MAY magagandang iniwan sa bansa ang dating Presidente Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos Sr., pero hindi ito dapat na maging dahilan upang kalimutan na, ‘wag nang usigin pa ang mga taong gumawa ng karahasan, pagpatay, katiwalian at matinding pagnanakaw na nangyari sa rehimen ng batas militar.
Ilan sa magagaling na legacy ni Marcos ay ang maraming itinayong kalsada, paliparan, mga ospital, state colleges and universities, pabahay at iba pa – na hanggang ngayon, pinakikinabangan ng taumbayan.
Ang magaling, dapat na gayahin, pero ang masasamang ginawa ng panahon ni Macoy, hindi dapat na isaisantabi dahil lamang sa panawagan ng pagkakaisa, dahil sa sigaw na iwan na at harapin ang mga problemang hinaharap ngayon ng bansa.
Hindi dapat na isarado ang madugong nakaraan ng batas militar, lalo na at hanggang ngayon, maraming namatay at nawawala pa ay sumisigaw ng hustisya.
Para sa akin, opinyon lang po itong ng inyong lingkod dear readers, ang paghahanap ng katarungan sa mga biktima ng martial law ay hindi paghihiganti.
Ang kabayaran sa kasalanan ay katarungan, di po ba?
Dapat ay panagutin sa mata ng batas ang mga may kasalanan, hindi sa paraan na nais lamang maghiganti.
Walang hustisya sa gantihan pero may kapatawaran ang kasalanan kung maparurusahan at babayaran bunga ng maayos na paghuhusga, ayon sa mata ng batas.
Dapat din nating tingnan ang mabuti, hindi lamang ang masama, – at ang mga iniwang magaling, mahusay at kapakipakinabang ng batas militar ay gamitin natin para sa kapakanan ng taumbayan.
***
“Lahat ng magaganda na ginagawa ngayon ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ay ating suportahan… purihin natin ang magaganda, ang masasama, ating kondenahin, ating usigin,” tama po ba?
Sa huli ating suriin dear readers, ano ang pinakamamahalagang nagawa at ginagawa ng ating pamahalaan para sa kabutihan ng bansa, at ano ba ang mabubuting bunga at pakinabang sa bayan ng mga proyektong mula sa bulsa ng tax payers/mamamayan?
Kaya kung ang isang programa o proyekto ay tumatama sa kaginhawahaan, sa kapakinabangan ng tao, yun ay dapat nating purihin at suportahan.
Kaya sa mga masugid kong tagasubay, ngayon na ang panahon para wakasan ang mga maruming politika na siyang bunga ng kahirapan ng Pinoy at kung bakit tayo ay napag iwanan ng ibang kalapit nating mga bansa.
Sa huli ay iisa pa rin ang kuwento: korapsiyon, kahirapan, kagutuman, matitinding pagsubok sa buhay.
Tama na ang mga away, laitan, batikusan, etc: Ibahin natin, gawin nating mabuti, maginhawa at masaya ang kuwento ng bawat pamilyang Pilipino, at pangitiin natin si Juan, si Petra, si Maria.
***
Madalas na itinatanong: Ano’ng ahensiya ng gobyerno ang pinaka-corrupt, lagi nang nababanggit ang Bureau of Customs (BoC).
Marami-rami ring Customs Commissioner ang talagang ginagawa ang lahat — marahil higit pa sa kanilang makakaya upang mabawasan kungdi man tuluyang mawala ang korapsiyon sa Aduana.
Natatandaan, minsan ay nasabi ni Manong Juan Ponce Enrile — na minsang naupong BoC commissioner sa panahon ni Pres. Ferdinand Marcos Sr. — na totoong napakahirap maalis ang korapsiyon sa Aduana.
Sabi nga, panahon pa ni Matusalem, nandiyan na ang korapsiyon.
Kung Matatandaan, ilang komisyado na ng Aduana ang nadawit ang pangalan sa korapsiyon; may inimbestigahan ng Kongreso at ng Senado, pero wala namang nangyari at mga pipitsuging opisyal at tauhan lang, mga kasabwat na importer at broker lang nakasuhan, at iilan lang din ang napatunayang nagkasala nga at napausahan.
Sa panahon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte, apat ang iniupo nyang commissioner sa Aduana, pero kung nabawasan man, parang tabak na nakabaon sa batong buhay, wala ni isa sa kanila ang nagawang mabunot at mahugot ang ugat ng katiwalian.
Sa panahon ni Pres. Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, kapwa nag-resign sina Customs Commissioner Ruffy Biazon at Deputy Commissioner Danny Lim na sinundan din agad ni Deputy Commissioner Juan Lorenzo Tanada.
Nangyari ang pagbibitiw ng tatlo nang upakan ni PNoy sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang talamak na korapsiyon sa BoC, di-mapigilang ismagling at sinasabing pagkawala ng mahigit sa P200 bilyong piso na naibulsa ng mga tiwali sa BoC, mga kasabwat na ismagler at mga politikong hindi naman pinangalanan.
Masakit ang pilantik ni PNoy sa mga di tinukoy na korap sa Aduana nang sabihin: “Saan kayo kumukuha ng kapal ng mukha?”
Sa buwaya, hindi mang sinabi ay iyon ang isasagot ng mga tao.
Kasunod nga niyon ang pagbibitiw nina Biazon, Lim, Tanada, pero ang iba — kumapit sa puwesto na parang bayawak na kahit anong hatak ang gawin, hinding-hindi makakayang mapabitaw ang masarap na kinakain sa bibig.
Sa maraming imbestigasyon nang ginawa, iisa ang laging matutukoy kaya napakahirap na mawala ang korapsiyon sa BoC: maraming malalapit sa Pangulo, sa Gabinete at maging mga kongresista at senador ay hindi lang nakasawsaw kungdi nasa likod ng ismagling at katiwalian.
Protektado ng mga politiko, malalaking tao sa gobyerno o kaya maiimpluwensiya sa mga pinuno ng mahahalagang departamento ng gobyerno ang pasimuno sa ismagling kaya hirap ang matitinong opisyal ng Aduana na totohanang masugpo ang korapsiyon.
Ulo nila, reputasyon at dangal ang wawasakin ng maiimpluwensiyang taong ito kaya napipilitang maglubay sa paglilinis sa Customs.
‘Yung hindi mapasuko ang integridad, tanging kusang pagbibitiw sa tungkulin ang magaang na paraan upang hindi maputikan ang karangalang iniingatan.
Madaas nang nasasabi ang pagkainggit sa mga opisyal sa Japan, Canada at iba pang bansa na ang mga pinuno ay may baon pang ‘delikadeza’ sa puso at kaluluwa — na konting himig o batikos o kung maisalang sa imbestigasyon, kusang umaamin o nagbibitiw sa tungkulin.
Para mabawasan ang korapsiyon ay may mga mungkahi na msimong ang Pangulo ang magsiwalat sa mga pangalan ng mga politiko, miyembro ng Gabinete na protektor ng mga anak sa Aduana.
Malaking tulong ang pagbatikos at matapang na komentaryo ng media sa hangad na mailantad ang mga protektor ng katiwalian, pero higit na kailangan din ang todong suporta ng Pangulo laban sa korapsyon.
Hindi maaaring iasa lamang ito sa Customs commissioner at sa matatapat nitong kasama sa laban sa korapsiyon.
Kung nais ngang tuluyang mabawasan ang korapsyon, hindi lamang ito nakapataw sa balikat ng BoC commissioner, higit na tungkulin ito ng Pangulo na isuporta ang ‘kamay na bakal’ na katuwang ang matatapat nyang miyembro ng Gabinete.
Kung wala ang todong suporta ng Opisina ng Pangulo, mananatili ang makakapal ang mga mukha sa Aduana at hinding-hindi mawawala ang korapsiyon hindi lamang sa Customs kungdi sa buong istruktura ng pamahalaan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post NGAYON NA ANG PANAHON NA GAWIN NATING MASAYA ANG KUWENTO NG BAWAT PAMILYANG PILIPINO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: