Facebook

PBBM ININSULTO NG DALAWANG JUSTICES SA KASO NI SEC. GADON

MALALIM daw pala ang dahilan kaya naalisan ng lisensya bilang abogado si Presidential Adviser on Poverty Alleviation (PAPA) Larry Gadon.

Aba’y dahil daw pala ito sa ‘personal vendetta’ sa kanya ng dalawang mahistrado ng Korte Suprema?

Sina Senior Associate Justice Mario Victor Leonen at Associate Justice Maria Filomena Singh ang sinasabing nagmaniobra raw sa disbarment case laban kay Gadon, ayon sa mga mapagkakatiwalaang source mula sa kataas-taasang hukuman.

Si Leonen daw ang acting chief justice sa isinagawang En Banc Session noong Hunyo 27 dahil naka-leave o nasa Australia noong araw na iyon si Chief Justice Alexander Gesmundo. Naku, dito na raw ipinilit ni Leonen sa mga kapwa niya justices ang paghatol sa usapin habang wala ang chief magistrate.

Hindi naman maitatanggi na sa loob ng maraming dekada, nakagawian at naging tradisyon na sa pinakamataas na korte na hindi raw dapat pagbotohan ang mga kontrobersiyal na kaso kung wala ang punong mahistrado.

Sa mga ganitong senaryo raw, maaari namang itigil o ipagpaliban muna ang paghatol sa kaso para hintayin ang pagbabalik ng chief justice. Ang matindi, nangyari ito habang wala si Gesmundo. Tsk, tsk, tsk.

May dalawang mahistrado raw ang humirit na i-postpone ang deliberasyon at botohan sa kasong disbarment ni Gadon.

Gayunman, nagtagumpay pa rin daw Leonen nang igiit ang pag-withdraw sa motion for postponement ng mga kapwa niya mahistrado. Sinubukan din daw ng isa pang justice na itulak ang pagpapaliban dito ngunit nabigo ito.

Waring pinersonal daw ni Leonen si Gadon. Isiniwalat naman ng aking sources na na-pressure daw ni Leonen ang mga kasamahan niyang mahistrado kaya hindi naigiit na maipagpaliban ito. Nangyari na nga’t nailatag niya raw sa En Banc na may ‘blessings’ kay Gesmundo ang pasya hinggil sa nasabing usapin.

Ipinalalagay na nais gumanti ni Leonen kay Gadon dahil ito ang nagsampa ng kasong impeachment laban sa kanya sa Kongreso makaraang maghain ng hindi kumpletong Statements of Assets Liabilities and Networth (SALN) noong law professor pa ito ng University of the Philippines (UP).

Tila gusto rin daw ipahiya ni Leonen si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaya naipilit ang pag-disbar kay Gadon. Kung maaalala kasi, si Gadon ay itinalaga ni PBBM bilang presidential adviser isang araw bago naipalabas ang hatol sa kanyang disbarment case.

Natatandaan n’yo ba na si Leonen ang humatol sa election protest ni Marcos Jr. laban kay dating Vice-President Leonor Robredo noong May 2016 vice presidential elections?

Sa parte naman ni Singh, napag-alaman na siya raw pala ang ‘ponente’ o siyang naatasang bumusisi at magbigay ng rekomendasyon sa usapin. Ang pagpapa-disbar kay Gadon ang naging rekomendasyon ni Singh, ayon sa mga source, kahit sa aktuwal na hatol ay “per curiam” (by the court) ruling ito o nakakubli ang identity ng author ng desisyon.

Maliban dito, kilala raw na kaalyado at kadikit ni dating Chief Justice Maria Lourdes Aranal-Sereno si Singh. Si Sereno, kung inyong natatandaan, ay sinampahan ng impeachment case ni Gadon noong 2018 bunga rin ng kabiguan daw nitong magsumite ng kumpletong SALN noong UP professor pa ito.

Noong nakaupo pa raw si Sereno bilang chief justice, hukom naman sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) si Singh. Kahit itinulak siya ni Sereno, tinalo si Singh ni Atty. Thelma Bahia, sa botong 8-7, para sa pagka-Deputy Court Administrator.

Sina Justice Singh at Department of Health Undersecretary Rosario Singh-Vergeire ay magkapatid. Bagama’t nag-apply si Vergeire sa posisyon bilang DOH chief, hindi ito pinaupo ni Pangulong Marcos at sa halip ay ipinuwesto nito si Dr. Teodoro “Ted” Herbosa.

Nag-ugat ang disbarment case laban kay Gadon sa sinasabing pambabastos at pagmumura niya sa batikan at investigative journalist na si Raissa Robles.

Sinisikap pa naming makuha ang panig ng dalawang mahistrado.

Abangan!

***

Katuwang ang ilang sponsors, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat po at stay safe!

The post PBBM ININSULTO NG DALAWANG JUSTICES SA KASO NI SEC. GADON appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
PBBM ININSULTO NG DALAWANG JUSTICES SA KASO NI SEC. GADON PBBM ININSULTO NG DALAWANG  JUSTICES SA KASO NI SEC. GADON Reviewed by misfitgympal on Hulyo 02, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.