WALA nang makahahadlang pa sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) dahil naglabas na ang Korte Suprema na labag sa ating Saligang Batas ang pagpapaliban ng nagsabing halalan noong Dec.5, 2022 at gawin ito sa darating na huling Lunes ng buwan ng October.
Dineklara man na labag sa batas ang pagpapaliban ng halalan, di man pinipigilan ng Supreme Court ang pagdaraos nito sa October 30 ng taon kasalukuyan.
Ano ba ang mga naging dahilan bakit lagi na lamang nababalam kung halalang pang-barangay ang pag-uusapan? Kung mapapansin niyo, pagkatapos ng pambansang halalan o kaya naman ay ang tinatawag na mid-term elections, nasusundan ito ng pagsasabatas na ipagpaliban ang susunod na BSK elections.
Ito ang nagbunsod ng pagsasampa ng petisyon ng mga batikang mga ‘election lawyers’ gaya nila Atty. Romulo Macalintal, Albert Hidalgo, Frances May Realino atbp. na kumekwestion sa Republic Act 11935, na kilala bilang “Act Postponing the December 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.”
Dangan kasi, lagi na lamang nasususpinde ang pagdaraos ng BSK elections. Kaya maging ang mga mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ay naglabas na ng kanilang desisyon ayon sa sinasaad ng Saligang Batas.
Sa ganang akin, iisa lang ang dahilan nito. Nakikinabang ang ating mga mambabatas sa diskarteng ito. Bakit o’ paano ka ninyo?
Tuwing eleksiyon, ipinangangako ng magagaling nating mga diputado sa Kongreso at Senado, sa ating mga barangay officials na isusulong nila ang pagpapaliban ng BSK elections, para mapahaba ang termino ng mga opisyales ng barangay. Siyempre ikatutuwa ito ng mga naninilbihan sa barangay, kapalit ng kanilang pagsuporta naman sa mambabatas na nangakong isusulong ang postponement ng BSK elections.
Oh di ba! Give and take, ika nga. Ito ay kahit labag na pala sa Konstitusyon, gaya ng desisyong inilabas ng Supreme Court.
Sa SC decision na pinonente ni Associate Justice Antonio Kho Jr., ang paggamit ng karapatang mamili ng mga mamumuno sa atin, ay ginagarantiya ng Konstitusyon, na dapat ay idinadaos ng regular at di mababalam ng mahabang panahon. Maging ang Commission on Elections, ang sabi sa SC decision, ayon sa Saligang Batas, ay walang kapangyarihan na ipagpaliban ito.
Binigyan nga raw din ng Constitution ang Kongreso ng kapangyarihan na itakda ang termino ng mga maninilbihang naibotong mga kandidato.
Yun lang at wala ng iba pang isinasaad ang Saligang Batas hinggil sa pagliliban ng BSK elections, maliban na lamang sa mga di inaasahang pagkakataon.
So ang talaga palang dahilan ng pagpapaliban ng BSK elections ay para lamang pakinabangang ng mga mambabatas na nagnamais maboto o’ mabotong uli at para mapanatili pa ang mga barangay officials sa kanilang mga posisyon sa mas mahaba pang panahon.
Malaki ngang kalokohan ang nasa likod ng postponement ng BSK elections.
The post TULOY NA TULOY NA ANG BARANGAY AT SK ELECTIONS appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: