Facebook

FILIPINO PRIDE

SA larangan ng paligsahan nakaranas tayo ng “double luck.” Sa larangan ng futbol, sa kauna-unahang pagkakataon sa FIFA-World Cup, nanalo ang koponan ng “Malditas” kung saan ang header goal mula kay Sarina Bolden ang tumapos sa koponan ng New Zealand na makaharbat ng panalo. Ang pagkapanalo ng Malditas ay ubod ng makasaysayan dahil wala pang koponan ng Pilipinas, maging lalaki o babae, ang nag kwalipikado para maglaro sa World Cup. Mas naging makasaysayan ito dahil si Sarina Bolden ay baguhan sa koponan ng Pilipinas.

Isa pang pinagpipitagan ay ang panalo ng Philippine Women’s softball team. Nagulantang ang host nation Italy nang talunin ito ng Blu-Girls. Sa kasawiang-palad hindi pinalad ang Blu-Girls at tinalo din sila kalaunan ng Italia sa 17th Women’s Softball World Cup kung saan hindi umabot sa susunod na round ang Blu Girls at natalo sa loob ng pitong innings sa kanilang playoff match para sa pangatlong posisyon sa Group C. Para sa inyong lingkod ito ay masasabing tagumpay na nag angat ng estado natin sa larangan ng paligsahang pandaigdig. Gayunpaman, ito ay nakakadagdag sa ating Filipino Pride. Nakalulungkot isipin na sa halip na magbunyi, merong iilan sa ating kababayan ang kinukwestyon ang pagiging Pilipino ng mga atleta, lalo na ang mga Malditas.

Eto lang ang sapantaha ng inyong abang lingkod: Hangga’t nakikipagtimpalak sila sa ilalim ng ating watawat, at tumatayo sila sa pagtugtog Lupang Hinirang, maging itim man o anumang kulay ang buhok at balat nila, sila ay tinagurian kong kababayan natin. At sa mga talipandas na hindi sumasang-ayon pasensyahan tayo. Daig niyo pa ang bilasang isda sa pang-amoy ko. Mabuti pa ituloy ninyo ang natutumba-tumba at manahimik na lang kayo. Sa panahon na nangangailangan ng mga bagay na positibo sa ating bayan, walang mahuhugot na pakikinabangan sa opinyon ninyo.

***

“They dress with all the fineries of elves for the speech but they are all Orcs inside!..” Ito ang obserbasyon ni Prof. Cesar Polvorosa Jr., isang guro, kritiko at netizen sa naganap na State Of The Nation Address kung saan kasama ang mga kasapi ng Kongreso. Palusutin na ng inyong abang lingkod ang nasaksihang palabas ng mga mambabatas, kung saan idinispley nila ang kanilang sarili para sa media at lahat ng interesadong manood ng kaganapan sa SONA. Ang ilan sa mambabatas suot ang kanilang baro ay masasabi kong angkop sa posisyon na taglay nila. Ngunit ang iba, pasensya na po, hindi ko talaga maatim. Mabuti sana kung cosplayer sila pero nagmukha silang katawanan.

Ang bise-presidente Sara Duterte, magmistulang manghuhula, o kaya si Valentina na nakatago mga ahas sa loob ng putong. At si Imee Marco, mahabaging Kabunian. Hindi ko malaman kung mambabatok ito o mambubudol. Palalampasin ko na sana ang sir kong nasaksihan kung may laman ang aktuwal na SONA. Didiretsuhin ko po kayo. Nawala ang interes at respeto ko matapos nasaksihan ng inyong abang lingkod ang SONA. Wala itong laman at walang mapulot na sustansyang mag-uudyok ng pag-usad o progreso para sa Bayan. Sa maikli, wala itong saysay. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.

***

Mga Harbat Sa Lambat: “NAGTAKA si Tobats kung bakit nadamay si SWOH… Hindi ba sya nagtaka kay SWOH kung bakit tahimik sya nung kasagsagan ng patayan?…” – Bobot Fradejas, peryodista, netizen

“Leave of absence si Paul Soriano until further notice. Maybe because manganganak ang asawa. Pero yong “until further notice” abusado ang dating for me. Dapat fixed yan kung ang reason ay panganganak ng asawa. Kasi masyadong disruptive sa work ang leave na indefinite ang balik. Might as well resign na lang…”- Dato Dumagat, tagagawa ng patalastas, kritiko, netisen

“Congrats to Pinays in softball and football for victories in the global arena! Pinay athletes bring honor to the nation…” – Prof. Cesar Polvorosa Jr, guro, kritiko, netizen

“You know you’re getting old when the candles cost more than the cake…” – Bob Hope, komedyante

***

JokTaym na nenok kay Anna Margarita Villena, netizen:

DAD : Ilang araw ka wala?…

ME : Thursday hanggang Monday. Mga 5 days…

DAD : Tagal naman. Di na ako sanay ng hindi kita nakikita…

ME : May picture naman ako sa sala, yon nalang tingnan mo…

DAD : Ayoko nga, maganda ka dun eh. Hindi ikaw…

(Sabay lapit) Hoy, magka mukha kaya tayo

kaya hinay hinay sa pamba-bash…

***

JokTaym (reloaded) mula sa nilalang na itatago lamang natin sa pangalang Elmer Mesina:

ANAK: Ma!!!… Si Papa nakapila dito sa Megamol, kaakbay yung chicks niya!…

NANAY: (Galit)Ano hitsura ng babae?…

ANAK: Ampangit! Kahit sa malayo… Nasaan ka

ba?…

NANAY: ANDITO SA MEGAMOL KAAKBAY ANG

PAPA MO!!!

***

Nabasa ko lang: “Sa Darating na Eleksyon kapag ako Naging Kagawad Humihingi ka pa lang ng Malunggay Nakahimay na kagad yan…”

***

Wika-Alamin: PAKLAY- salitang Bisaya. Sa wikang Tagalog, ito ay bopis. Sa wikang Bikol naman ito ay kandingga.

***

mackoyv@gmail.com

The post FILIPINO PRIDE appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
FILIPINO PRIDE FILIPINO PRIDE Reviewed by misfitgympal on Hulyo 29, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.