Facebook

Power outage sa DavNor kinastigo ni Bong Go

KINASTIGO ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagkawala ng suplay ng kuryente sa Davao del Norte sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Energy noong Miyerkules.

Umapela si Go sa Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) na magbigay ng agarang solusyon matapos mabigo sa pangako nitong reresolbahin ang isyu sa Hunyo 30, 2023.

Tubong Davaoeño, binanggit ni Go ang isang partikular na insidente noong Hunyo 13 nang maputol ang kanyang talumpati sa Tagum City sa Davao del Norte dahil sa unscheduled brownout.

“Kumusta na po yung ipinangako ninyo na ma-resolve ninyo ito by June 30?” tanong ni Go sa mga kinatawan ng NORDECO.

“Pakiusap lang, kawawa po ang tao na willing naman magbayad ng tama pero kawawa po, hindi maayos ang serbisyo na naibibigay ninyo sa kanila,” anang senador.

Isa namang kinatawan ng NORDECO ang humingi ng paumanhin at ipinaliwanag na ang unscheduled interruption noong Hunyo 13 ay resulta ng isyu sa Mindanao grid na nakaapekto sa 400-megawatt supply ng kuryente.

Nilinaw din nila na walang rotational brownout sa Island Garden City of Samal simula noong Hunyo 5 dahil sa karagdagang kapasidad na naka-install at kasalukuyang reserbang 2.6 megawatts.

Ngunit nabulaga ang NORDECO nang isiwalat ni Go na nagkaroon din ng brownout noong Hunyo 2, 3, 12, 21, 23, at 25.

Hiniling niya ang isang paliwanag na tumutugon hindi lamang sa insidente sa kanyang pagbisita sa Tagum City kundi pati na rin sa publiko na sumasaklaw sa lahat ng munisipalidad sa ilalim ng NORDECO, kabilang ang mga lugar sa mainland Davao del Norte.

Tungkol sa pangako ng NORDECO na ikonekta ang Samal sa grid mula sa Pantukan pagsapit ng Hunyo 30, muling humingi ng paumanhin ang kinatawan, at sinabing nagpapatuloy pa rin ang proyekto. Isang bagong target ang itinakda upang makumpleto ang pagkonekta sa loob ng taon.

Sa kabila ng pagkaantala, tiniyak nila na magkakaroon ng available power supply sa Samal, sa tulong ng naka-install na kapasidad ng isang modulator generator set.

Pero binigyang-diin ni Go na ang mga isyu sa Samal ay iba at ang NORDECO ay sumasaklaw sa mga lugar na nakararanas ng brownout, kabilang ang Tagum City at iba pang munisipalidad.

Noong nakaraan, nanawagan si Go sa pamunuan ng NORDECO at iba pang electric providers na tugunan ang mabilis na pagkawala ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng bansa para maibsan ang hirap ng pamumuhay ng mga residenteng nagbabayad para sa kanilang serbisyo.

The post Power outage sa DavNor kinastigo ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Power outage sa DavNor kinastigo ni Bong Go Power outage sa DavNor kinastigo ni Bong Go Reviewed by misfitgympal on Hulyo 12, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.