MAGANDA ang naibalita nitong ni Sulu Governor Abdusakur Tan nitong nagdaang linggo na idineklara na raw ng Municipal Task Force in Ending Local Armed Conflict na ang munisipalidad ng Maimbung sa Sulu province ay ‘Abu Sayyaf Group-free’ na, at handa nang bigyan daan ang mga ‘social infrastructure development’.
Ginawa ang pagbabalita ni Governor Tan sa Matatal Gymnasium sa Barangay Matatal ng Maimbung kung saan pinasinayaan pa ang isang marker para dito. Sabi pa nga ni Maimbung Mayor Hja Shihla Tan-Hayudini mahalaga ang pagaanunsiyo na malaya na ang kanilang munisipyo sa mga kuko ng Abu Sayyaf dahil sa haba ng panahon na kanilang ginugol para makamtan ang kapayapaan.
Sa mahabang panahon naging bihag ang kanilang lugar ng mga armadong bandidong mga ito.
Si mayor, na siya ring chairman ng MTF-ELAC ay naghayag na muli nilang nakuha ang tatak ng mga tags-Sulu na sila ay mga ‘peace-loving Bangsa Sug’ na sinira ng mga ASG.
Si governor naman, na siya ring chairman ng Provincial Task Force to End Local Armed Conflict at Maj. Gen. Ignatius N. Patrimonio, commander ng 11th Infantry “Alakdan” Division, ay parehong nagalak sa ibinunga ng kanilang pinag-laban para sa kapayapaan ng kanilang lugar.
Sa tulong ng NTF-ELCAC at ng Local Government Unit, maging ng ating mga security forces gaya ng 11th Infantry ‘Alakdan’ Division, at siyempre pati na ng mga residents, napag-tagumpayan muli na manaig ang kapayapaan sa probinsiya.
Malaking bagay talaga ang pagsa-sama-sama laban sa kasamaan. Ang pagtutulungan para mapanatili ang kapayapaan ay katumbas nito. Kung talagang nais natin makamtan ang kapayapaan ng ating lugar, mabisang paraan ang sama-samang pagkilos.
At kung sama-sama rin tayo sa pagbabantay para mapanatili ang kapayapaan, kasunod nito ang kaunlaran. Magagawa nating mapaunlad ang mga pamayanan sa pamamagitan ng mga proyektong inilatag ng NTF-ELCAC at ng pamahalaan para sa Sulu.
Saan mang panig ng Pinas, kapag sama-sama ang mamamayan laban sa kasamaan at karahasan, ang kapayapaan at kaunlaran ay talaga namang mararamdaman.
The post WALA NG SAYYAF SA MAIMBUNG appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: