroon bang maisusubo sa takdang oras. Ang pagdami ng tao sa mundo ang nagdikta ng pangangailangan ng mga instant na pagkain. Mabilis na pagkain sa mabilis na galaw sa mundo ng teknolohiya ang sagot na tinapat ng tao.

Ngunit huwag alisin higit sa lahing Pinoy ang pinagmulang kaugalian higit ito’y alay ng inang madalas na nagsasakripisyo ng oras ng may ipatikim na lutong bahay. Sana’y ipagpatuloy ang pagsasalo-salo sa piging dahil dito nagkakaroon ng palitan ng mga ideya at bidahan sa mga bagay bagay ang magulang at mga anak. Mahalaga ang oras na ginugugol sa hapag ng pagkain higit sa palitan ng mga mahahalagang kaganapan sa buhay ng bawat miyembro ng pamilya. Ang maibahagi ang mga kagalingan ng anak sa magulang ay ‘di pang Facebook sa halip sa piging na malayang naibabahagi ang kagalingan ng bawat kapamilya. At habang hinihigop ang sabaw na luto ni Nanay, masasabing masarap ang lutong bahay.

Maraming Salamat po!!!

The post LUTONG BAHAY appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
LUTONG BAHAY LUTONG BAHAY Reviewed by misfitgympal on Hunyo 20, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.