Ni ROMMEL GONZALES
NAKAUSAP namin nang personal ang isang source na malapit sa kontrobersyal na vlogger at influencer na si Pambansang Kolokoy o PK.
“Family friend po,” umpisang pakilala sa amin ng aming source tungkol sa pagkakaugnay nila ng sikat ni Pambansang Kolokoy.
Bakit siya ang pinagsasalita ni PK?
“Actually si PK, we call him PK, ay mahiyain talaga siya, hindi siya talaga… simpleng tao lang siya, hindi siya… kumbaga yung sa vlog, vlog yun.
“So medyo hindi siya makapagsalita, makapag-express ng ano niya.”
Isa sa mga maling akusasyon laban sa kanya na nilinaw ni PK ay ang tungkol sa pangangaliwa umano ni PK at pagkakaroon ng relasyon sa komedyanang si Gladys Guevarra na naka-based na rin ngayon sa Amerika.
Taliwas sa akala ng marami, hindi si Gladys ang tunay na karelasyon ni PK.
“May istorya po diyan, hindi talaga sila. Kasi yung bestfriend ni PK iyon po yung talagang karelasyon ni Gladys.”
Bakit ang napabalita ay sina PK at Gladys ang magkarelasyon?
“Alam niyo naman po sa Amerika, di ba super-close ang mga Pinoy doon, so parang sinakyan na lang nila, nag-vlog-vlog sila kunwari, parang ganun, at tsaka tulong na rin kay Gladys kasi, you know para pag-usapan.”
Collaboration lamang sa vlog ang namagitan kina PK at Gladys at hindi totoong may relasyon.
“Hindi po totoo.”
Samantala, sa vlog ni Ogie Diaz kung saan nagpainterbyu si PK nang mabilisang nagbakasyon sa Pilipinas nitong Hunyo ay isiniwalat ni Pambansang Kolokoy ang tungkol sa sitwasyon sa pagitan ng dati niyang asawa at mga magulang ni PK.
“Pinakamasakit sa lahat yung hindi ko nakasama at nakausap ang mga magulang ko dahil kay Grace, ayaw niya.
“Sinunod ko siya dahil mahal ko siya. Pati ang mga anak ko, hindi kilala ang mga lolo at lola nila.”
Hindi raw kasi pinapayagan ni Grace si PK na makipagkita sa mga magulang niya pati na ang kanilang dalawang anak na lalaki.
Sa pakiramdam ni PK, malaki ang hinanakit ni Grace sa magulang niya dahil tutol ang mga ito kay Grace dahil may asawa na at anak nang magkaroon sila ng relasyon.
Labis daw dinamdam ito ni Grace na kahit nakapagtapos na ito ng doctorate sa Nursing ay hindi pa rin nawala ang hinanakit nito sa mga magulang ni PK.
“Ang dahilan lang naman kaya nagkaroon ng misunderstanding is dahil may anak siya sa unang husband niya. Alam mo naman ang mga matanda sa una, medyo off sa kanila.
“Pero lahat ng gusto niya sinunod ko kasi nga mahal ko siya.”
Wala raw katotohanan na nambabae si PK.
“Sirang-sira ako sa mga tao na hindi naman totoo. Si Grace lang ang nagsabi nun. Pati yung may babae daw ako, hindi totoo yun. “Yung sa amin ni Gladys, nag-collab lang kami. Iyon lang yun. Marami daw akong babae, babaero daw ako, not true.
“Nung naghiwalay kami, saka lang ako nagkaroon ng relasyon, noong matagal na kaming divorced ni Grace.
“May anak na kami ng asawa ko ngayon. Okay na rin kami ng parents ko. Kasama ko na sila at nakakasama ko anumang oras.
“May mga edad na sila kaya gusto ko silang makasama. Yung mga anak ko hindi ko rin nakakasama kasi nasa States sila pero constant ang communication namin. Mahal na mahal ko ang mga anak ko at alam nila yun.”
Ayon pa rin sa rebelasyon ni PK…
“There was a time na pinabalik ako ng present wife ko kay Grace para sa mga bata, nagpaubaya siya. Bumalik naman ako pero may nadiskubre ako pagbalik ko. Nabasa ko accidentally message ni Grace sa friend nya. Sabi nya, ‘Look at this ass____ he came back! I told you he can’t stand by himself. He still needs me!’
“So doon ko na talaga napatunayan na talagang wala na.”
Sa ngayon ay masaya na si PK, nakakasama na niya ang mga magulang niya kapag nasa Pilipinas siya at nangakong hindi naman niya pababayaan ang mga anak niya hanggang paglaki. Kaya naman nagsalita si PK ay para ipagtanggol ang sarili nya laban sa mga netizen na nag-judge sa kanya at dahil sa mga maling akusasyon laban sa kanya.
The post PAMBANSANG KOLOKOY AT GLADYS GUEVARRA, FAKE NEWS ANG RELASYON appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: