MARAMING taon ang gugulin upang marating ang tamang panahon at masabing hinog na para sa malawak na mundo. Sagad sa paghahanda ang ginagawa upang mapabuti ang buhay sa kinabukasan at masabing mapalad. Ang pagsusunog ng kilay ang karaniwang kasabihan sa paghahanda sa kinabukasan na ‘di gawa ng bata. Ang sa kanila’y laro na siyang mundo na ginagalawan ngunit lingid sa ating kaalaman puno ito ng aral na kapupulutan ng mga bata. Maaaring iba ang dating sa tulad natin ang kilos ng mga bata dahil sa pagtutok sa mahahalagang bagay, tulad ng paghahanap buhay. Sa totoo lang, minsa’y kina-iiritahan ang galaw ng bata o dahil walang saysay ito sa tulad natin na magkaiba ang pananaw sa mundo. Nariyan na madalas itong sinasaway na akala’y walang gamit sa buhay maging sa kinabukasan. Tama ba ang kilos na ito o sadyang ‘di batid ang mundo ng mga bata.
Maliit ang karanasan sa pag-aaral hinggil sa bata subalit sa galaw nito napansin ang paulit ulit na ginagawa sa bagay na kaibigan. Sa pa-ulit ulit na gawa tila na kasanayan at masasabing napeperpekto at nagiging karaniwan nang gawain. Sa pag-aaral ni Piaget na isang sikolohista, sinabi nito na ang bata’y isang bakanteng pisara o isang tabularasa na kung ano ang natutunan siya ang mababasa o makikita. Ang ugali linang sa mga taong nakakasalamuha na sa paglaki’y o pagtanda ang naging dominanteng kilos at pag-uugali. Ang iginuhit ng lugar na kinalakihan ang siyang makikita sa kilos o pag-uugali ng dating bata. Kung magkaroon ng kaibahan ito’y mula sa nakasalamuha higit sa mga nakalaro. Maganda o pangit ang napulot kailangan malinang o maalis sa punto ng pakinabang sa kinabukasan.
Sa ‘di inaasahang pagkakataon, nahikayat na sumama sa isang paglalakbay sa malayong lugar sa layuning luwagan ang ulong naninikip. Hindi ninais ngunit maganda ang naging bunga ng paglalakbay sa pagtuon sa kung saan namalas ang kilos ng mga batang giliw na giliw sa ginawang paglalakbay patungo sa destinasyon na hindi iba sa aming patutunguhan. Nariyan na kahit hindi naiintindihan ang sinasabi mabasa sa kilos ang pagkagiliw sa pupuntahan lugar at ibig mapabilis ang takbo ng sasakyan na pagtungo sa lugar na mapapanood ang mga cartoon characters. Ang kasabikan na makita at makasakay sa mga sakayan na pambata ang pakay ng mga magulang na gumastos upang mapasaya ang kani-kanilang mga anak.
Sa pagsakay ng tren na patungo sa destinasyon, hindi makikita ang karaniwang asal ng mga bata na pasaway sa halip naroon ang kasabikan at masasabing kung pwede liparin patungo sa pupuntahan ay gagawin. Marami sa mga nakasabay ang may suot higit ang mga batang babae ng tila costume sa patutunguhan na mala encantadia ang dating. Di masukat ang ngiti sa labi ng mga bata na wari’y pumapasok sa mundong ginagalawan. Walang hindi masaya sa patutunguhan maging ang mga magulang ng mga bata, na naglaan ng panahon upang mapasaya ang mga anak.
Sa pagdating sa destinasyon, napansin ang malaking arko kung saan mababasa ang katagang Hong Kong Disneyland. Minsan nang narating ang lugar subalit ang pagkakaroon sa kagalakan ng mga bata ang nagbigay kulay sa muling pagdalaw. At kagyat na nagtungo sa titigilang Hotel na tulad sa paglalakbay naroon ang maraming bata na masaya at naghihintay na matapos ang pagtatala upang magtungo sa lugar na makikita ang mga Disney Character.
Tunay na iba ang mundo ng mga bata na ‘di kailangan sabihin ang nadarama ngunit mababasa sa kilos na malakas na boses ng kasiyahan. Walang umiiyak dahil sa bawat sulok ng tinigilang hotel tila naroon sila sa lugar ng mga bida, ang mga cartoon character. Masaya ang bawat bata na tanaw sa mata, mukha, kilos maging sa kasuotang tugma sa lugar na tinigilan. Masarap panoorin ang saya ng mga bata at sana, ito ang mundo ng lahat ng bata. Mundo na ang lahat ng ibig ng bata’y abot kamay at malayang na natatamasa sa anumang pagkakataon. Ngunit ang mundong napagmasda’y sa iilan lamang sa maraming bata. Ang saya sa lugar na tinungo ang dapat na mundo para sa lahat ng bata ngunit ito’y pangarap lamang sa nakakarami.
Tanggapin ang katotohanan na ang patunguhan lugar ay para sa iilan lang na may pribilehiyo sa buhay. Ngunit sa napakaraming bata nariyan ang mundo ng kalye na bitbit ang panindang bulaklak na iniaalok sa mga tumitigil na mga sasakyan. Nariyan ang mga bata na nakikipatintero sa sasakyan hawak ang lata na umaamot ng konting barya para may makain. Nariyan ang mga batang bugbog sarado sa magulang kung walang maiuuwing pambili ng pagkain, at pipiliin ang humiga sa tabing kalsada sa halip na umuwi ng bahay. Masakit sa mata ang mamalas ang mundo batang kapos sa lahat. Ngunit mas masakit sa puso na malaman na ‘di marunong bumasa o bumilang ngunit sanay sa kwentahan kung pera ang usapan.
Nasa magkabilang mundo ngunit parehong may pitik sa puso ang kalagayan ng mga bata lalo’t Karapatan ang usapan. Hindi karapatan na magtinda ang mga bata sa lansangan ngunit ang kalagayan ng mga pamilya higit ang kabuhayan ang nagtutulak dito na lumiban sa pag-aaral at unahin ang lalamanin ng tiyan. Walang maayos na programa para sa mga bata higit hinuhubog ito sa wangis ng ina o ama. Maging ang pamahalaan, silip sa programa ng DepEd sa ipinapasok na programa upang maging sundalo ang mga bata’t kabataan. At walang lugar na masasabi sa pagpapasya para sa sarili dahil bata. Ang mga nasa posisyon ang magsasabi ng mabuti para sa bata ngunit walang pagtatasa sa nais at kakayahang gawin.
Sa magkabilang mundo ng bata, umaasa na ang masaya at mabuting karanasan ang iiral sa buhay ng bawat bata sa mundo. Pangarap na walang lugar na marahas na titigilan ang bawat bata at ang buhay ang may ginhawa ay maging Karapatan. Ang laging karga sa mga halalan ang maging tunay na programa para sa lahat ng bata at ‘di na kailangan ang maglakbay sa malayong lugar upang madanas ang saya ng Disney. Ang maging masaya ang lahat ng bata at ilayo sa kapahamakan ang siyang pangarap na mundo ng mga bata.
Maraming Salamat po!!!
The post MUNDO NG BATA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: