SALA ang paghahambing sa bago at luma, sa ginto’t bakal, sa tahimik at maingay o sa mga bagay na may iba’t ibang magkasalungat na katangian. Walang galing ang kasalukuyang namumuno kung tatanungin ang nakaraan kahit ito’y mula sa pusaling malalim pa sa lubluban ng matandang kalabaw. Ang dating liderato’y salat sa husay ngunit una sa pagmumura’t pang lalait sa kapwa. Ang pamahalaan nito’y puno ng kapalpakan lalo sa programang laban sa droga, maging sa pagpapataas ng kabuhayan ng mamamayan.
Sabihing nariyan ang pagsubok ng pandemya ngunit labis-labis ang pagbulusok ng kabuhayan ng mamamayan at ibinaon sa utang sa mahigit na P7T utang ang bayan o higit sa P100K ang bawat Pinoy. At kung ito ang paghahambingan ng kasalukuyang liderato tunay sa sala’t walang saysay. Mahusay ang pagkakasulat ng ulat ni Boy Pektus sa bayan ngunit salat sa katotohanan o kaganapan sa baba ng lipunan. Maraming nabangit na magagandang nagawa kuno ngunit taliwas sa nadarama ni Mang Juan sa kasalukuyan.
Mainam na ibanga ang mga nagawa ni Boy Pektus sa ipinangako upang masasabing maganda ang resulta ng mga nagawa sa halip na ihambing sa walang kwentang nakaraan. Batid ni Mang Juan na kung ihahambing ang ikinilos ng pamahalaan ni Boy Pektus tiyak ang kalamangan sa ganda sa nakaraan. Eh, paano ‘di gaganda ang nagawa kung magsisimula sa negatibo tungo sa Zero resulta. Tulad ng bangit sa itaas mainam na singilin ito sa mga pangakong binitiwan sa kampanya at sa unang SONA. At doon matatasa kung naging epektibo ito sa pagtimon sa renda ng pamahalaan.
Maglagay tayo ng ilang batayan, una, sa usapin ng pagpapababa ng mga bilihin higit ng bigas, laglag ang grado ni Boy Pektus sa aspetong ito kung pag-uusapan. Hindi pinababa ng pamahalaan ang presyo ng bigas sa nais na P20.00/K dahil patuloy na mataas ang halaga nito sa mercado. Sa totoo lang walang mabiling bigas sa halagang P20/K saan mang pamilihan. Ang masakit, patuloy na mataas ang presyo ng mga bilihin higit ng mga kinokonsumo ng pinoy sa araw-araw, tulad ng asukal, sibuyas maging ang mga isda. Habang sa SONA , iba ang ulat at nilililo ang mga kababayan na nasa laylayan. At sa totoo lang, sinisingil ng bayan si Boy Pektus na magkaroon ng disenteng pagkain ang kanilang hapag at hindi ang nasa palasyo upang masabi na may nagawa ang pamahalaan na maibsan ang hirap ni Mang Juan.
Pangalawa, nariyan ang pangako na palalakasin ang ekonomiya ng bansa. Maraming opisyal-pasyal ang ginawa upang humikayat ng mga dayuhang negosyante sa bansa. Maraming naiuwing pangako ngunit walang napabalitang pumasok na mamumuhunan sa bansa. Walang bagong Negosyo ang dumating o nagbukas sa bansa. Paanong lalakas ang kabuhayan kung walang nalilikhang trabaho na dala ng mga bagong negosyo. Samantala, tila muling lumalakas ang mga “crony o Cronies” na siyang nagmamanipula ng mga negosyong malalaki. At malaki ang tama sa mga obrero na bawal ang magtayo ng samahan o ng unyon na makapagbibigay proteksyon laban sa pagmamalabis ng mamumuhunan. Ito ba ang sinasabing lumalakas na ekonomiya ng bansa.
Sa ibang punto hindi magkita ang dalawang dulo ng sinturon ni Mang Juan sa mahal ng bilihin na isang basehan sa lumalakas na ekonomiya ng bansa. Ang hindi makabili ng karaniwang pangangailangan sa bahay ang tamang basehan ng malakas na ekonomiya? May tama ka BP? Sa totoo lang, nagiging pala-asa ang maraming Pinoy sa programang ayuda na ayaw alisin ng pamahalaan upang malilo ang mga bobotante sa darating na halalan. Ito ba ang malakas na ekonomiya? Karagdagan, nariyan ang hindi dumadaming trabaho na larawan ng kahirapan ng buhay ng mga obrero. Sa halip, maraming obrero ang diskuntento dahil sa pagbabawal na mag-organisa’t magtatag ng unyon. Nariyan na dumarami ang casual, contractual, Job Order at uri ng trabaho na pansamantala. Sa isang banda, patuloy na nailuluklok ang maraming kasapakat na Union Leader sa mga pwesto sa pamahalaan ng ‘di makapagtayo ng mga bagong grupo ang mga manggagawa. Huli ka ni Mang Juan, obrero!
Pangatlo, pinagmamalaki ni Boy Pektus ang kahusayan ni Inday Sapak sa paghawak ng DepEd gayung walang ambag ito sa kasalukuyang kaayusan sa kagawaran. Nariyan ang iba’t – ibang uri ng pangigipit sa mga guro na pinipintahan ng pula sa halip na bigyan ng pag-aaral ng mapataas ang uri ng pagtuturo sa mga bata. Ang masakit dito tila kinukutuban ang ilang guro na may nilulutong tangalan sa hanay ng mga kasapi ng progresibong grupo. At ang pagdadagdag ng mga bagong guro’y pagtitiyak na magiging masunurin sa ibig ng kalihim ng kagawaran, higit sa darating na pambansang halalan. Sa katunayan, ang programang ibig iambag ni Inday Sapak ang pagbabalik ng CAT / ROTC sa mga mag-aaral. Ang ibilad ito sa arawan sa maghapon at mabilog ang kaisipan sa bulag na pagsunod sa namumuno ang siyang layon sa hinaharap.
Sa mga nabangit sa itaas ay ilan sa dami ng mga pangakong napako ni Boy Pektus sa bayan. Magaling ang pagpapaikot ng direktor sa SONA sa paghahambing ang kasalukuyan sa nakaraan na ikinasiya ng anak ti’ Batac. Ngunit lagapak ang grado nito kung si Mang Juan ang tatanungin dahil ‘di dama sa mabulaklak na sinabi nito sa SONA. Sa ilang palitan ng biruan nariyan na ang ibig sabihin ng SONA’y Speech Only No Action, hehehe.
Bago ang katapusan, naglabas ang isang survey firm ng nakakagulat ang resulta na magpapapula sa pisngi ni Boy Pektus na parang Nutri Bun maging kay Inday Sapak. Sa nabangit na survey masasabing binigyan ng lagapak na grado ang dalawang pangunahing lider ng bansa, Boy Pektus mula sa 49.5% tungo sa 1%, Inday Sapak mula sa 78.1% tungo sa 46%. Malinaw ang indikasyon na malayo ang dama ng bayan sa mga banggit na nagawa ng pamahalaan, higit ang Mindanaoans na siyang nakapaloob sa survey. Sa loob ng isang taon ang pagbagsak sa pananaw ng tao’y taliwas sa ulat na binabangit sa SONA. Walang saysay ang mga bangit na mga nagawa ng pamahalaan lalo’t walang tama sa kabuhayan ang pangako na pinagbasehan sa survey. Sa huling punto, sala na paghambingin ang dati sa kasalukuyan dahil parehong sala sa gawa at marami lang sa salita.
Maraming Salamat po!!!
The post SALA ANG PAGHAHAMBING appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: