ISINIWALAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bukod sa Vieva Group of Companies ay marami pang hinihinalang sindikato ang kanyang pinaiimbestigahan sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na pinaniniwalaang sangkot sa smuggling ng agricultural products.
Sa isang ambush interview matapos dumalo sa Livestock & Aquaculture Philippines 2023 sa World Trade Center, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi maaaring pabayaan ang gawain ng mga sindikato dahil maituturing itong economic sabotage.
Iginiit ng Presidente na maliban sa may mga nagugutom ay may mga namamatay ding Pilipino dahil sa gutom na nag-ugat sa iligal na aktibidad ng mga ismagler kaya dapat aniyang mawakasan na ang maliligayang araw ng mga ito.
Samantala, inamin naman ni PBBM na wala siyang ibinigay na deadline sa DOJ at NBI sa kanilang imbestigasyon.
Subalit sinabi ni Pangulong Marcos na kung siya ang masusunod, nais niyang tapusin kaagad ang pagsisiyasat pero dapat ay hindi ito hilaw.
Dagdag pa ng Pangulo, nakatutok ang imbestigasyon sa pagtukoy kung sinu-sino ang mga sindikatong nag-o-operate o sangkot sa smuggling, hoarding at iba pang uri ng pananabotahe upang makontrol ang presyo ng mga produktong pang-agrikultura. (Gilbert Perdez)
The post PROBE VS. AGRI SMUGGLERS PINAMAMADALI NI PBBM appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: