Facebook

Bong Go: Pagkuha sa lagpak na nars darami ang may trabaho

MANILA, Philippines – Pabor si Senador Christopher “Bong” Go sa panukala ng Department of Health na gamitin ang nursing graduates na “lumagpak” sa Philippine Nursing Licensure Exam o nakakuha ng 70 hanggang 74%, bilang karagdagang workforce sa healthcare system.

Bagama’t hindi nakapasa sa pagsusulit, naniniwala si Go na ang pagbibigay sa kanila ng pansamantalang lisensya ay magpapalakas sa workforce sa healthcare system at lilikha ng maraming trabaho.

Bukod dito, sinabi ni Go na darami rin ang pwedeng rumesponde sa pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino kung kukuhanin ang serbisyo ng mga nasabing nars.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Go na dapat maging maingat na pagsasaalang-alang sa panukala dahil buhay ng mga pasyente ang nakataya.

Naniniwala siya na ang mga gawaing ibibigay sa mga hindi pa lisensyadong nars ay dapat angkop sa kanilang mga kakayahan o kaalaman, at hindi katumbas ng responsibilidad ng mga ganap na lisensyadong nars.

“Para sa akin, ang mga tungkulin na ibibigay sa kanila ay angkop lang sa kanilang kakayahan at kaalaman, at hindi pantay sa mga tunay na licensed nurses,” sabi ni Go.

Hinimok ng senador ang Department of Health na masusing pag-aralan ang panukala na isinasaalang-alang ang mga umiiral na batas at regulasyon na nagtataguyod ng propesyonal na pamantayan sa pangangalaga sa buhay, kaligtasan, at kagalingan ng mga tao.

Maalalang iminungkahi ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na kuhanin bilang supplementary workforce sa healthcare system ang nursing graduates na nagkamit lang ng rating na 70 hanggang 74% sa Nursing Licensure Exam.

Ani Herbosa, si Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma ang nag-endorso ng panukala sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa Professional Regulation Commission hinggil sa pagbibigay ng pansamantalang lisensya sa mga nars na ito.

Nilinaw ni Herbosa na ang mga hindi lisensyadong nars ay bibigyan ng limitadong responsibilidad sa mga health facility ng gobyerno para na rin sa kaligtasan at kagalingan ng mga pasyente.

Para kay Sen. Go, ang hakbang ay isang praktikal na pansamantalang solusyon upang matugunan ang mga pangangailangan sa kalusugan ng bansa.

Bilang tagapangulo ng komite sa kalusugan sa Senado, nais ni Go na pahusayin ang medikal na edukasyon sa bansa upang matiyak ang sapat na bilang ng mga kwalipikadong propesyonal sa healthcare.

The post Bong Go: Pagkuha sa ‘lagpak’ na nars, darami ang may trabaho appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Pagkuha sa lagpak na nars darami ang may trabaho Bong Go: Pagkuha sa lagpak na nars darami ang may trabaho Reviewed by misfitgympal on Hunyo 21, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.