UULITIN ng inyong abang lingkod, dapat parusang kamatayan ang iparusa sa human trafficking, online sex exploitation ng mga bata at menor de edad.
Batay sa RA 1193, life imprisonment ang pinakamabigat na parusa, at P500K hanggang P10-milyon ang penalty sa convicted trafficker.
Opinyon ko lang po ito mga masugid kong tagasubaybay, sana ay i-consider ng ating mambabatas, kasi ang isang biktima, halimbawa isang 15-anyos na batang babae na bukod sa inaalila na ay pinagsasamantalahan pa, ito ay isang continuing crime, paulit-ulit na pagdungis hindi lang sa pisikal na katawan ng biktima, kungdi pati rin sa kaluluwa niya, at ang bawat minutong malabis na pag-aalaala, malaking takot, stress at hinagpis sa mga magulang.
Para sa akin, higit ito sa krimeng pagpatay, paggahasa o iba pang heinous crimes na may mabigat na parusang kulong na habambuhay na walang pag-asang makalaya pa o mabigyan ng parole o executive clemency.
Isipin mo, may anak kang lalaki o babae na mula pagkasanggol — buong timyas na inaruga, minahal nang higit pa sa sarili mo, at lahat ng sakripisyo ay gagawin upang mapalaki lang nang maayos, tapos, dudukutin, aagawin sa iyo, saka gagawing alipin.
Human trafficking is a modern form of slavery!
Kung ikaw ay ama, ina, kapatid o kaanak, gaano ka man kabait at ugaling santo, kung gawing aliping parausan ng laman at alilang-kanin ang anak mo, tiyak kung mahuhuli ang kriminal, nanaisin mong pulbusin pati buto niya.
Kulang pang parusa iyon, pagkat kalunos-lunos ang parusang dinadanas ng isang biktima sa bawat minuto sa kamay ng halimaw na kumain sa kanyang laman at kaluluwa.
Nakalulunos din na may mga magulang na udyok ng gipit na kahirapan, sila pa ang nagtutulak sa kanilang musmos na anak na ibenta ang katawan sa mga pedophile o ibuyangyang ang katawan sa online sex child trafficking.
Kaya, pinupuri natin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang mabibilis na aksyon at sunod-sunod operasyon laban sa utak ng pambubugaw at pagbebenta ng laman sa ilang lugar sa Cavite, Central Luzon, Parañaque, Las Piñas at Quezon City, na kung saan, more or less ay 30 babae ang nailigtas.
Hindi lang tungkulin ng Interagency Council Against Trafficking at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission ang laban, sugpuin at parusahan ang mga human trafficker at promotor ng child prostituion.
Nakahihiya ang Pilipinas na hanggang ngayon ay tinatawag na “haven” ng human traffickers, at ayon sa ulat ng pulisya, talamak at patuloy ang krimeng ito sa mga lugar ng Pasay City, Makati City, Olangapo, Angeles City, Boracay, Puerto Galera, Surigao at sa marami pang lugar sa bansa.
Kahirapan, walang muwang sa batas, kulang na pansin ng awtoridad sa mga reklamo, lalo na kung ang biktima ay galing sa mahihirap na pamilya.
Salamat sa ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na pinalakas niya ang giyera laban sa human traffickers at ang kilos ng Department of Justice (DoJ) na paramihin ang prosekyutor na uusig sa mga kriminal.
Sa totoo, isang global epidemic ang human trafficking, at sa pag-aaral, ito ang isa sa pinakamabilis na sindikato ng krimen sa mundo.
Isang krimen ito na nakatago, pinalihim-lihim sa mga sulok-sulok ng mararangyang bahay, sa mga bahay-kubo na ang anino ng mga biktima na gusto mang ilitaw ang karumaldumal na karanasang sinapit ay napipilitang itago sa malaking takot, malabis na pagkapahiya sa sarili, at sa paniniwalang walang mangyayari, magreklamo man dahil sa walang ikakayang itustos na salapi sa mataga, mabagal na proseso ng pag-uusig sa ating bansa.
Mungkahi natin: sana lumikha ng isang espesyal na korte na ang atas ay mabilis na pag-uusig sa loob lamang ng hindi lalagpas sa anim na buwan.
Justice delayed is justice denied, sabi nga natin.
***
Isa pang problema, may tingin na ang tao ay isang uri ng kalakal — isang uri ng produktong maibebenta at mapakikinabangan.
May maskara ang mga human trafficker: pwedeng siya ay kapitbahay, sariling kapamilya, kaibigan, kakilala, malaking tao sa lipunan, o isang iginagalang na miyembro at mataas na tao sa komunidad.
Kaya kailangan dito ay kamay na bakal, at tulong mula sa lokal na pamahalaan, hanggang sa barangay, at sana, magbuo ng isang anti-human trafficking unit ang isang lokalidad, katuwang ang law enforcement agency, media, pangkat ng relihiyon at ng mapagkakatiwalaang samahan sa komunidad.
Responsibilidad nating lahat na labanan ang kademonyohan ng krimeng ito na higit pa sa drug trafficking.
Kung matindi ang ginagawang giyera laban sa ilegal na droga, gayundin ang dapat na kilos laban sa mga human traffickers.
Mahalagang tungkulin ng ating immigration official na tutukan ang kriminalidad na ito dahil sa mga mata nila sa mga binabantayang pintuan sa mga pantalan at paliparan dumadaan ang mga kriminal sa pagpapalusot ng mga biktimang ipaalipin at isasadlak sa prostitusyon sa ibang bansa.
Sana, wag masilaw sila sa salaping isusuhol ng mga kriminal, at matamang busisiin ang mga dokumento, usisain ang mga kawawang biktima sa mga dahilan ng pag-alis sa bansa sa pangarap na magtrabaho pero karumaldumal na kapaitan sa buhay ang sasapitin sa ibang bansa — na doon, sila ay maging aliping parausan sa laman at bubusabusin talo pa ng pinatawan ng kamatayan.
***
Para sa akin dear readers, kamatayan ang dapat iparusa sa human trafficking, pagkat ito ay kasalanang moral sa sangkatauhan.
Iwinangis tayo sa diwa ng Diyos sa pagkalikha sa atin, tapos dudungisan, wawasakin na parang laruan at itatapong tulad sa maruming basahan.
Diyos na lumikha sa atin ang dinudungisan, nilalapastangan ng mga kriminal na ito.
Paulit-ulit na kamatayan ang sinasapit ng biktima ng human traffickers kaya dapat, sa paniniwala ko, ipataw rin sa kanila ang pinakamabigat na parusang kamatayan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post PATAWAN NG PARUSANG KAMATAYAN ANG MGA HUMAN TRAFFICKER, NGAYON NA! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: